"Iwasang dumaan sa madidilim na daan lalo na kung mag-isa."
Iyan ang isa sa mga paalala ng Indang Police Station noong isang araw kung paano maiiwasan ang ma-rape. Isa na siguro itong insulto sa mga biktima ng rape, dahil parang sinasabi nila na kasalanan pa ng mga biktima kung bakit sila na-rape. Hindi man lang iniisip ng kapulisan kung bakit may na-ra-rape na Pilipino sa bansa. Sa bansang ito, isa na siguro ang mga pulis sa trabahong binabatikos ng mga Pilipino dahil sa mga kamaliang kanilang ginagawa sa bansa.
Hindi lingid sa kaalaman ng sang kapulisan ng wala sa biktima ang problema kung bakit sila pinagsasamantalahan—pinagsamantalahan sila dahil ang utak ng rapist ay puro kalibugan at walang kwenta. Sa bawat araw at linggo sa Pilipinas, may nangyayaring pananamantala sa mga kalalakihan, kababaihan, at ang mas malala pa, sa mga bata na may edad na 10 pababa. Hindi ba iniisip ng Indang Police Station na napaka walang kwenta ng kanilang paalala? O sadyang wala lang silang utak para mag-isip nang mabuti?
Ang mga Pilipino ay pilit dinedepensahan ang mga pulis dahil tama naman daw ang inilabas na tips ng kapulisan. Ang mga Pilipino ay pilit dinedepensahan ang kamalian ng mga pulis dahil nakikita nilang may punto ang mga pulis, ngunit hindi nila iniisip na hindi lamang sa madilim na daan o sa kalsada nangyayari ang panghahalay sa mga kababaihan, kalalakihan, at mga sanggol at bata—sa tahanan din nangyayari ang pang-aabuso sa mga biktima.
Ang mga pulis na dapat maging isang huwarang modelo at taga-protekta ng mga Pilipino ay tila nagiging isang ignorante sa pagbibigay ng mga paalalang wala namang saysay at walang kwenta. Ang mga pulis na dapat nagpoprotekta sa mga Pilipino ay tila nagiging isang matapang na tao na ipinaglalaban ang mali kaysa sa tama. Kay lakas nilang magsabi na mag-file ng case sa publiko, kaysa baguhin ang kanilang pag-iisip.
Kung totoong nais nilang magbigay ng paalala kung paano maiiwasan ng mga biktima ang pananamantala ng mga taong libog na libog sa sarili, bigyan muna nila ang kanilang sarili ng kaunting kaalaman kung bakit may pinagsasamantalahan pa ring mga Pilipino. Hindi uubra ang mga paalalang "huwag makipag-inuman sa mga hindi kakilala,” "huwag sumama sa mga hindi kakilala," dahil kahit anong iwas ng mga Pilipino sa mga rapist, lalapit at lalapit pa rin ang mga rapist sa kanila—dahil hindi lang ang mga ordinaryong Pilipino ang pinagsasamantalahan, mayroon din sa loob ng tahanan.
Kahit anong klaseng paalala pa ang gawin ng mga kapulisan sa ating mga ordinaryong Pilipino, tayo ay patuloy na pinagsamantalahan sa loob at labas ng bahay, dahil malilibog at walang utak ang mga mapagsamantalang tao sa mundo. Isa lamang ang paalala ko kung paano maiwasan ma-rape: HUWAG MANG-RAPE. Sa mga kapulisan, gamitin niyo paminsan-minsan ang inyong utak bago gumawa ng mga ng mga aksyong alam niyong napakasensitibo sa publiko.
Sa patuloy na ganitong pag-iisip ng ibang Pilipino, hindi malayong maging isa na rin tayong biktima ng panghahalay. Kahit anong gawin at sunod natin sa paalala nila, hindi magbabago at mawawala na may mga rapist pa rin sa mundo. Kahit anong iwas natin sa rape, marami pa ring Pilipino ang nagbabalak manggahasa dahil sa problema sa pag-iisip ng mga taong-lobong uhaw na uhaw makatikim ng tao. Hinding-hindi mababago ng paalala ang mga rapist, dahil araw-araw malibog at mainit ang pakiramdam nila at uhaw na uhaw makatikim ng bagong putahe.



