Isang taon mula ngayon nang makulong ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC (The Hague). Ngunit, may mga tanong pa rin ang karamihan—maaari nga bang maulit ang madugong administrasyon ni Duterte noon? Kung aayon ang tadhana at tuluyang tumakbo sa pagkapangulo at manalo sa paparating na halalan si VP Sara Duterte, walang imposible. Sabi nga nila, kung ano ang nagawa ng magulang, kayang-kaya ulitin ng anak.
Sa kasalukuyan, nahahati sa dalawa ang pulitika sa bansa. Andiyan ang mga maka-Marcos at syempre nasa kabila naman ang mga maka-Duterte. Simula nang makulong si dating pangulong Duterte, lumalim ang galit ng kanyang mga taga-suporta. Dahil matalino at mautak ang kanyang anak na si Sara—gagamitin niya bilang sandata ang galit ng mga maka-Duterte upang maipanalo ang 2028 election.
Sa kabila ng madugong administrasyon noon ni Digong, mahirap maintindihan kung bakit naghahanap pa rin ang ilan ng isa pang Duterte. Kung hahayaan na naman ulit natin magkaroon ng Duterte 2.0, parang si Digong na rin ang nanalo. Dahil sa dulo, talo ang masa at baon ang hustisya, dahil si Sara ay hindi lider, kundi loyalista ng sariling dugo at epelyido.
Maaga pa pero, ang paparating na 2028 ay hindi dapat maging entablado muli ng paghihiganti ng isang pamilya na ‘di na karapat-dapat pa muli umupo sa puwesto at ito ay ang mga Duterte. Katulad ni Sara na ang pinagsisilbihan ang tanging ang kanyang ama at hindi ang mga mamamayan na bumoto at nagtiwala sa kanya. Tinakasan niya ang mga responsibilidad na kaakibat ng kanyang posisyon—siguro sapat na itong basehan na hindi uunlad ang Pilipinas kapag panibagong Duterte muli ang uupo.
Sa kabilang banda, kung may mga maka-Marcos at maka-Duterte, mayroon din mga maka-Leni. Kung saan, marami ang umaasa na ikukunsidera ni Robredo na tumakbo sa paparating na eleksyon bilang pangulo Dito pa lamang, makikita na ang pagkauhaw ng mga Pilipino sa isang gobyerno at serbisyong may resibo, pulido, at nakasentro sa tao. At pansin din ang malalang sakit ng ating bansa: watak-watak na masang naghahanap ng ilaw sa gitna ng madilim na mga anino ng kapangyarihan.
Hawak pa rin ng mamamayan ang kapangyarihan upang magluklok ng taong karapat-dapat sa puwesto. Hindi sagot ang isa pang Duterte, kundi isang panibagong dagok na tuluyang magpapalala ng magulong pulitika sa ating bansa. Dahil kung hindi natin babasagin ang tuloy na nagdudugtong sa maduming puliktika ng ating bansa, patuloy tayong maglalakbay sa iisang daan na ilang dekada na rin nating pilit tinatawid.



