May pagod na hindi agad napapansin—pagod na bumabalot sa isipan ng kabataang araw-araw na minumulat sa isang bansang tila ayaw namang maghilom. Pagod na dulot ng sistemang matagal nang durog dahil sa samu’t saring krisis na patuloy na kinakaharap. Mula sa mga politikong nahuhuli sa katiwalian, sa pananalasa ng mga bagyo sa Visayas, hanggang sa hindi maayos na paggasta ng kaban ng bayan—ramdam ng kabataan ang bawat isa. Nakakapagod manahimik, ngunit nakakapagod din sumigaw.
Hindi ito kawalan ng malasakit, at lalong hindi kakulangan ng pagkamulat. Sa katunayan, matagal nang may malasakit ang kabataan na sobra sobra pa nga, kung tutuusin, hanggang sa umabot sa puntong nauubos na. Paulit-ulit nating naririnig ang kasabihang “kabataan ang pag-asa ng bayan.” Kaya’t inaasahan tayong laging mulat, laging aktibo, at laging maingay. Ngunit bihira nila tayong tanungin kung may lakas pa ba tayong magsalita.
Naging daan ang digital activism upang magbukas ng panibagong espasyo para isigaw ang boses ng kabataan. Sa isang click, mabilis nang naipapahayag ang opinyon, naibabahagi ang panawagan, at naipapakita ang pakikiisa. Ngunit sa likod ng mga hashtag at online posts, nananatili ang isang damdaming mahirap ipaliwanag: compassion fatigue—ang pagod na dulot ng walang tigil na pagkakita sa kahirapan, katiwalian, at kawalan ng hustisya, nang hindi naman ramdam ang tunay na pagbabago.
Bukod dito, nananatiling mabigat ang inaatang sa kabataan ang pag-oorganisa, pagboluntaryo, at pagsasalita para sa iba. Ginagawa natin ito hindi dahil obligasyon, kundi dahil malasakit. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, bihirang itanong kung ano ang kailangan ng kabataan. Sa isang lipunang patuloy na umaasa sa kabataan bilang simbolo ng pag-asa, nakalimutang kilalanin na ang mga simbolong ito ay tao ring napapagod.
Kailanman ay hindi naging tamad ang kabataan. Hindi rin ang pagkapagod ay tanda ng kawalan ng pakialam. Pagod lang tayo—pagod intindihin ang isang sistemang bulok na, at isang lipunang tila nagbibingi-bingihan. Isang lipunang handang manguna sa protesta sa Facebook at manguna sa diskurso online, ngunit tahimik kapag ang usapan ay nasa kongreso at mga institusyong may tunay na kapangyarihan. Pagod ang kabataan sa pagiging mulat sa mundong patuloy na bumabagsak, habang tayo ang inaasahang sumalo.
Hanggang kailan kailangang indahin ng kabataan ang pagod na ito? Hanggang kailan hahayaang ang pagkamulat ay maging sanhi ng pagkaubos? Marahil panahon na upang malinaw na kilalanin: hindi kailanman kasalanan ng kabataan ang mapagod. Kasalanan ito ng sistemang patuloy na humihingi ng ingay, ngunit ayaw makinig—sistemang pinipilit tayong magsalita, kahit hindi na tayo makahinga.



