Walang inosente sa lengguwahe ng obligasyon sa Pilipinas. Ang utang na loob, pakikisama, at hiya ay iilan lamang sa mga kasangkapang inihahain sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino upang mapanday ang moral na kumpas—mga rekadong nagpapakintab sa iniihaw na plano ng mga politiko. Kung ganoon, paanong ang mga naturang sikolohiyang kaugalian ay nagiging sandata ng mga may kapangyarihan upang tubusin ang tiwala at katapatan ng masa? Ang konsepto ba natin ng empatiya ay nagiging mitsa ng kilusang pampulitika?
Sabihin na natin nang diretso: galaw-oportunista ang mga politiko sa parteng kailangan pa nilang idaan sa mahabang diskurso o debate ang mga polisiya upang mapaamo ang mga Pilipino. Sapat na ang paulit-ulit na pagpapaalalang pinakain nila ang pamilyang saklaw ng inyong pamumuno. Sapat na ang kilusang ipinangako ninyong magpapabago sa takbo ng ekonomiya. Sapat na ang payasong karakter na nakikipagkamay sa masa habang ibinubulong ang mga benepisyong hindi dapat pagkautangan ng loob. Sapat na ang pilit na pakikisama. Tama na. Trabaho niyo iyon. Hindi kontrata ang politika—hindi ito pampublikong kasunduan, kundi obligasyon ninyo bilang lider. Hindi namin utang na loob ang mga bagay na karapat-dapat naming makuha.
Empatiya—ang pinakadiwa ng makataong politika—ay nagkakaroon ng bahid ng manipulasyon. “Kumpare, huwag niyong kalimutan ang apelyido ko sa susunod na halalan. Malaki na ang naging tulong ko sa pamilya niyo.” Ganito ba dapat? Iba ang tunay na koneksyon at pag-unawa sa sistematikong empatiya na pinag-aralan, kinasanayan, at kalauna’y ginagamit upang mailako sarili at maiboto ng bayan. Kapag ang serbisyo ng kandidato ay nagiging tanikala ng utang na loob, napipipi ang sariling pasya ng tao sa lipunang nakamasid sa kaniyang kalayaan sa pagboto. Kapag ang emosyon ay nagiging palabas, hindi na ito pakikinig kundi panghihikayat. Mahiya naman kayo; hindi ito teatro para gawin ninyong tanghalan ng pakikipagkapwa at gawing palabas ang mga pakikisama.
Sadyang napakakritikal—lalong lalo na ang mga populistang lider na pinagsasamantalahan ang puso ng mga tao at ginagawang paraan upang ganap na maatim ang mga pansariling interes. Empatiya pa ba ito o estratehiya? Mabuti sana kung buhay na buhay ang hustisya, reporma, at pananagutan, pero wala. At anong kasunod? Isang bayang galit dahil nagkulang sa institusyunal na pananagutan. Aba’y hindi na nagiging tulay ang empatiya, kundi nagiging bitag na. At sa bawat paghinga, mas lumalayo lang tayo sa sistemang may pananagutan, katuwiran, at katapatan sa paglilingkod sa bayan.
Kitang-kita kung gaanong kalaganap ang bulag na pagtitiwalang ito simula pa lamang sa mekanismo ng vote buying hanggang sa palakasan o clientelism. Hindi lang boto ang nabibili, kasama na roon ang kapangyarihang sibiko na may ayudang nakatali sa leeg at may kwintas ng konsensya. Huwag tayong masanay sa ganitong sistema. Hindi ito kabutihan. Ito ay manipulasyon.
Sa bawat tulong na ipinangangalandakan, may pahiwatig ng pagsingil. May paalala ng hiya. May katok ng kapalit. Hiningi man natin o hindi, may pananagutan pa rin ang gobyerno sa masa—huwag nilang subukang takbuhan ang kanilang obligasyon. Gayunpaman, sa pinakaibuturan ng sikolohiyang kaugaliang ito, may nag-uudyok pa rin na kailangan nating magbayad na tila ba nailigtas nila tayo sa malubhang trahedya. Iyan tuloy, nagmumukhang bayani ang mga politiko at ang mga mamamayan ang nagiging tagapaglingkod sa mga lingkod-bayan.
Ngayon, kailangan nating tanungin kung anong uri ng politiko ang maglilingkod sa atin—hindi sa pamamagitan ng hiya, pakikisama, at utang na loob, kundi sa paraang hindi tayo ginagamit bilang sandatang pampulitikal—bilang bitag. Hindi pwedeng maging talaan ng pabor at utang ang ating mga sikolohiyang kaugalian; dapat maging mitsa ito sa paghubog ng responsableng mamamayan at matatag na demokrasya. Hindi pabor ang sukatan ng katapatan, kundi ang prinsipyo, integridad, at kakayahang kumilos para sa kolektibong kabutihan. Huwag na tayong magpaalipusta pa sa mga manipulasyon. Wala tayong utang sa kanila. Dapat lang na paglingkuran nila tayo. Tayo ang kanilang bayan. Tayo ang dapat serbisyuhan.



