Sa bawat araw na pumapasok ako kasama ang milyon-milyong estudyante sa paaralan, mayroong pangalawang magulang na gumagabay at nagtuturo ng tamang daan. Sa bawat hangarin, sila ang karamay sa mga gawain, sila ang nagbibigay ng karunungan. Sa kanilang hinaharap na tungkulin, bakit tila sila ang dapat turuan?
Hindi ko maipagkakaila na ang bawat guro ay nagiging tulay tungo sa ating mga pangarap, dahil ang bawat turo nila ay tumatatak sa ating isipan. May mahigit 858,000 guro sa mga pampublikong paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd). Malayo ang agwat nito sa bilang ng mga estudyante na 22 million. Sila man ay kakaunti, itinuturing sila ng karamihan na “bayani” dahil hinuhubog nila ang mental at pisikal na kakayahan ng bawat kabataan. Subalit sa likod ng magandang pangalang ito, may bahid ng katotohanang mahirap aminin: ang iilan ay maituturing na bayani, ang iba ay hindi.
Bilang isang estudyante, isa sa mga problema sa edukasyon ay ang kakulangan sa pagsisikap ng ilan sa mga nagtuturo. May mga gurong hindi naglalaan ng sapat na oras upang ihanda ang kanilang pagtuturo o gabayan ang mga estudyante sa mahihirap na gawain. Ayon sa ulat ng World Bank, maraming guro sa Pilipinas ang hindi nagagamit ang pinakaepektibong paraan ng pagtuturo, at maraming estudyante ang nakararanas ng teacher absenteeism o kawalan ng guro sa klase.
May mga guro rin na may mataas na expectations sa mga estudyante, kahit hindi ito naaangkop sa kanilang kakayahan, na nagiging sanhi ng stress, at pagkawala ng interes sa pag-aaral ng kabataan. Mayroon ding mga gurong bastos o nananakit sa salita, namamahiya ng mga estudyante sa harap ng klase, na lumilikha ng takot at hindi ligtas na kapaligiran sa silid-aralan.
Bilang isang estudyante, ang ugali at asal ng nagtuturo ay repleksyon ng mga kabataang tinuturuan nito. Kung hindi magiging produktibo at maayos ang asal ng iilan, may mga estudyanteng nawawalan ng gana, nahihirapan, at nabibigatan sa labis na expectations. Ang guro ay dapat maging modelo, hindi hadlang, sapagkat sa bawat hindi epektibong pagtuturo, may estudyanteng natatapakan ang paglago.
Ang guro ay hindi lamang tagapagturo; siya ay gabay at ilaw sa landas ng kabataan. Sa bawat kilos, salita, at aral na kanyang ibinibigay, hinuhubog niya ang isip at puso ng susunod na henerasyon. Ang bawat estudyanteng natututo, at bawat hangarin na nabubuo, ay salamin ng kabutihang dulot ng guro. Subalit sa bawat pagkukulang at kapabayaan, may pangarap na natatabunan—at may tiwalang nasasayang.



