“Kikindat-kindat, Kukurap-kurap, Pinaglalaruan iyong mata”
Kumukurap na naman ang ilaw na pundi at biglang hindi na masindihan. Kadiliman ang tanging yumayakap sa akin at wala na akong makita.
Kailan pa naging responsibilidad sa taumbayan ang pagbibigay ng pondo para sa tulong pinansyal para sa taong gutom at uhaw sa serbisyo ng gobyerno? Ito ay pasaning pamana na nakasalalay na naman sa pagbubulag-bulagan ng mga tao.
Katulad ng subsidiya sa kuryente ng Meralco para sa mga benepisyaryo ng 4Ps. Sa ilalim ng batas, binibigyan ng diskwento sa kuryente ang mga mahihirap na pamilya upang mabawasan ang kanilang gastusin. Ngunit kinakaltas ito sa mga ordinaryong kustomer ng Meralco ng P0.01 sa Electricty Bill.
Maliit man sa tingin ng mga matang kumukurap, pero malaki kapag pinagsama-sama.
Sa kasulukuyang datos, ang Meralco ay may 8.11 milyong kliyente at 135,411 dito ang pasok sa 4Ps Lifeline Subsidy Benefits. Ang Lifeline Subsidy Rate sa ilalim ng RA 9136 at RA 11552 ay naglalayong makatulong sa mga pilipinong maralita. Makatao, Makabayan, at Serbisyo para sa tao.
Ngunit bakit sa atin ang pasanin? Bakit tayo ang magbibigay pondo sa inisyatibo ng gobyerno? Bakit ang ordinaryong Pilipino na naman ang sasalo?
Nagbabayad na ng buwis ang taumbayan. May kaltas na sa sahod bago pa man ito mahawakan. May VAT sa bawat bilihin. May dagdag sa gasolina, pagkain, serbisyo, at pamasahe. Ngunit sa dulo, kapag may programang kailangang pondohan, tila laging kamay ng mamamayan ang unang hinahanap.
Hindi ito isang korupsiyong lantaran agad makikita sa dyaryo. Hindi ito isang nakawan na madaling ikagalit ng publiko. Ito ay korapsyong dahan-dahang nagiging normal—ang sistemang ipinapasa sa taumbayan ang obligasyong dapat gobyerno ang pangunahing may sagot.
Habang ang mayayaman ay halos hindi naaapektuhan, ang gitnang uri naman ang paulit-ulit na naiipit. Ang empleyadong overtime ngunit kapos pa rin. Ang magulang na pinipilit pagkasyahin ang budget. Ang manggagawang tahimik na lamang nagbabawas ng sariling pangangailangan para may maipambayad sa bayarin, Sila ang sektor na laging inaasahang “makaiintindi.”
At nakakapagod, nakakaubos, at nakakasawa nang umintindi.
Hindi masamang tumulong sa mahihirap. Ang tunay na problema ay kung bakit tila hindi sapat ang pondong nanggagaling sa gobyernong matagal nang pinopondohan ng taumbayan sa pamamagitan ng buwis.
Hindi pa ba sapat na may buwis na binabayaran sa Electricty Bill? Na kahit madalas mag-brownout sa ilang lugar ay tayo parin ang nagbabayad para maayos na nakalagay sa bill na “System Loss.”
Hindi mangyayari ang kakulangan sa pondo kung walang mga corrupt. At walang mangungurap kung walang matang kumukurap. Maliit o malaki man ang puwing sa mata.
Nakapagtataka at katawa-tawa ang sistema ng pagbabayani-bayanihan sa ating bansa, na tipong nagbabayad na tayo ng buwis, tayo parin ang tutulong sa ating mga sarili. Nakakatawa at nakakawa.
At habang kumukurap ang mga bumbilya, habang kumukurap ang mga mata sa mga “maliit lang naman,” ninanakaw ang mga bumbilya ng pag-asa sa gobyernong mapangalaga sa mamamayan.
Pinapalitan ito ng bumbilyang bihirang nagbibigay-ilaw, at tilang palaging kumikindat-kindat, kumukurap-kurap, at pinaglalaruan ang ating mga mata.



