May mga panahong ang katotohanan ay hindi na hinahanap, kundi hinihintay na lamang na mag-viral. Ang scroll, like, at share—lahat ng ito ay mabilis at parang walang pakundangan. Dahil dito, kumalat ang isang pekeng medical certificate tungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ito ay isang dokumentong walang katotohanan, ngunit nagkaroon ng libu-libong mata at reaksyon. Kadalasan, ang mga ganito ay nagsisimula sa tukso at pagnanais na makasabay, kahit wala pang katiyakan na totoo.
Noong Enero, nag-viral ang pekeng certificate na ‘di umano’y nagpapakita ng abnormal na CT scan ng pangulo. Agad itong itinanggi ng St. Luke’s Medical Center at Malacañang at tinag bilang “fabricated and malicious.” Bumungad si Jack Argota, isang internet personality, na nagpakilala bilang may-akda. Nang tanungin tungkol sa motibo, sinabi niya na, “Wala, para makasabay lang sa uso. Engagement, ganon.”
Kasunod nito, nagsampa ng cyberlibel complaints ang National Bureau of Investigation( NBI) laban kina Jay Sonza at Jeffrey Celiz, habang si Argota ay ipinatawag para sa imbestigasyon.
Hindi na bago ang misinformation, ngunit ang dahilan sa likod nito na “para makasabay lang” ay mas nakababahala kaysa sa mismong pekeng dokumento, sapagkat ipinapakita nito na sa social media, hindi na kailangan ng paninindigan at ebidensya, hindi na kailangang tama, basta trending lang. Kailan pa naging sapat na dahilan ang “engagement” para isugal ang katotohanan?
Karagdagan pang problema, kapag ang kalusugan ng isang pangulo ay ginawang content, ito ay maaaring maghasik ng takot, magdulot ng kawalan ng tiwala, at makaimpluwensya sa pananaw ng publiko tungkol sa kakayahan ng liderato. Hindi ito maliit na bagay.
Oo, may legal na proseso, ngunit sapat ba ang batas kung ang kultura mismo ang may diperensya? Hangga’t ang “engagement” ang sukatan ng impluwensya, patuloy na magkakaroon ng insidenteng tulad nito, at patuloy nating ipagpapalit ang katotohanan sa pansamantalang atensyon.
Bakit napakadali para sa atin ang maniwala? Sa mundong mas mabilis ang pag-share kaysa pag-verify, ang katotohanan ay hindi nawawala kundi natatabunan lamang, at sa bawat pag-share na walang pagsusuri, tayo mismo ang naglalagay ng isa pang patong ng alikabok sa ibabaw nito.



