“I think I've seen this film before, and I didn't like the ending.”
Sa parehong araw na muling in-impeach ng kongreso si Vice President Sara Duterte-Carpio at nakipaghabulan si ICC-wanted Senator Bato Dela Rosa sa NBI, patok din ang hindi magkandaugagang senado sa pagpapalit ng kanilang liderato.
Ang plot twist… Kaya naman pala biglang nagpakita si Senator Bato matapos umabsent at magtago nang pitong buwan ay para makumpleto ang “Lucky 13” na numero para patalsikin si Senate President Vicente "Tito" Sotto III at maitalaga si Minority Floor Leader Senator Alan Peter Cayetano bilang bagong SP.
Pamilyar, hindi ba? Mala-deja vu rin kasi ang atake ng kabanatang ito sa Episode na in-impeach din ng Kongreso si VP Duterte noong nakaraang taon, pero nang nasa Senado na, pinadelay nang pinadelay ni dating Senate President Chiz Escudero dala-dala ang binagong depinisyon ng "forthwith" ng konstitusyon. Hanggang sa binasura ng Korte Suprema ang kaso kaya hindi man lang nasimulan ang paglilitis. Taon lang ang pinagkaiba, pero parehong protektor na naman ng kampo ni Duterte ang nangangahas muling harangin ang impeachment ngayon.
Siyam na senador lamang ang kailangang bumoto ng “against” sa impeachment. At sa “Lucky 13” na loyalista ng mga Duterte, gustuhin man natin o hindi, matik na papabor na naman sa Bise ang makalusot sa matagal na natin sa kaniyang hinahabol na pananagutan.
Bagaman nngyayari naman talaga ang Senate coup d'état lalo na kung lumilihis na ang direksyon ng liderato, sa kasong ito, ang kudeta na nagluklok kay Sen. Cayetano ay hindi na alang-alang sa kapakanan ng taumbayan, kundi nasa inaalala nilang sari-sarili politikal na interes. Mga tamang sipsip lang bilang protektor ng mga Duterte dahil mab-blacklisted nga naman sila tumakbo under PDP-Laban kung hindi.
Sa episode na ito, sirang-sira na ang integridad ng Senado. Puro drama at patawa. Wala na silang sinusunod na iisang ideolohiya, at sunod-sunurang tuta na lamang silang tumatahol para sa kanilang kaalyado, iniidolo, o hindi kaya sa kanilang pansariling politikal na interes.
Malinaw pa sa sikat ng araw ang garapalang motibo ng mga protektor. At malaking insulto sa ating lahat ito.
Nakakawalang-gana at pag-asa. Pero ito ang panahon na mas kinakailangan ang ating mga boses para manindigan sa tama at pananagutan.
Usigin natin ang kanilang mga konsensiyang mga ginagawang joke time ang plenaryo. Dalhin na sa The Hague and dapat dalhin. Kahit imposible, maging patas dapat ang senado bilang impeachment court at i-impeach ang dapat i-impeach.
Napaaga man ang kampanya sa 2028, huwag nating hayaang mga artistang bihasa sa pagpapanggap ang muling maluklok at magdirehe ng ating kinabukasan sa pelikula nilang kasamaan vs. kadiliman.



