Gigising ang mga Pilipino na parang sundalo—maaga, minsan nga ay hindi pa sumisikat ang araw. Ihahanda ang sarili sa maaaring kaharaping laban pagbukas ng liwanag—ihahanda ang mga kailangan para makipaglaban.
Ngunit hindi na putok ng baril ang gumigising sa maraming Pilipino tuwing umaga, kundi ang tunog na ng pagkalam ng sikmura at bigat ng responsibilidad—na para bang ang nagiging hudyat na ng panibagong bukas ay ang tunog ng walang laman na tiyan at ang inda ng nahihirapang pagbuhuhat ng gawaim.
Sa bawat pagmulat ng mata, isang panibagong labanan ang kailangang harapin—hindi laban sa mananakop, kundi laban sa kahirapan sa sariling bayan—isang labang walang putukan, ngunit kumikitil ng pag-asa at kinabukasan ng bawat mamamayang Pilipino.
Kung noon ay may mga sundalong handang mamatay para sa kalayaan, ngayon ay may mga magulang na handang magutom para lamang may makain ang kanilang mga anak. Kung noon ay dugo ang tumatagas sa larangan ng digmaan, ngayon ay pawis at luha ang tahimik na dumadaloy sa araw-araw na pakikibaka ng karaniwang Pilipino.
Hindi larangan ng digmaan ang bukirin, lansangan, at pabrika—ngunit dito nagaganap ang tunay na laban. Ang jeepney driver na bumabyahe kahit kulang ang kita, ang estudyanteng pumapasok nang walang laman ang tiyan, at ang manggagawang nagpapakahirap para sa sahod na hindi sapat—sila ang mga sundalo ng makabagong panahon. Wala silang uniporme, ngunit dala nila ang parehong tapang at sakripisyo para sa bansa.
Subalit sa digmaang ito, malinaw ang kalaban—kakulangan. Kakulangan sa sahod, sa oportunidad, sa akses sa edukasyon, at sa serbisyong panlipunan at pangmamamayan. Ayon sa datos, tinatayang 17.54 milyong Pilipino ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line noong 2023, katumbas ng 15.5% ng populasyon. Ngunit higit pa rito, umaabot sa 15.5 milyong pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap—mahigit kalahati ng buong bansa.
Hindi lamang ito usapin ng pera. Sa mas malalim na pagsusuri, ipinapakita ng mga pag-aaral na ang kahirapan ay sumasaklaw sa kakulangan sa edukasyon, kalusugan, at maayos na pamumuhay. Ibig sabihin, ang laban ng Pilipino ay hindi lamang laban sa gutom; ito ay laban sa sistemang matagal nang bungi at may bitak.
At dito nagiging mas mabigat ang tanong: bakit patuloy ang digmaan?
Kung may batas, may programa, at may badyet, bakit hindi natatapos ang laban? Bakit sa kabila ng pag-unlad ng ekonomiya, nananatiling gutom ang marami? Sapagkat ang kahirapan ay hindi aksidente. Ito ay bunga ng mga desisyong paulit-ulit na hindi pinapaboran ang pinakamahina.
Sa halip na tapusin ang digmaan, tila nasasanay na lamang tayo rito. Ginagawang “new normal” ang kahirapan, kesyo matagal na itong nangyayari, wapa na tayong magagawa pa riro. Ngunit bakit? Dahil tinuturing na itong new normal ng ating bansa kung saan nawawalan na ng pag-asa ang mamamayang Pilipino para umunlad ang sarili nilang bayan, maging ang mga sarili nila.
Pinapalitan ang sistematikong solusyon ng mga salitang “diskarte” at “tiyaga,” na para bang sapat na ang lakas ng loob upang malampasan ang isang problemang panlipunan.
Ngunit ang totoo: hindi sapat ang tapang kung ang mismong laban ay hindi patas.
Hindi sapat ang tapang kung ang mismong laban ay hindi pantay.
Hindi sapat ang tapang kung ang mismong laban ay hindi sa pagitan ng mahirap o mayaman, dahil sa una pa lamang ng laban, alam na kung sino ang talunan.
Hindi kailanman mananalo ang mga sundalo sa digmaan kung una pa lang ay pinaboran na ang kalaban.
Hindi kailanman mananalo ang mga Pilipino sa kahirapan kung una pa lang ay pilit na silang binababa ng gobyerno.
Ang masakit, ang mga tunay na mandirigma ay walang pahinga. Walang tigil ang laban—araw-araw, taon-taon, henerasyon hanggang henerasyon. At habang sila’y patuloy na nakikipagdigma, ang ilan ay nananatiling ligtas—malayo sa larangan, tahimik na nakikinabang sa sistemang hindi nila kailanman kailangang labanan.
Ngunit tulad ng anumang digmaan, may pag-asa pa ring manalo. Hindi sa pamamagitan ng pagtitiis lamang, kundi sa pamamagitan ng pagkilala na ang kahirapan ay hindi dapat normal, na ang laban na ito ay hindi dapat ipinapasa sa indibidwal—kundi tinutugunan ng sama-samang pagkilos at responsibilidad.
Sapagkat sa huli, ang tanong ay hindi kung gaano katatag ang Pilipino—kundi kung hanggang kailan natin hahayaang sila’y manatiling sundalo sa digmaang hindi naman nila dapat nilalabanan.



