“Consummatum est.”
Ito ang huling salitang sinambit ni Dr. Jose Rizal bago siya barilin ng mga Kastila sa araw na ito 129 taon na ang nakalilipas. “Tapos na ang lahat.” Madaling basahin nang mababaw ang huling salita ni Rizal. Natapos na nga naman ang buhay niya dito sa Pilipinas, kaya’t hindi ba nababagay din na “tapos na” ang huli niyang salita? Marahil, oo. Pero ang tanong sa ngayon: dapat din ba nating “tapusin” ang pag-alaala sa tunay na mensahe ng buhay ni Rizal ngayong araw ng kaniyang kamatayan? Dapat ba nating hayaang mamatay si Rizal sa pamamagitan ng paglimot sa kaniyang mga ginawa?
Bago ang lahat, náis ko munang sabihin nang hayag ang isang bagay na dapat nating gawin ngayong 30 Disyembre: baunin nátin ngayong Araw ni Rizal ang katotohanang aktibista si Rizal. Madalas nakalilimutan (o sadyang kinakalimutan) ng lahat na si Rizal ay isang manunuligsa. Hindi siya nakontentong umupo lámang sa kwárto at magkunyaring bingi sa antig ng taong-bayan. Ginamit niya ang mataas niyang pinag-aralan upang punahin ang mga kapuna-punang bahagi ng lipunang Pilipino.
Habang patuloy na pinamumukhang demonyo ang mga aktibista, na kesyo kalaban at salot ng lipunan, habang patuloy na kinukulóng ang mga mamamahayag, habang patuloy na nagbibingi-bingihan ang mga makapangyarihan sa daing ng bayan sa tapat na pamahalaan, tandaan natin na ang ating Pambansang Bayani ay nagtatag ng payapa (ngúnit bigong) Kilusang Propagandista na naglayong pagtulayin ang agwat sa pagitan ng mga Pilipino at mga Kastila, naging manunulat para sa samot-saring mga paháyagan sa iba-ibang wikà, at higít sa lahat, iníbig niya ang báyan niya kaya't ultimo kamatáyan ay nagawa niyang tanggapín.
Sa walang habas na pagsupil ng gobyerno sa mga aktibista, mga mamamahayag, mga estudyante, at Pilipinong malayang nag-iisip at pumupuna sa pamahalaan, pinipigil nila ang mga Pilipinong gagarin ang ehémplo ni Rizal. Náis ba nilang patayín ang tapang ng bayani at palitan ng bulag na pagsunod sa panatisismong politikal?
Maraming aral ang mapupulot sa buhay at kabayanihan ni Pepe. Isa siyang dalubhasang naniwala na maaari pang madaan sa matinong usapan ang mga nasa kapangyarihan. Ngunit, sa kabila ng napakarami niyang tagumpay sa buhay aktibista, nabigó siyang kumbinsíhin ang mga Kastilà na karapat-dapat ituring na pantay ang mga Pilipino.
Ang mga kaisipan ni Rizal, na ang bawat Pilipino ay kapantay ng Kastila o ano mang lahi, na nararapat sa bawat isa ang karapatang lumahok sa pamahalaan, at higít sa lahat, na ang mga Pilipino ay hindi hangal at inedukado, kung ‘di lahing pinahahangal at pinatatanga ng sistemang pabor sa kolonyal na panginoong maylupa, ang naging batayán sa paghihimagsík ng Katipunan. Hindi man siya naging ganap na kasapi nito, hindi man niya sinuportahan ang pag-aaklas ng Katipunan, ngunit kung hindi para sa paghihimagsik ng Katipunan, marahil ay mamamatay kasama ni Dr. Rizal ang mga "radikál" niyang idea patungkol sa kalayaang dapat matamo ng kada isa.
Ngunit, sa kasalukuyan, malapit nang makalimutan ng mga Pilipino ang kanilang kasaysayan. Patuloy na nagpapasakop ang ating mga kababayan, hindi lamang sa interes ng mga banyagang bansa, kung ‘di sa kasakiman ng kanilang kapwa Pilipino—na tumatayong bagong “hari” ng bansang ito—at ipinagpapalit ang kalayaang taglay para lamang sa kahit katiting na salaping ikabubuhay.
Ang sentral na diwa ng Araw ni Rizal ay hindi lamang nakabatay sa mga tagumpay ni Rizal o sa pamumuhay niya bilang kapara-parangal na táo. Marapat din nating tandaan ang mga kabiguán niya sa búhay at kung papaano nito ginatungan ang úhaw ng sangkabayanihang Pilipino sa tunay na kalayaan, na hanggang sa kasalukúyan ay hindi pa natin nakakamtan.
Sa ngayon, hindi na Espanya ang sumasakop ng Pilipinas, kung ‘di Amerika at Tsina. Naiipit tayo ngayon sa digmaan ng dalawang makapangyarihang bansa; sa karera nila upang angkinin ang Pilipinas. Pinalalayas tayo ng Tsina gamit ang dahas sa sariling karagatan samantalang pinapatawan naman ng napakalaking taripa ng Amerika. Hangga’t patuloy lamang ang mga politiko sa Pilipinas na maging tuta sa interes ng banyagang makapangyarihan, ng Amerika man o ng Tsina, tiyak kong hindi tayo makalalaya sa kandado ng kaisipang kolonyal at panduruhagi ng ibang lahi.
Dagdag pa rito, hindi na rin Kastila ang mayayamang nagpapahirap sa tanang anakpawis at nagkakait ng kalayaan, kung 'di mga tubong Pilipinas na. Bilyon-bilyong salaping nanggaling sa pawis ng mga manggagawa, magsasaka, at karaniwang empleado ang ninanakaw ng mga taong minsang sumumpa na kumalinga sa kanila, na paglingkuran sila. Sa maraming paraan, ang mga opisyal ngayon ng gobyerno ang tumatayong bagong frayle: nagkukunyaring naglilingkod para sa ikabubuti ng lahat, ngunit sa huli’y nagpapakataba lamang sa pondong dapat inilalaan sa serbisyo. Habang maraming nagugutom at kapos sa suporta ng pamahalaan, ipinangangalandakan sa sambayanan ang mahapdi nilang utos: “magtiis kayo sa hirap.”
Ang mailap na katotohanan ngayon sa Pilipinas ay namamana ang kapangyarihan. Kesehodang ipinagbabawal mismo ng Saligang Batas ang pag-iral ng dinastiyang politikal sa bansa, patuloy na minomopolisa ng iilang magkakamag-anak ang pamumuno sa kanilang mga kamay. Nagkukuntsabahan ang mga magkakapamilya sa kung sino ang magiging mayor, kung sino ang magiging kontraktor, habang lantarang binubulsa ang hirap at pagod ng taong-bayan! Bantog ngayon sa buong daigdig ang Pilipinas sa pagiging pugad ng mga dinastiya—malayong-malayo sa Pilipinas na kilala noon bilang isa sa mga haligi ng demokrasya sa buong Asya.
Sa madaling salita, hindî na panginoong kolonyal ang nagpapatupad sa kaisipang makaluma at prehuwisyal, kung ‘di tayong mga Pilipino mismo.
Ngunit, higit sa lahat, nabigo si Rizal. Nabigo siyang idaan sa payapang usapan ang mga pinunong ayaw pakawalan ang taglay nilang kapangyarihan. Nabigo siyang isulong ang Pilipinas bilang ganap na kapantayng Espanya. Nabigo siyang palayain mula sa tanikala ng pagkamakaluma ang Pilipinas. Pero, dahil sa mga kabiguáng ito, nabuhayan ang iba pang dakilang bayani upang ituloy ang naiwang trabaho ni Pepe.
Nabigo si Rizal dahil inalay niya ang kaniyang buong buhay sa pagiging “boses ng lahat.” Sinubukan niyang katawanin ang hirap, ang pagod, ang kahirapan ng bawat mamamayan ng Pilipinas. Ngunit ang kabiguang ito ni Rizal ay tagumpay natin. Bakit? Dahil maaari pa nating baguhin ang takbo ng Pilipinas. Huwag natin iasa sa mga iilan ang pagiging “boses ng lahat” tulad ng paulit-ulit na sinasabi sa mga campaign ads, kung ‘di iparinig natin mismo sa mga makapangyarihan ang ating boses. Huwag itaya ang kinabukasan ng bansa sa mga politikong tumatayong “boses ng lahat,” bagkus, iatang natin ang pagbabago sa ating sariling mga kamay.
Sa katapusan ng buhay niya, si Rizal ay tumayo bilang lalaking masalimuot. Matagumpay siya. Nakapagsulaát ng akdang hanggang sa kasalukuyan ay inaaral, naglatag ng unang bato sa pakikibaka sa kalayaan, naabot ang mga bagay na hindî inaakala noon ng sino man na maaabot ng isang Pilipino, na isinilang sa Pilipinas, na "ganiré magsalitá ng Tagálog," na naniwalang kapantay natin ang mga dayuhan.
Hindi dapat maging ala-“consummatum est” ang pag-alaala natin kay Rizal. Hindi rin dapat natin sambahin ang doktor. Bagkus, kilalanin natin siya bilang kung ano siya noong siya’y nabubuhay pa: isang tao. Tao na nakagawa ng kahanga-hangang mga bagay. Taong dapat parangalan bilang isang bayani. Taong tunay na makabayan. Sa pagkilala at pagtanggap kay Rizal bilang taong kagaya natin—nagkakamali at nabibigo—tiyak kong makikita natin ang tunay na mensahe ng kabayanihan: hindi kailangang maging Diyos upang maging bayani.
Kailangan natin ngayon ang bagong hanay ng mga makabagong Rizal: mga Pilipinong hindi takot itaya ang lahat para sa bayan. Higit sa lahat, kailangan na kailangan din natin ang isang bagong himagsikan, hindi sa pamamagitan ng bolo at digmaan, kung ‘di himagsikan ng katuwiran, ng pag-iisip, at ng kamulatan.
Bayani si Rizal hindi dahil siya’y perpekto, bayani siya dahil inibig niya ang bayan niya nang lubos, at nagsikap siyang baklasin ang mga makalumang sistema na bumabangungot dito.
Gisingin na natin ang Pilipinas sa bangungot na kumukulong sa kaniya, tulad ng inasam ni Rizal.



