Una nang naaresto noong nakaraan ang walo sa 16 katao na sangkot sa flood control projects. Nang arestuhin ang walo, dinala agad sa kulungan. Ngunit, nakamit na nga ba ang tunay na pananagutan sa anomalyang mga proyekto kung ang tanging nasusungkit lamang ay ang mga tuldok ng pangungurakot—habang ang mga malalaking pangalan na kasangkot din ay malaya pa rin hanggang sa ngayon at patuloy na pinoprotektahan ng kanilang mga tuta’t alagad.
Si Lolong ay ang pinakamalaking buwaya na nahuli sa Pilipinas, ngunit sa mundo ng pulitika, mas marami pang katulad ni Lolong ang kailangang mahuli—ngunit dahil sa kanilang laki at lakas, nananatiling duwag ang mga mamamayan. Kung gaano katagal nahuli ang buwayang si Lolong noon, ganoon din katagal madampot ngayon ang mga Lolong sa loob ng pamahalaan na siyang naghahari at walang kinakatakutan.
Ang laki at lakas ni Lolong ay maihahalintulad sa mas lalong lumalaking korapsyon sa ating bansa na hindi na masugpuan. Katulad ng pagkakaisa ng mga mamamayan noon upang mahuli si Lolong, nararapat lamang din na magkaroon sa lipunan ng sama-samang aksyon, malinaw na ebidensya, at matatag na liderato upang masugpo ang mga “buwayang” politiko na sumisipsip sa kaban ng bayan. Mga buwayang nakatira sa sarili nilang tubig at tahanan, ngunit sila rin mismo ang sumisira nito dahil sa pagkabulag patungo sa kasakiman. Palagi nating tatandaan na sa realidad ng lipunang ating ginagalawan, hindi si Lolong ang pinakamalaki at nakakatakot na buwaya—kundi ang mga buwayang politiko na hindi naninirahan sa ilog, ngunit ang kasakiman at katakawan ay higit pa sa gutom ng isang buwaya; araw-araw nilang nilalamon ang pag-asa ng masa, kabataan, at bawat mamamayang Pilipino na naghihirap sa bansang lumilihis sa sarili nitong landas.
Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, nagbabala ito sa mga pinaghahanap na akusado na sumuko dahil sa malaon at madali ay maaaresto rin sila ng mga awtoridad. Ngunit bakit tila duwag ang ginagawang pag-aresto? Matatandaan na ang dating speaker ng Kamara na si Martin Romualdez ang itinuturing na utak sa likod ng mga anomalya at siya diumano ang isa sa pinakamalaking buwaya na nakatanggap ng kickback mula sa mga pinagsamantalahan na proyekto. Mismong Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang nagsabing may sapat na batayan para i-recommend ang pagsasampa ng plunder, graft, at bribery cases laban kay Romualdez. Ngunit hanggang ngayon—kung saan mayroon nang mga nakukulong, ang tanong ng karamihan ay, “Nasaan si Lolong?”
Sa kabilang banda naman, marami sa mga Pilipino ang nagsasabing unti-unti na raw nating naabot ang pananagutan at kalayaan ng bansa na panagutin ang sino mang magtataksil at gagawa ng ikakahirap ng mga mamamayan. Pero, hindi pa ito ang tamang panahon para magdiwang sa tagumpay ng pananagutan. Palagi nating tatandaan na kung ang tanging mahuhuli lamang ay ang mga alagad nila Lolong, patuloy pa rin ang siklo ng korapsyon, panlilinlang, at harap-harapang pagnanakaw sa karapatan at kalayaan ng bawat Pilipino na makaranas ng tunay na pagbabago at maayos na pamumuno.
Hindi dapat tayo makuntento sa resulta ng imbestigasyon at bilang lamang ng mga pangalang nakulong kung tanging sila ay itinali lamang din noon upang magsilbing kamay ng malalaking buwaya na patuloy sumisipsip sa kayamanan ng bansa. Hindi titigil ang pagbaha, hindi lamang ng tubig—kundi maging ng mga kaliwa’t kanan na pagkakaisa ng mamamayan upang patuloy na sumigaw upang panagutin ang tunay na dapat na managot. Wala dapat maging ligtas sa kasong ito at higit sa lahat, katulad ni Lolong, hindi tayo patuloy na papayag na mamuno ang mga buwayang dapat ay ikinukulong na at ipinapatapon.



