Matapos ang ilang paghahanap kay Bato Dela Rosa, sa Senado lang pala siya makikita. Muli siyang nagparamdam, muli niyang ginalaw ang baso, muli niyang hinarap ang kanyang mukha sa mga Pilipino, pero ang ironic lang, hindi ba? Nagpakita siya nung kailangan siya ng kanyang munting kaibigan na si Sara Duterte noong May 11, 2026. Kapansin-pansin ang kanyang motibo.
Sa loob ng ilang buwan, napansin na nating mga Pilipino ang pagtaas ng mga bilihin, ang pagtaas ng presyo ng mga langis, at ang pag-angat ng presyo ng kuryente. Lahat ay umangat, pero si Bato? Hindi man lang umangat at nagpakita sa Senado, dahil base sa Legislative Journals Service si Bato Dela Rosa ang pinakamaraming absent sa Senado—31 out of 58 session days. Sa mga panahong ito, tumataas din ang tanong na lumiligoy-ligoy sa ating mga utak: nasaan si Bato Dela Rosa nung panahon na kailangan siya ng taong bayan? Nagbakasyon ba siya? O binisita si Digong?
Sa ganitong konteksto, hindi maiiwasan ang pag-usapan kung bakit bigla siyang nagpakita, na parang multo—pinipili kung kailan magpaparamdam. Isa rin sa naging usapan muli: bakit biglang naging aktibo sa Senado noong May 11, 2026—ano ang kanyang pakay? Sa kabilang banda, bakit siya tumahimik nung ang mga Senate meeting ay hindi konektado kila Duterte?
Sa kaso ni Bato Dela Rosa, umusbong ang tanong tungkol sa kanyang presensya noong mga nakaraang buwan, lalo na sa regular na gawain sa Senado. Proud pa rin ang iba—“basta ako, binoto ko ‘yan” proud pa rin sila kahit missing in action siya.
Para saan pa ang boto kung tila mas mabilis siyang maging vocal at active sa kanyang mga kaalyado—tulad nina Sara, at Pamilya Duterte kasya sa mga isyu ng kinakaharap ng mga normal na Pilipino? Sa isyung ito, koinsidensiya lang Ba‘to?
Hindi rin maikakaila na sa isang demokratikong institusyon, tulad ng Senado, pantay rin dapat ang tingin nila sa lahat ng isyu sa bansa, maging normal man ito, impeachment, o panukalang batas na makakaapekto sa mga mamamayang Pilipino. Pero parang ang tingin ni Bato, impeachment lang ang importante sa lahat ng nasa listahan dito.
Sa huli, mananatiling bukas ang tanong: ang muling paglitaw ng isang opisyal ay simpleng pagkakataon lamang ng panahon, o isang pattern na nagpapakita kung saan mas nakatuon ang kanilang atensyon? Sa bawat ganitong pagkakataon, mas lumalalim ang pagsusuri ng publiko sa tunay na kahulugan ng “presensya” sa serbisyong publiko—kung ito ba ay nasusukat lamang sa oras ng pagharap sa mga isyung politikal, o tuloy-tuloy na pagharap sa mga problemang araw-araw na hinaharap ng mga mamamayan.



