Hanggang kailan ka mananahimik sa ngalan ng pagiging ‘neutral’?
Kung diksyunaryo ang tatanungin, simple lamang ang kahulugan ng salitang neutral. Ito ay pagiging patas at hindi pagpanig sa anumang konteksto–tulad na lamang ng mga debate, argumento, maging sa mga kompetisyon. Para sa iba, ang pagiging neutral ay nagbibigay-daan upang maunawaan ang iba’t ibang perspektibo ng isang sitwasyon–ngunit sa mga isyu ng lipunan, ang pagiging neutral ay pag-iwas sa pananagutan. Kung hindi tayo papanig sa anuman o kaninoman–kahit sa tama–ano na lamang ang kahihinatnan natin?
Higit na umaalingawngaw ang katanungan na ito sa paggunita natin sa Araw ng Kagitingan.
Ipinagdiriwang ang araw na ito tuwing buwan ng Abril upang gunitain ang pagsuko ng Hukbong Amerikano at Pilipino sa mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Inaalala natin ang katapangan ng mga sundalong nagbuwis ng kanilang buhay para sa kasarinlan ng bansang Pilipinas. Ang pag-alala ay hindi lamang pagkilala sa nakaraan, ito rin ay pagpapanatili ng diwa ng paninindigan at pagmamahal sa bayan.
Ilan dekada na rin ang lumipas mula nang ipamalas ng kapwa natin Pilipino ang kagitingan nila laban sa mga mapang-aping pwersa. Bukod sa pagpaparangal sa kanilang sakripisyo, ang Araw ng Kagitingan ay nagsisilbi ring hamon sa kasalukuyan. Ang ating bansa ay patuloy na nangangailangan ng angking tapang–hindi lamang sa digmaan, kundi sa araw-araw na pakikibaka para sa katotohanan at katarungan.
Sa kasalukuyang panahon, ang pakikibaka para sa Pilipinas ay hindi na nasusukat sa daluhasang paggamit ng armas–bagkus, ito ay nasusukat sa kakayahan nating manindigan. Ang digmaan ay hindi na nakikita sa kapatagan o kabundukan, kundi sa kahabaan ng EDSA, sa mga lansangan, at maging sa social media. At ang mga armas na gamit ay hindi na ang mga mapangahas na mga baril at granada, kundi ang kamalayan sa mga napapanahong isyu ng lipunan at kakayahang magsuri sa mga maling impormasyon. Kalakip din nito ang pagboses at pagpili ng mga panig mula sa mga napapanahong problema sa lipunan–dahil walang saysay ang kaalaman kung wala tayong paninindigan.
Kung gayon, ang pagiging neutral ay hindi lamang pagiging patas kundi isang tahimik na pakikiayon sa kung ano ang umiiral–maging ito man ay tama o mali.
Ang pananahimik ay nagbibigay-daan sa katiwalian, kasinungalingan, at kawalang-katarungan na patuloy na nagpapahirap sa ating bansa. Kung mananatiling tikom ang ating bibig sa tuwing nagpapakasasa ang mga tiwaling pulitiko sa buwis ng taumbayan, lalong umiiral ang korapsyon at tuluyang nalulugmok ang mga mamamayan sa kahirapan. Higit pa riyan, tuwing may mga manggagawang inaapi sa kanilang karapatan–gaya na lamang ng mga tsuper bunsod ng krisis dala ng mabilis na pagtaas ng presyo ng petrolyo–ang pananahimik at hindi pagtindig ay pagsang-ayon sa patuloy na pagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino.
Kung hindi tayo titindig para sa nararapat, nagiging katuwang tayo ng mga mapang-abusong pwersa na nagpapahirap sa ating bansa. Hindi lamang ito isang kataksilan, kundi labis na kaduwagan.
Maraming Pilipino ang nananatiling neutral dahil sa iba’t ibang dahilan. May ilan na natatakot dahil sa posibleng ganti o parusa ng mga nakaupo sa pwesto, o kaya nama’y natatakot masira ang kanilang reputasyon kaya mas pinipili na lamang nilang hindi magsalita. May iba naman na naniniwalang wala lang din namang magbabago, kaya pinapalampas na lamang ang iba’t ibang uri ng katiwalian at pang-aapi. At hindi nawawala ang mga sarili lamang ang iniisip–na dahil walang epekto ang mga isyung panlipunan sa kanilang estado ng pamumuhay, iniisip nilang wala rin namang saysay ang pagtindig. Ang ganitong pananaw ay unti-unting bumubulag sa katotohanan at tinatanggal nito ang ating kapangyarihang gumawa ng pagbabago para sa ating bayan.
Subalit, hanggang kailan tayo mananatiling nakagapos sa mahigpit na tanikala ng pangamba at pansariling interes? Ang dahilan ng ating pananahimik–gaano man kabigat o katanggap-tanggap sa ating paningin–ay hindi magiging sapat na dahilan upang talikuran natin ang ating pananagutan sa kapwa, maging sa mga susunod na henerasyon.
Ang tunay na diwa ng kagitingan ay matatagpuan, hindi sa pagiging neutral, kundi sa patuloy nating pagtindig at pagboses para sa mamamayang Pilipino. Hindi tayo pinalaki ng masalimuot nating kasaysayan upang maging pipeng saksi lamang sa sarili nating pagkaalipin; kundi upang magpasimula ng pagbabago na sisira sa makamandag na siklo ng kapalaluan na nagdudulot ng kahirapan sa ating bansa.
Maging hamon sana ang araw na ito sa ating sarili–na ipagpatuloy ang laban na nasimulan ng mga magigiting na bayani ng kasaysayan sa paraang angkop sa makabagong panahon. Para sa bawat mamamayan, hindi sapat na ika’y mahusay at matalino; dapat may paninindigan. Lakas loob tayong tumindig, dahil sa huli, hindi isinusulat ng kasaysayan ang mga nananahimik, kundi ng mga naglalakas-loob pumanig sa katotohanan.
Sapagkat sa huli, ang hindi pagpili ay pagpili na pumanig sa sistemang nagpapahirap sa sambayanan–isang desisyon na kailanman ay hindi ituturing na kagitingan.



