"Ang edukasyon ay siyang lupa at ang kalayaan ay siyang araw ng sangkatauhan." Wika nga ni Jose Rizal. Kaya't noong panahon ng Kastila, simple lang ang estratehiya para panatilihin tayong alipin: ipagkait ang mga numero't alpabeto. Dahil kapag walang alam ang Indio, wala itong kakayahang mabatid ang totoo. Samakatuwid, walang mag-aaklas sa pang-aabuso ng gobyerno.
Subalit, tunay nga ba tayong lumaya? Bukas nga ang pinto tungo sa silid-aralan sa kasalukuyan. Ngunit ang madadatnan mo sa loob ng apat na sulok ng silid ay isang kabalintunuan: sira-sirang pisara at upuan, nagsisiksikang mga mag-aaral, at mga librong hindi mapagkakatiwalaan. Magkaiba nga ang gobyerno at panahon—ang wakas naman ng kuwento'y ganoon pa rin: nananatili tayo sa estado ng isang bihag. Pinagkalooban tayo ng karapatang makatungtong sa paaralan, para lang muling nakawan ng kakayahang mag-isip nang malalim.
Hindi ito basta reklamo lamang na pilit kinokonekta sa nakaraan. Silipin natin ang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2022. Sa pagbasa, 24% lamang ng mga Pilipinong mag-aaral ang naka-abot sa minimum proficiency level (Level 2), kumpara sa 74% na average sa mga bansang OECD. Sa matematika, 16% lamang ang umabot sa minimum proficiency (OECD average: 69%), at sa agham, 23% lamang (OECD average: 76%).
Kung uunawain, ang mga numerong ito'y hindi simpleng estadistika, ito ay patunay na may "edukasyon" nga, pero hindi naman sapat ang pagkatuto. Milyon-milyong mag-aaral na Pilipino ang pumapasok sa eskwelang naghahangad ng magandang kinabukasan at nangangarap na makaahon sa kahirapan. Ngunit ang tanong: paano makakamtan ang kaaya-ayang bukas kung ang sisidlan ng mga pangarap, na dapat ay lumalayag mula sa pinagdadaungan, ay hindi umaandar?
Bumalik tayo sa silid-aralan. Duon ay tatambad sa atin ang mga dahilan. Animnapung mag-aaral ang nagsisiksikan sa silid na para lamang sa tatlumpu, kung minsan ay higit pa. Mismong ang Kagawaran ng Edukasyon na rin ang matagal nang umaamin sa kakulangan; ayon sa kanila, 165,000 pang mga silid-aralan ang kinakailangan upang matugunan ang problema sa overcrowding.
Dagdag pa rito ang mga ulat ng mga depektibo at may pagkakamaling learning materials na naipapamahagi sa mga mag-aaral—mga aklat at modyul na dapat sana’y gabay sa pagkatuto, sa halip ay nagiging sanhi pa ng kalituhan. Sa ganitong kundisyon, paano maibibigay ang de-kalidad na edukasyon kung ang mismong tahanan nito'y hindi maayos ang kalagayan?
Kalunos-lunos ang sinasapit ng mga mag-aaral. Hindi lamang resulta ng PISA ang nasa laylayan, pati na rin ang kinabukasan ng mga kabataang umaasa na paaralan ang magsisilbing tulay tungo sa magandang buhay. Sa ganitong antas, tila nagiging bitag na lamang ang eskwela, dahil imbis na ihanda nito ang kabataan para sa hinaharap—pinagkakait nito ang dunong na magagamit sana para harapin ang bukas.
Noong panahon ng Kastila, ipinagdamot ang edukasyon upang panatiliing mangmang at sunod-sunuran ang mga Indio. Sa kasalukuyan, ipinagkakaloob man ang edukasyon, nananatili namang kapos ang pagkatuto. Mula pa noon ay malinaw na ang sinabi ni Jose Rizal—“Ang edukasyon ay siyang lupa at ang kalayaan ay siyang araw ng sangkatauhan”—ngunit hanggang sa kasalukuyan, ang lupang ito ay hindi pa rin ganap na namumunga sapagkat hindi pa rin lubos na sumisikat ang araw ng kalayaan.
