Sa kasalukuyang pamamalakad ngayon ng gobyerno, hindi na panunungkulan sa publiko ang puhunan ng iilan. Ang mga programa ay hindi na binuo para sa masa at ang posisyon ay hindi na responsibilad, kundi para sa pagpapataas sa pangalan ng politiko at mabihag ang suporta ng mamamayan.
Sa iilang serbisyo at programang pinalalakad sa mga komunidad sa bansa, hindi transparency ang ibinibida sa tarpaulin at higit sa lahat, hindi liquidation. Kundi mga mukha at pangalan ng mga politikong kinamkam ang credit na hindi naman sa kanila. Sa bawat ayuda, imprastruktura o pamigay, palaging may pangalang nakakabit.
Hindi na bago ang ganitong uri ng pamamalakad na ginagamit ang programa upang mangkabig ng suporta. Hindi rin bago ang pagkakabit ng iilang opisyales ng gobyerno sa kanilang mga mukha at pangalan sa mga paayuda. Sa katunayan, minsan itong nangyayari sa mga programang katulad ng Assistance for Individuals in Crisis, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients at sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP). Ang mga diumano’y paayuda at tulong ay kalimitang naging instrumento sa “credit-grabbing".
Bukod dito, umani rin ng puna sa publiko ang “pang-eepal" ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco. Sa halip na mga tourist-spot ang bida sa tarpaulin, naging pagmumukha at pangalan ang sumasalubong sa mga turista. Hindi na nakapagtataka kung patuloy na nakalubog ang industriya ng turismo sa bansa dahil sa kawalang maayos na pamamalakad at pag-una sa sariling interes. Kaya nang kinwestyon ito ni Senador Raffy Tulfo si Frasco sa ginawang pagdinig, tila naghugas-kamay si Frasco at agaran ang pag-utos sa mga regional offices na ipatanggal ang mga materyales na ibinibida ang kanyang pagmumukha.
Sa katunayan, hinihimok ngayon ni Interior Secretary Jonvic Remull na sitahin at manghiya sa social media sa mga politikong lumalabag sa “anti-epal”(credit-grabbers) na probisyon sa P6.793 trilyong badyet sa 2026. Subalit, ang umiigting na mahigit P150.9 bilyong alokasyon sa mga unprogrammed appropriations o mga paayuda ay nagpapatingkad din sa reyalidad sa sistema. Hindi na ito binuo para tulungan ang mga mamamayan na makaahon sa kahirapan, kundi para ikabit ang pangalan para makuha ang suporta ng mamamayan at gawing nakadepende sa tulong ng gobyerno.
Sa madaling salita, ang tulong ay ginawang utang na loob. Ang posisyon sa gobyerno, ginawang instrumento sa pamomolitiko. Ang masakit isipin, milyon-milyong Pilipino ang nahuhulog sa patibong na ito ng mga kurap na opisyales.
Kung marapatin, wala tayong utang na loob sa mga lider ng ating bansa. Dahil ang bawat programa at ayuda ay pinondohan ng mismong tumatanggap nito — ang mamamayang Pilipino. Wala silang karapatan na imudmud ang kanilang mga mukha at pangalan dahil hindi naman ito galing sa kanilang mga bulsa at higit sa lahat, responsibilidad nila ito.
Samakatuwid, mainam lamang ang pagpapatupad sa pagbabawal sa mga “epal" na politiko. Mahigit dekada na ang nagdaan, umiiral na ang polisiya ukol dito. Noong taong 2010, naglabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng pagbabawal sa mga mukha o pangalan ng mga opisyales ng gobyerno sa mga billboards at signages sa mga proyekto. Taong 2013, idineklara rin ng Commission on Audit (COA) na ito ay hindi dapat at ipinagbabawal bilang “unnecessary expenditures". Bilang mga mamamayan, huwag din tayong matakot na sitahin at i-report ang sinumang politilio na gumagana nito. Ang pondo ay para lamang sa mga Pilipino at hindi sa pansariling interes ng iilan.
Hindi kinakailangan ng mukha o pangalang ibinibida para masabing mayroon kang nagawa. Ang tunay na lider ay hindi uhaw sa validation ng publiko o suporta sa masa para manungkulan. Dahil ang tunay na serbisyo ay hindi sinusukat sa mga tarpaulin o credil-grabbing, kundi sa mga ganang may bitaw at sigaw na hindi kailangang ipagyabang sa publiko.



