Dalawa lamang ang patutunguhan ng mga mahihirap sa bansang ito — ang mamatay nang mahirap, o ang mamatay na kakakayod na parang mga kabayo’t kalabaw sa hirap.
Para sa mga kumakayod na mga tsuper, madalas kong naririnig habang naghihintay na mapuno ang dyip nitong nagdaang araw ang salitang ‘listahan’. "Wala pa rin daw tayo sa listahan pare. Magpasa na lang ulit tayo. Baka sakali."
Sa nasakyan ko namang pampasaherong tricycle, imposible umanong mapabilang ang pangalan ni manong sa “listahan” dahil hindi naman daw sya parte ng asosasyon katulad ng TODA.
Hindi ito listahan ng may atraso, may utang, o paluwagan, pero listahan ng pinagkakaguluhang 5,000 fuel subsidy ng Department of Social Worker and Development (DSWD) na lalawit muna ang iyong dila bago ka pa man din mabigyan. Nito lamang Sabado, karumal-dumal ang sinapit ng isang motorcycle taxi rider na inatake sa puso at kalaunan ay namatay habang nakapila sa paayuda ng DSWD sa Quezon Memorial Circle.
Kaparehong sitwasyon din ang nangyari nakaraang buwan sa unang batch ng cash aid sa QC kung saan isang jeepney driver naman ang nawalan ng malay at nagka-seizure habang nakapila rin sa paayuda ng DSWD sa katirikan ng araw.
Pasakit na nga ang krisis ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, dumagdag pasakit pa lalo ang pahirapang proseso ng pagkuha ng tulong sa gobyerno. Inamin naman na din ng DSWD nitong Abril 20 na wala silang database o masterlist ng mga pagbibigyan ng cash aid noong unang batch ng paayuda, kaya ngayon ay minamandato nila ang mismong mga driver at tsuper ang kumuha ng pera para umano maiwasan ang ghost beneficiary.
Unang una, hindi dapat tayo ang nag-a-adjust para sa pagkainkompetensya nila.
Ikalawa, dapat naman talaga gawing digital na lang ang pagpapamahagi ng ayuda. Mayroon nang mga ATM at e-wallet, sana man lang aware ang gobyerno at DSWD doon.
At ikatlo, kung talagang sinsero sila, suspendihin nila ang buwis sa produktong petrolyo at isabansa ang industriya ng langis. Dahil sa kumakalam na sikmura ng taumbayan sa gerang US-Israel vs. Iran, pangmatagalang solusyon ang kailangan at hindi itong pamatid uhaw lang na paayuda.
Kaya naghihirap ang mahihirap dahil gobyerno mismo ang nagpapanatili sa kanilang mahirap. Masyado nang makaluma ang “listahan”, at hindi na makatao ang proseso ng “pagpapapila” sa kanila sa initan. Ginagawa silang hayop; parang kabayong pinatatakbo at pinahahayok sa katiting na damo.
Pero para saan pa nga ba ang damo kung patay na ang kabayo at kung dedo na siyabago pa makarating sa unahang pila ng paayuda ng gobyerno?
Magandang repasuhin ang tanong para sa mga nakaupo: para saan pa 'yang inyong mga puwesto kung kayo-kayo at inyong mga proseso mismo ang pumapatay sa pinaglilingkuran ninyo?
At kung patay na ang kabayong kumakayod at bumubuhay sa bansang ito, sana multuhin kayo ng konsesya ninyong mga nangunguripot at nangungurakot ng damo ng mga ordinaryong Pilipino.



