MATIGAS at mahirap durugin ang isang bato. Pero bakit tila durog na durog na ang Senador na ganito ang palayaw nang sumipot sa Senado si dating Senador Antonio Trillanes IV kasama ng ilang mga kawani ng National Bureau of Investigation (NBI) bitbit ang isang warrant of arrest? ‘Wag na natin sagutin ang tanong na ‘yan. Ito na lang: ano ba talaga ang dudurog sa isang Bato?
Flashback muna tayo. Matapos ang limang buwang “pag-a-AWOL” kung tawagin, sumulpot na rin sa wakas sa Mataas na Kapulungan si Senador Bato de la Rosa, sakto sa pagririgodon ng Senado at pagluluklok sa isa niyang kapwa maka-Duterte sa panguluhan nito. Mula Nobyembre ng nakaraang taon, ni isang beses maliban noong ika-11 ng Mayo, walang dinaluhang plenary session, committee hearing, o kahit caucus man lang ng Minority Bloc ang naturang Senador. Ngayon namang sumipot siya, hindi trabaho ang inuna n’ya sa Senado, kundi isang maduming laro ng politikang nakahandang hadlangan ang hustisyang iniaatas ng Saligang-Batas: ang impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Bago pa man nga makapasok si Bato sa loob ng bulwagang pulungan ng Senado, nakuhanan ng CCTV system ng Senado ang pakikipaghabulan ng senador sa mga kawani ng NBI upang takasan ang mga ito. Kung babalikan nga kasi ang dahilan kung bakit nagtatago si Sen. Bato, ito ay sapagkat ipinadadakip na siya ng International Criminal Court (ICC) bilang kasabwat o co-perpetrator ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity na kasalukuyang nililitis sa naturang hukuman. Imbis na harapin nang buong-tapang ang kaso gayong may bisang katulad ng isang warrant na galing sa Pilipinong korte ang ICC arrest warrant, ginamit pang panangga ni Bato ang Senado upang ilagan ang hustisyang nakahabol din sa kaniya matapos ang ilang taong pagmamalupit laban sa taong-bayan.
Maraming akong gustong itanong kay Senator Bato: bakit ngayon lang siya sumipot? Bakit, sa lahat ng pagkakataon, itinaon niya pa sa kudeta ang pagpasok sa Senado? Mas mahalaga ba sa Senador ang pakikiisa sa pagpapalit-liderato kaysa paglingkuran ang mga taong naghalal sa kaniya? “Absenera ng taon” na nga ang bansag sa kaniya ng ilang mga Pilipino dahil sa hindi niya paggampan sa mga tungkulin ng isang senador. Absent si Bato sa lahat ng mga naging isyu sa Pilipinas. Hayaan ninyong banggitin ko isa-isa: krisis sa langis, paglobo ng mga bilihin, pagtataas ng minimum wage, pagsipa ng inflation rate, paglalabas ng Blue Ribbon Committee Report tungkol sa mga sangkot sa katiwalian, pagpaslang sa mga sibilyan sa Negros, krisis sa enerhiya at kuryente, at napakarami pang iba. Sa dinami-dami ng inabsenan niyang problema ng ating bansa, hindi ba’t natural lamang na kapag pumasok na siya sa Senado, ang unang itatanong sa kaniya ay “bakit ka nandito?”
Pero maging ang tanong na ito, hindi kayang sagutin ng ating Senador.
Viral at kalat na kalat sa mga social media platform ang kaniyang tila pagwawala nang tanungin ng isang reporter “kung bakit pumasok siya sa Senado.” Tugon ng Senador: Noong absent siya, hinahanap-hanap siya, pero ngayong pumasok siya, bakit tinatanong pa rin siya? Ay siyempre naman! Kung ang mga estudyante nga, hinahanapan ng excuse letter kapag wala sa klase, bakit hindi puwedeng hanapan ng dahilan ang isang nakaupong Senador; taong hinalal para magpakita at magsilbi, hindi para um-absent at iwanan ang trabaho.
Kung tutuusin, walang iba kundi isang malaki at magulong kadramahan ang naganap sa Senado kahapon at patuloy na nagaganap sa ngayon. Napalitan ang liderato ng Senado at ang naluklok? Kilalang kaalyado ng mga Duterte. Ang mga nagluklok? Mga matutunog na pangalang nababanggit sa flood control scandal, mga nasangkot na sa katiwalian, at mga umanong mangangamkam ng lupa. Itong parehong pangkatin na ito sa Senado—isang mayoryang binibigkis ng anomalya at kawalang-pananagutan—ang nagpasa ng resolusyong i-cite in contempt ang mga opisyales ng NBI na nagtangkang isagawa ang mandatong inatas ng ICC at ng RA 9851 (na nagbibigay-bisa sa mga warrant ng ICC) at itago sa gusali ng Senado ang mailap na Senador. Sino at ano ba talaga ang kanilang ipinagtatanggol?
Nakalulungkot ang kalagayan ng Senado ngayon. Ani ni Sen. Risa Hontiveros: “it’s going viral for all the wrong reasons,” Paanong hindi, gayong huminto ang lahat ng trabaho ng Senado noong nagkarigodon? Ang mga komite, nawalan ng tagapangulo, at lahat ng mga gawain nila’y ipinagpaliban hanggang magkaroon ng bago. Nabasa ko sa Facebook, isang grupo sana ng mga magsasaka ang nakatakdang makipagkita kay noo’y Agriculture Chair Sen. Kiko Pangilinan, ngunit nakansela ito. Wala pa riyan ang kuwestiyon ng obhektibidad at kung gagampanan ba nang patas ng Senado ang tungkulin sa impeachment na malinaw na nakabalangkas sa Saligang Batas. Kung naprotektahan nga si Bato kahit korte na ang nagpapahanap sa kaniya, paano pa kaya ang Bise na Senado mismo ang tatayong korte!
Ang masasabi ko na lang: mabuti ka pa, Sen. Kaya mong um-absent ng ilang buwan at sumahod. Paano ang mga manggagawang minimum wage na kapag naubusan ng sick leave ay bawal magkasakit dahil walang sasahurin? Mayroon ka pa ngang hindi bababa sa labintatlong kakamping Senador na hahadlangan ang pag-aresto sa’yo. May panunuluyan kang gusali na ligtas sa mga pumapaligid na kawani ng NBI. Pero ang mga biktima at kolateral ng bigo at madugong giyera kontra drogang inilunsad mo—at siyang ikinalilitis mo—hindi nabigyan ng gan’yang pagkakataon. Kung ikaw, nagagawa pang takasan ang isang valid warrant, sila, bumulagta na lamang sa kalsada nang hindi man lamang nalilitis sa hukuman o nabigyan ng pagkakataong patunayan ang kanilang kawalang-sala.
At Sen. Bato, ‘wag mong kalimutan ikaw mismo ang humamon kay Sen. Trillanes na personal kang hainan ng warrant of arrest. Ginawa niya ‘yun. Ngayon, gawin mo na ang sinabi mo noong nakaraang taon: na wala kang takot sa ICC.
Sa interes ng hustisya, sumuko ka na. Dahil kahit gaano mo piliting magmatigas, durog ka na sa mata ng taong-bayan. Hindi mababago ng kahit anong rigodon, ng kahit anong resolusyon ng isang Senadong itinatago ka ang katotohanang binabaluktot mo ang katarungan sa ating bansa. At mas lalong walang politikal na makinarya ang makatatakip sa katotohanang malapit mo nang harapin ang hustisya. Bigyan mo (at ninyong mga Senador) ng kahit kakaunting dignidad ang Senado bilang kanlungan ng batas.
Durog ka na, Bato. Pero hindi kailanman madudurog ang panawagan ng bayang managot ka sa iyong mga nagawa.



