Isang linggo. Pitong araw. At mahigit sampung-libong minuto. Ganiyan natin katagal na pinagdadalamhatian ang pagkamatay ni Kristo.
Palaspas, prusisyon, pabasa, penitensya, senakulo, at Visita Iglesia. Sa ganitong mga paraan natin inaalala ang bawat patak ng dugo ni Hesus nang siya'y latayin ng hindi patas na sistema. Sa bawat butas ng kamay mula sa pagkakapako, doon natin masisilayan ang sakripisyong kaniyang ginawa para sa kasalanan ng sangkatauhang nilikha ng kaniyang Ama.
Sa mahigit sampung-libong minuto, milyun-milyong Pilipino ang luluhod sa krus ng Diyos na may koronang yari sa tinik. Sa loob ng simbahang nagsisilbing tahanan ng kaniyang presensya, ating matatagpuan ang mga tuhod na kasing-kulay ng likidong tumulo na tila luha sa katawan niya, halos dalawang-libong taon na ang nakakaraan.
Subalit, pagkatapos manampalataya, sa puntong idinilat na ang mga mata, at nangyari nang humalik sa kahoy na mga paa. Sa paghakbang natin palabas ng Katedral ay ating makikita ang kabalintunaang katawa-tawa: Bakit tila tahimik tayo sa mga taong ipinapako rin sa krus ng kahirapan, at nilalatay ng hindi patas na sistema? Hindi ba't sila rin si Hesus? Parehong biktima. Parehong hinubaran ng hustisya. Parehong nilikha at kawangis ng Ama.
At ang parehong kamay na ating ginagamit sa tuwing tayo’y nananalangin at humihiling ng kaluwalhatian, ay ang siya ring kamay na nagtataboy sa mga musmos sa lansangan.
Kung gaano tayo kaingay sa pagdadalamhati sa pagkamatay ng Diyos na nasa katawang tao, ay siya namang ikinatahimik natin sa mga taong bumubuhat din ng Krus ng kahirapan katulad niya. Sa ironiyang ito, isang katanungan na sa ating mga "banal" na Pilipino ay dapat lamang na ipadama: Bakit tayo lumuluhod sa krus ng nagdurusang Diyos tuwing Semana Santa, ngunit nananatiling tahimik habang muling ipinapako sa krus ang mga mahihirap na tinanggalan ng hustisya?
Manggagawa. Mangingisda. Magsasaka. Tulad sila ni Hesus, sunog ang mga balat sa init ng araw. Pare-parehong Hinudas, inabuso ng mga binigyang kapangyarihan. Animo ang krus na kanilang pinapasan, pinagkaiba lang, hindi tulad kay Hesus, ang kanilang krus ay hindi nakikita ng ating hubad na mga mata.
Kung tayo'y totoong "banal", at tunay na nananampalataya, hindi ba't nararapat din nating dalamhatian ang mga taong pawis at dugo rin ang sinakripisyo ? Sapagkat hangga't tayo ay nananatiling tahimik nang may isang martir na inaabuso, patuloy lang na pinapako ang kamay ng Kristo. Pero sa pagkakataong ito, palad na natin ang nakakuyom sa martilyo.



