Tayong mga Pilipino'y konektado sa kalikasan. Sa katunayan, bago pa tayo maging kolonya ng Espanya at maging ganap na bansa ay animista tayo—naniniwalang lahat ng elemento ng kaluntian ay may kaluluwa katulad natin. Kaya't ang diwa ng ating mga ninuno ay iisa sa diwa ng daigdig.
Subalit sa kasalukuyan, tila unti-unti na nating pinuputol ang sinulid na nagsisilbing ugnayan natin dito. Sa paglawak ng mga lungsod, ang kalikasan na kumalinga sa atin ay nagiging espasyo na lamang na maaaring palitan, tabunan, at pagkakitaan. Imbis na ito’y pagyamanin, hinalinhan natin ito ng kulay-abo, at walang buhay na semento.
Hindi ito mabulaklak na salita lamang. Ayon sa pananaliksik na "Shrinking Rice Bowls," na tumatalakay sa pagliit ng mga lupang palayan sa Pilipinas dahil sa urbanisasyon, tinatayang 30% hanggang 50% ng mga palayan na malapit sa sentro ng komersyo ay tuluyan nang nilamon ng urban sprawl.
Ang lupaing minsang pinagdausan ng pananampalataya at pinagyabungan ng masaganang ani ay napalitan ng mga subdivisions at mall—mga estrukturang hindi naman nagtatanim, ngunit hindi nawawalan ng salaping aanihin.
Subalit higit pa sa pag-usbong ng naglalakihang estruktura ang problemang dapat talakayin. Dahil ang lupaing pang-agrikultura ay simbolismo ng ating koneksiyon sa kalupaan, tubig-ulan, at pananalangin. Pananalig na sana ay umayon sa atin ang kalangitan—nang sa gayon ay may tumubong palay na sa sikmura ay magbibigay laman. Pero mula 1988 hanggang 2016, halos 98,000 na ektarya ng lupaing pang-agrikultura ay napalitan na ng gamit. Sa bawat pagtabon sa lupa, hindi lamang pagkain ang nawawala—pati na rin ang bahagi ng ating pagkakakilanlang patuloy na numinipis.
Nakakatawa ‘no? Sa panahong madalas nating marinig ang salitang "touch some grass,” ay wala na tayong damong mahahawakan. Kung minsan, gusto nating tumakas sa katotohanan at muling maging isa sa kalikasan ay wala na tayong patutunguhan.
Hindi sapat iyong pagbubulsa sa balat ng kendi na madalas ay galing sa bibig ng mga makapangyarihan na nangunguna naman sa pagkalbo ng kagubatan at sa paghahamos ng mga palayang tahanan ng kultura at laman tiyan. Sa huli, luntiang bisig pa rin ang tahanan at nagkalong sa atin. Ang pinag-ugatan nating ito'y kailanman ay hinding-hindi kayang halilihin ng sementong kulay-abo na nagpapahiwatig ng kamatayan ng ating ugnayan sa kaluntian.
Sapagkat kapag dumating ang panahon kung saan malamig na semento na ang hinahalikan ng ating mga paa sa bawat paghakbang, doon natin mapagtatantong tayo ay dayuhan na sa lupang ating pinag-usbungan. Sa puntong walang humpay na kung kumalam ang ating mga tiyan, doon pa lang natin mababatid ang tunay na kahalagahan ng ating tahanan.



