Sa matagal na panahong naka-depende ang Pilipinas sa mga transportasyong nangangailangan ng petrolyo, hindi maikakaila na ang madaliang paglipat sa sistema nang paggamit ng de-kuryenteng mga riles ay isang pagbabagong magdududulot lamang ng mahigpit na karalitaan. Kaya kung hihintayin pa ang mga proyektong ito na matapos, siguro mangyari na lahat hanggang sa hininga na natin ang makapos.
Habang patuloy pa ring dinaranas ng bansa ang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng giyera sa gitnang silangan, ang bahagyang operasyon ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) at ng North-South Commuter Railway (NSCR) ay inilunsad ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez nang sa gayon ay magbigay ito ng solusyon umano sa krisis ng kakulangan sa langis. Ito ay upang mabawasan na rin ang paggamit ng krudo at maibsan ang lumalalang trapiko. Ngunit ang tanong, kailan pa kaya iyan matatapos?
Kung tutuosin, mapapa-let is che ka na lang talaga. Mahirap na nga ang sitwasyon natin dahil sa bilis ng pagtaas ng presyo ng langis, nakuha pang mag-mungkahi ng solusyong alam naman nating matatagalan pang matapos na para bang hinahayaan lamang tayong sumuntok sa hangin at umasa na lang sa wala.
Oo, makatutulong ang MRT-7 at NSCR na mabawasan ang bilang ng mga sasakyan at mapabilis ang biyahe. Hindi rin maitatanggi na magandang proyekto ito. Pero ang Punto de vista, hanggang kailan tayo maghihintay? Habang pinapanood natin ang pag-usad ng konstruksyon, araw-araw namang namomroblema at gumagastos ang taumbayan sa pampatubos sa mahal na gasolina.
Ang totoo niyan, ang solusyong ito ay tulad ng gamot na inireseta pero huli na nang maibigay. Kung noon pa man sana ay binigyan ito ng sapat na prayoridad, hindi sana tayo ganitong kahina harapin ang bawat krisis sa enerhiya. Sa ngayon, mananatili tayong nakabitin—umaasa na sana ay sapat na ito, habang ang katotohanan ay nananatiling nakadepende pa rin tayo sa ihip ng hangin sa ekonomiya ng ibang bansa.
Bukod pa rito, Isinagawa ang dalawang malalaking proyekto alinsunod sa Department of Transportation (DOTr) para maisakatuparan ang kaunlaran sa ating ekonomiya. Ngunit kung susumahin, hindi naman indikasyon ang maraming imprastruktura para masabing mayaman ang isang bansa, ang sabihin niyo, gusto niyo lang tularan ang bansang Japan na yumayabong sa teknolohiya't imprastruktura. Nakakatawang isipin dahil kabilang na nga tayo sa Third World Country, mas inuuna pa nilang isabit ang bansa natin na maka-ranggo at hindi man lang iniisip ang kapakanan ng mamamayan.
Sa madaling salita, sa matagal na panahong naka-depende ang Pilipinas sa mga transportasyong nangangailangan ng petrolyo, hindi pa handa ang Pilipinas sa pagbabagong ito lalo na ngayong patuloy pa ring namumutawi ang krisis sa enerhiya. Hangga't hindi natin napapabilis at napapalawak ang ganitong mga sistema, mananatiling gasgas na solusyon ito lalo na sa darating na henerasyon sapagkat hindi nito kayang tustusan ang problema na pang-matagalan.



