Bakit mas ginugusto ng mga Pilipino ang lider na may kamay na bakal sa ngalan ng disiplina? Naghahanap ba talaga tayo ng patnubay sa kaayusan o isang imahe ng magulang na may kapangyarihang magtanim ng takot na ikinukubli sa anyo ng pambansang kamalayan? Dahil kung oo, isa lamang itong senyales ng panlipunang sugat sa isipan.
Ayon sa isang pananaliksik ng UP Cebu noong 2022, napag-alamang mas nagbibigay-suporta ang mga Pilipino sa mga “malalakas” na lider nang hindi man lang inaalintana kung anong klaseng pamumuno mayroon ang taong ito. Masyadong komportable at kampante ang mga mamamayan sa pagbibigay ng kanilang boto. Ano? Mababa na nga ang pamantayan ng pagtakbo bilang presidente, pati ba naman sa pagpili natin ng lider ay hindi natin titingnan sa iba’t ibang lente?
May mga estatistika ring inilatag ang Bertelsmann Stiftung’s Transformation Index (BTI) na nagpapakitang umabot sa 67% ang mga Pilipinong sang-ayon sa ideya ng “malakas na lider na hindi kailangang idepende sa parlyamento o halalan.” Oo, ganyan kalalim ang pagkakaugat ng awtoritaryong pananaw sa isip ng mamamayan. Nakakahindik isipin ang sistemang mas tinatanggap pa ang pamumunong nakatuon sa kapangyarihan kaysa sa demokratikong proseso at sa magiging ambag mismo ng politiko.
Isa sa mga nagpatingkad sa ugaling awtoritaryo sa bansa ay noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Batay sa mga datos mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Human Rights Watch (HRW), International Criminal Court (ICC), at iba pang sangay ng gobyerno, tinatayang nasa 12,000 hanggang 30,000 ang mga biktima ng kontrobersyal na “war on drugs” sa ilalim ng kanyang pamumuno. Ang malawakang operasyong ito ay kumuha ng maraming inosenteng buhay—bata, matanda, mayaman o mahirap. Sinasalamin lamang nito na ang lipunan ay handang tumanggap ng kalabisan kapalit ng ipinangakong kaayusan. Tanong: naging ligtas nga ba ang mga Pilipino o naging takot lang tayo sa mukha ng disiplinang may bahid ng dugo?
Idagdag pa natin ang lumalagong bilang ng pamilyang nananahan sa bahay na niluluhuran ng masa—ang kuta ng dinastiyang pampolitikal. Grabe, ito na ata ang sikat na hindi malalaos. Gamit ang datos ng halalan simula 2004 hanggang 2022, nabatid ng mga manunuri na mas lalo lamang silang lumalakas at mas lumalaki ang sakop ng kanilang koneksyon, dahilan kung bakit marami silang hawak na posisyon sa pamahalaan. Bakit? Talagang malaki ang impluwensya ng mga pamilyang paulit-ulit na nahahalal, dahil kadalasan sa mga ito ay kumikilos na parang patriyarkal na pamilya—sila ang may hawak ng kapangyarihan. At dahil may kapangyarihan sila, mahihimok ang mga tao.
Na para bang ang Pilipinas ay isang anak na dinidisiplina ng isang malupit na magulang—kailangang pahirapan para lang matuto. Pero paano kung matabunan ng takot ang leksyong dapat sanang matandaan? Aba’y hindi na ito disiplina; ito ay anyo ng pagkokondisyon sa isipan ng mga tao—nagpupumilit imbis na gagabay, kinokontrol imbis na inuunawa. Unti-unti, nasasanay ang lipunang sumunod kaysa kumwestyon. Umuupo ang katarungan at ang kapangyarihan ang siyang nagtuturo—hindi sa makataong paraan, kundi sa pangambang kinakapitan. Kung kaya’t ang takot ay nagiging pambansang kasanayan —isang paulit-ulit na aral na malalim nang nakatanim sa isipan ng bayan.
Pilipinas, delikado ang siklong ito. Hindi tayo dapat maging sunud-sunuran — tayo dapat ang pagsilbihan. Ilihis ang pananabik sa awtoridad at disiplina—iliko sa malayang pagbibigay-kapangyarihan sa mga mamamayan nang sa gayon ay maitaguyod ang kulturang tinitingnan ang pamumuno bilang pagtutulungan — hindi bilang marahas na magulang. Hindi lunas ang isang malakas na lider at mahigpit na pamamaraan upang magdulot ng kaayusan. Tandaan, hindi magiging disiplina ang takot kailanman.



