Daig pa ng mga Pilipino ang mga manonood sa teatro, dahil sa linggong ito—halo-halong emosyon ang naramdaman ng bawat isang mamamayan na saksi sa isang magulo at palubog na gobyerno. At ngayong gabi, Mayo 13, 2026, panibagong yugto na naman ng kaguluhan ang umalingasaw dahil sa ‘di umano’y putukan na naganap sa senado na bumuo ng tanong sa karamihan: kung ito nga ba ay may katotohanan o isa na naman muling palabas ng mga alagad ni hudas?
Habang hinihintay ng publiko ang susunod na kabanata sa impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte at habang umiinit ang usapin sa warrant of arrest kay Sen. Bato dela Rosa, mahirap na paniwalaan kung ang lahat ba ng ito ay aksidente o panibago na namang taktika upang lituhin ang mamamayan dahil kapag ang mga nasa kapangyarihan ay nasusukol na ng batas, biglang magpapakitang-gilas ng mga gasgas na sarswela upang gawing kuta ng mga may sala ang Senado at malunod sa ingay ng kaguluhan ang sigaw ng bayan para sa pananagutan.
Sa bawat malalaking kontrobersiya sa bansa, laging may panibagong ingay na biglang sumasabog. Kapag papalapit ang usapin ng pananagutan, biglang may tensyon, may gulo, may eksenang kayang agawin ang atensyon ng publiko. Desperado na ang tingin sa lagay na ito. Lahat ay handang gawin malihis lamang ang paningin ng publiko mula sa mga bagay na dapat sana ay pinagtutuunan na ng pansin.
May mga nagsasabing mali raw na pagdudahan agad ang pahayag ng Senado. Isang bagay na totoo, ngunit karapatan din ng bawat mamamayan na makakuha ng isang impormasyon na lehitimo at hindi upang gamitin lamang bilang isang pantapal sa mga salawal na pilit tinatakasan ang pananagutan. At kung seryoso talaga ang sitwasyon, mas kailangan ng publiko ang malinaw na impormasyon kaysa emosyonal na eksena at malalabong pahayag. Dahil sa panahon ngayon, mabilis nang mawalan ng tiwala ang tao sa mga institusyong mas maingay kaysa malinaw.


