Hangad ng bawat ina na ilayo ang kaniyang mga anak sa kapahamakan—ngunit paano kung ang halimaw ay nasa loob mismo ng inyong tahanan?
Pangalawang tahanan kung ituring ang mga paaralan, ngunit hindi ito ang tahanan na kakanlong sa katotohanang ibinunyag ng liham na isinulat ng isang labing-isang taong gulang na batang babae—biktima ng panggagahasa at paulit-ulit na pang-aabuso ng isang opisyal sa komunidad sa Caloco Elementary School (CES), Tinambac, Camarines Sur.
Matapos ipadala ang liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umapila ang institusyon. Ayon sa paaralan, “Walang kinalaman ang Paaralang Elementarya ng Caloco sa mga kaso na labas sa aming hurisdiksyon.”
Maaaring walang direktang kinalaman sa krimen ang paaralan—ngunit hindi nito maikakaila ang mas malaking papel na ginagampanan nito sa paghubog ng kamalayan. Kung ang mga silid-aralan ay itinuturing na ligtas na espasyo, bakit kinakailangan pang sumulat ng liham ang isang bata upang marinig? Bakit, sa halip na proteksiyon, tila katahimikan ang unang naging tugon?
Mahigit isang taong pandidiri at galit sa sarili ang kailangang tiisin ng bata upang maibunyag ito sa entablado ng kanilang pagtatapos. Hindi maikakahon sa salitang “hurisdiksyon” ang responsibilidad na moral. Sapagkat sa bawat batang natatakot magsalita, sa bawat boses na nanginginig—may sistemang patuloy na nabibigo.
Samantala, kumilos na ang ilang sangay ng pamahalaan. Nakipagpulong si Rex Gatchalian sa bata upang tugunan ang kanyang kalagayan, habang kinumpirma ni Jose Melencio Nartatez Jr. na ang suspek sa panggagahasa sa kapatid nito ay nakakulong na mula pa noong 2023. Ngunit hindi rito nagtatapos ang kwento—sapagkat may iba pang alegasyon na patuloy pang iniimbestigahan.
Oo, kumilos ang ilang sangay ng pamahalaan. May mga imbestigasyong isinagawa, may mga suspek na nakulong. Ngunit hindi rito nagtatapos ang usapin. Sapagkat kung may mga naunang kaso, bakit hinayaang masundan pa? Ilang pagkakataon pa ba ang kailangang masayang bago tuluyang kumilos ang sistemang dapat sana’y nagpoprotekta?
Isang paalala ang pangyayaring ito sa libu-libong biktima ng pang-aabuso—mga kasong tahasang lumalabag sa Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act at sa Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act. May batas, ngunit nananatiling hungkag ang saysay nito kung nananatiling tikom ang mga bibig ng dapat kumilos.
Sa kabila ng mga batas at artikulong nagtatanggol sa karapatan ng kabataan at kababaihan, marami pa ring pinapatahimik sa loob ng kanilang sariling tahanan. Ang ilan ay kinakasal sa kanilang mga halimaw—kapalit ang pirasong ginto, baka, o manok. Nagsusumpaan sa altar para sa tinatawag na kapayapaan, patunay na sa mundong ito, may presyo ang katahimikan—at ang katotohanan ay maaaring ipagbili ng sinoman
Ang tunay na halimaw ay hindi lamang iisang tao. Ito rin ang katahimikan ng komunidad, ang takot na bumabalot sa mga biktima, at ang sistemang nagiging bingi sa paulit-ulit na sigaw.
Sa murang edad, pinili ng batang ito na magsalita at sumulat ng liham. Isang hakbang na hindi lamang paghingi ng tulong, kundi paghamon sa isang sistemang matagal nang nananahimik. Sa araw ng kanyang pagtatapos, sumibol ang muling pagbangon—kung kailan dapat siya’y pinararangalan—pinili niyang ilantad ang katotohanan.
Sa huli, ang tanong ay hindi na kung nasaan ang halimaw. Kundi kung hanggang kailan natin hahayaang manatili ito sa ating tahanan.
Hindi lamang ang ina ang dapat maghangad ng kaligtasan ng anak, kundi ang lipunang nangako ng proteksyon, pagmamahal, at kalinga sa bawat kabataan at sa bawat paaralang itinuturing tahanan.



