Sa bawat paglipad ng eroplano, may isang tahanang nababawasan ng tinig—at may isang bansang unti-unting nawawalan ng lakas. Mayo Uno na naman—Araw ng mga manggagawa—at muli nating ipinagdiriwang ang dangal ng paggawa sa isang bayang matagal nang umaasa sa pag-alis ng mga manggagawa nito. Sabay-sabay ang pag-agos ng luha at pag-asa sa mga paliparan—may mga yakap na mahigpit at mga matang pilit pinatatatag ang sarili. Subalit, sa likod ng ritwal na ito ng pamamaalam, may isang katotohanang hindi na natin kayang ikubli—na ang pag-alis ay nagiging tuntunin; hindi na sakripisyo ng iilan, kundi kapalaran ng marami.
May isang ina na nangingibang-bansa upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng anak; may isang ama na piniling mangibang-lupa upang matustusan ang gamot ng magulang; may isang kabataang bagong tapos ngunit agad ding lumipad, dahil alam niyang hindi sapat ang pangarap kung dito lamang ito itatanim. Hindi ba’t paulit-ulit ang kuwentong ito, animo’y isang salaysay na walang katapusan—umaalis upang mabuhay, nabubuhay upang makapagpadala, at sa pagpapadala’y unti-unting nawawala ang sarili?
Hindi ito simpleng pagpili. Kapag ang sahod ay hindi sumasapat sa pangangailangan, kapag ang oportunidad ay sadyang ipinagkakait, at kapag ang dignidad ng paggawa ay patuloy na isinasantabi, ang pag-alis ay nagiging anyo ng pagtitiis na ipinipilit magmukhang tagumpay. Tinatawag natin silang “bagong bayani,” ngunit ang mas mahirap tanggapin ay ang isang bansang kailangang iluwas ang pinakamahusay nito upang mabuhay ay isang bansang hindi marunong mag-alaga sa sarili.
Matagal nang inilalarawan ang ganitong reyalidad sa sining na sumasalamin sa lipunan. Sa mga pelikula ni Lino Brocka, ang lungsod ay hindi lamang tagpuan kundi bitag, at ang kahirapan ay hindi lamang kalagayan kundi kapangyarihang pumipigil sa pag-angat. Sa “Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag,” ang paghahanap ni Julio sa pag-ibig ay nauwi sa pakikipagbuno sa sistemang walang pakundangan; sa “Insiang,” ang makipot na espasyo ay naging larawan ng makipot na pagpipilian. Ang mga tauhan ni Brocka ay hindi umaalis dahil gusto nila—umaalis sila, o sumusuko, dahil wala ng ibang matatakbuhan.
Kung noon ay ang lungsod ang kumakain sa pangarap, ngayon, ang buong bansa ang nagtutulak sa mamamayan palabas nito. Ang dating paglalakbay mula baryo patungong Maynila ay napalitan ng paglipad mula Maynila patungong ibang kontinente. Nagbago ang distansya, ngunit hindi nagbago ang paghahanap ng buhay na hindi maibigay ng sariling bayan.
Dito nagiging malinaw ang masakit na kabalintunaan—habang ipinagmamalaki natin ang galing ng Pilipino sa buong mundo, hindi natin maipagkaloob ang parehong pagkilala sa loob ng bansa. Ang talino ay umaalis, ang sipag ay inaangkat, at ang kakayahan ay pinapakinabangan ng iba, habang ang pinanggalingan ay nananatiling kapos. Kung gayon, nararapat lamang na itanong kung bakit kailangan pa nilang umalis upang mabuhay nang marangal.
May presyo ang bawat padala. Hindi lamang ito nasusukat sa dolyar o piso, kundi sa mga sandaling hindi na maibabalik: unang hakbang ng anak na hindi nasaksihan, hapag-kainang may kulang na upuan, mga pista at paskong puno ng pagkain ngunit hungkag sa presensya. Unti-unting nasasanay ang lipunan sa pamilyang buo sa papel ngunit hati sa reyalidad, at sa paglipas ng panahon, ang pagiging malayo ay hindi na trahedya kundi nagiging normal.
Walang dapat maging normal sa isang kalagayang ang pag-alis ang nagiging tanging solusyon. Ang brain drain ay sintomas ng mas malalim na karamdaman—isang sistemang hindi kayang magbigay ng sapat na sahod at makataong kondisyon para sa sarili nitong mamamayan. Habang patuloy nating ipinagdiriwang ang remitans bilang haligi ng ekonomiya, lalo lamang nating pinagtitibay ang isang istrukturang nakasalalay sa pag-alis, sa halip na sa pananatili.
Kung may isang aral na maaaring mahango sa mga kuwentong paulit-ulit nating nararanasan, ito ay ang katotohanang hindi dapat gawing kapalaran ang isang krisis. Hindi dapat ituring na tagumpay ang isang sistemang ang bunga ay pagkakawatak-watak ng pamilya at pagkaubos ng sariling lakas-paggawa. Dahil ang tunay na pag-unlad ay hindi nasusukat sa dami ng umaalis, kundi sa dami ng may kakayahang manatili.
Sa bawat paglipad ng eroplano, may isang tahanang nababawasan ng tinig—at kung hindi natin babaguhin ang direksyon ng bayang ito, darating ang panahong ang katahimikang iyon ay hindi na lamang maririnig sa loob ng bahay, bagkus sa buong bansa, na iniwang nakatayo ngunit wala nang lakas, buo ngunit wala nang laman.



