Edukasyon ang susi sa tagumpay, ani ng marami; ngunit sa bansang ito, kailangang mapudpod muna ang tatlong dekada ng tisa bago makuha ng isang guro ang susi sa sarili niyang pintuan.
Isang magandang balita sa unang tingin: matapos ang 32 taon ng walang pagod na pagtuturo, may sarili nang bahay si Alexander P. Driz, isang 54-anyos na pampublikong guro mula sa Nueva Ecija. Sa tulong ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyong Marcos Jr., nakamit niya sa wakas ang pangarap na matagal nang ipinagkait ng mababang pasahod at kawalan ng sapat na suporta. Ipinagdiriwang ito ng pamahalaan bilang isang tagumpay ng kanilang adyenda sa pabahay.
Propaganda. Ang kwento ni Teacher Alexander ay hindi isang kwento ng inspirasyon—ito ay isang malaking reyalidad na naglalantad sa kapabayaan ng sistema.
Isang malaking kabalintunaan na ang mga taong humuhubog sa kinabukasan ng bansa ay kailangang maghintay ng higit sa tatlong dekada bago magkaroon ng sariling bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo? Sa loob ng 32 taon, libo-libong mag-aaral ang tinuruang mangarap ni Teacher Alexander habang ang kanyang sariling pangarap ay nakabinbin. Ilang administrasyon na ang nagpalit-palit at nangako ng ginhawa, ngunit nanatiling nakapako ang sahod ng mga guro habang mabilis na tumataas ang presyo ng bilihin at lupa.
Ang katotohanang malapit na siya sa pagreretiro sa edad na 54 bago pa naaprubahan sa isang abot-kayang pabahay ay patunay kung gaano kahirap umunlad sa Pilipinas, maging para sa mga propesyonal na buong buhay na nagsisilbi sa gobyerno.
"At buti nga, papasalamat ako sa edad ko na ito, na-approve pa rin..." — Isang pahayag mula sa guro. Bagamat puno ng pasasalamat, ay nagpapakita ng kawalang-katiyakan na dinaranas ng marami. Bakit kailangang umabot sa punto na tila ba "suwerte" na lamang ang magkaroon ng disenteng tirahan sa dapit-hapon ng iyong karera?
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nararapat lamang na seguruhin ng gobyerno ang kinabukasan ng mga guro upang mas makapagturo sila nang may kapanatagan. Tama naman. Ngunit ang pagpapakita sa 4PH program bilang solusyon ay tila pagtatakip sa mas malalim na sugat ng sistema.
Hindi libre ang pabahay; ito ay binabayaran pa rin ng mga guro mula sa kanilang maliit na sahod sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund o Home Development Mutual Fund (HDMF). Kung sapat, makatao, at nakabubuhay ang sweldo ng mga guro sa Pilipinas, hindi nila kailangang umasa sa mga piling programang pampamahalaan o maghintay ng mahigit tatlong dekada para lamang magkaroon ng sariling tahanan. Kakayanin nila itong mabili sa normal na pamamaraan nang mas maaga sa kanilang buhay-paggawa.
Ang kwentong ito ay hindi dapat magsilbing pampalubag-loob o palamuti sa mga press release ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) o ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Ito ay isang sampal sa makatotohanang estado ng edukasyon at paggawa sa bansa.
Habang ipinagmamalaki ng pamahalaan ang iilang nabibiyayaan ng pabahay, milyun-milyong guro pa rin ang patuloy na nalulubog sa utang, nagtitiis sa kulang-kulang na pasilidad, at nangungupahan habang buhay. Sa katunayan, ayon sa opisyal na datos mula sa DepEd, 90% ng mga pampublikong guro sa bansa ang may outstanding loans o lubog sa utang.
Tunay ngang edukasyon ang susi sa lahat, ngunit hangga't hinahayaan ng gobyerno na mapudpod ang mga guro sa kahirapan, ang susing hawak nila ay hindi magbubukas ng tagumpay—kundi pinto lamang ng panibagong tseke, utang, at panghaba ng-buhay na singilan.



