Gunitain ngayon, pinagsamantalahan naman buong taon.
Taon-taon ipinagdiriwang ang Araw ng Paggawa bilang paggunita sa pawis at sakripisyo ng bawat manggagawa, subalit patuloy silang ginagapos sa sistemang nakasalalay sa kanilang lakas-paggawa habang kakarampot ang natatanggap ng benepisyo.
Sa kabila ng araw-araw na pagkayod ng mga manggagawa, sapat lamang ang kanilang kita upang matugunan ang pang-araw-araw na gastusin. Ito ay dahil hindi nakasasabay sa pag-angat ang kanilang kinikita sa biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin.
Batay sa datos ng National Wages and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment (DOLE), nananatili sa humigit-kumulang ₱17,108 - ₱18,070 kada buwan ang minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) mula pa noong Hulyo 2025. Dahil dito, karamihan sa mga minimum wage earner ay pilit pinagkakasya ang kanilang kinikita para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Samantala, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 4.1 porsyento ang inflation rate noong Marso 2026 mula sa 0.9 porsyento noong Hulyo 2025. Ipinapakita nito ang patuloy na pagmahal ng mga bilihin at gastusin na hindi gaanong nasasabayan ng pag-angat sa kita ng mga manggagawa upang hindi maramdaman ang kaagapay nitong pasanin.
Sa kabilang banda, tumaas man o bumaba ang presyo ng pamumuhay sa bansa at ang sahod ng mga manggagawa, nananatili pa ring malaki ang naiaambag ng lakas-paggawa sa ekonomiya ng bansa. Mula sa mga buwis na galing sa kanilang mga binibili hanggang sa mga serbisyong kanilang naiambag sa ating ekonomiya, naging bahagi sila ng sistemang pinakikinabangan ng mas malawak na istruktura ng pamahalaan. Gayunpaman, nananatili ring walang kasiguraduhan at hindi matutumbasan ng sapat na benepisyo ang lahat ng sakripisyo ng mga manggagawa.
Mayroon nang ibang benepisyong natatanggap ang mga manggagawa mula sa pamahalaan, gaya ng ayuda. Pero ang ganitong mga pamamaraan ay pansamantalang solusyon lamang at hindi nakakatulong sa mas malalim na isyung kinakaharap ng mga manggagawa. Ito ay ang patuloy na mababang kita sa kabila ng mahal na pamumuhay. Kung saan, salat ang kanilang kita upang sila ay makaahon sa kahirapan sa kabila ng walang tigil nilang paggawa.
Kung kasipagan lamang ang puhunan sa buhay, wala na sigurong Pilipinong manggagawa ang naghihikahos sa buhay. Ngunit sa sistemang pinaiiral ang buhay ng isang manok na isang kahig isang tuka, anumang sipag ng mga nasa lakas-paggawa ay katumbas lamang ng barya-baryang kita.
Kaya naman, ang Araw ng mga Manggagawa ay hindi dapat maging simpleng paggunita lamang, kundi isang panawagan para sa konkretong pagbabago sa kalagayan ng mga manggagawa. Higit na makabubuti kung sa bawat pagmahal ng pamumuhay ay siya ring pagsabay ng pagtaas ng kinikita ng bawat manggagawa, na siyang umaangkop sa anumang bigat na dala nito. Nang sa gayon, kaunlaran ng buhay ang maisusukli natin sa mga taong walang ibang ginawa kundi ang ibuhos ang kanilang pawis para sa ating lipunan at bansa.
Itigil na ang sanlibong kayod, pisong sahod; bagkus pairalin ang isang kahig, sanlibong tuka.



