Araw-araw siyang bumabangon para magtrabaho pero hindi kailanman para umasenso.
Sa pelikulang Metro Manila, si Oscar ay isang magsasakang lumuwas sa lungsod na may pag-asang gaganda ang kanyang buhay. Pero ang nangyari, mas naranasan pa niya ang mababang kita, panganib, at mas mahirap na buhay kaysa sa dati.
Hindi nalalayo ang kanyang kuwento sa maraming Pilipinong manggagawa tulad ng mga drayber, kahera, at construction workers. Araw-araw silang nagtatrabaho ng mabigat, pero hindi pa rin sapat ang kinikita para sa pang-araw-araw na pangangailangan. Paulit-ulit ang pagod, pero parang walang pagbabago sa buhay.
Bilang anak ng isang drayber, nakikita ko ito araw-araw. Kahit tumataas ang presyo ng mga bilihin, tuloy pa rin ang biyahe ng tatay ko mula tanghali hanggang madaling araw. Pag-uwi niya, pagod na pagod siya, pero hindi pa rin sapat ang kinikita para makasabay sa gastos. Doon ko mas naintindihan na hindi laging sapat ang sipag para umasenso.
Sa mas malawak na larawan ng mga manggagawa, mula drayber hanggang construction worker, pare-pareho ang sitwasyon: kayod-kalabaw pero kapos pa rin.
Sa NCR, ang minimum na sahod ay nasa humigit-kumulang ₱610 hanggang ₱645 kada araw, pero hindi pa rin ito sapat para mabuhay nang maayos sa lungsod. Malaki ang pagitan ng kinikita at gastusin, at hindi ito basta napupunan ng pagtitipid lang.
Hindi na rin ito simpleng reklamo na “mahal ang bilihin.” Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina na umaabot sa halos ₱88 kada litro at pagtaas ng presyo ng pagkain, mas lalo pang bumibigat ang buhay ng mga pamilya. Kapag hindi na sapat ang sahod para sa pangunahing pangangailangan, hindi na lang ito tungkol sa pera—kundi tungkol sa kung makatarungan pa ba ang sistema.
Kung ang mga manggagawa ang nagpapatakbo ng ekonomiya, bakit sila pa ang hirap makaahon sa kahirapan?
Hanggang kailan mananatiling tanong ang sagot ng gobyerno?
Sa harap ng implasyon at nananatiling mababang sahod, hindi maiwasang itanong kung nasaan ang aksyon ng gobyerno. May usapin ba tungkol sa dagdag-sahod? Mas mahigpit na kontrol sa presyo? Proteksyon para sa mga manggagawa? Madalas na mas maraming pangako kaysa totoong solusyon. Habang tumatagal, mas lumalaki ang agwat sa pagitan ng mga polisiya at ng tunay na buhay ng mga tao sa lansangan.
Ang mga manggagawa ang nagpapatakbo ng bansa, pero sila rin ang madalas na hirap at kapos. Kapag ang pagod ay mas malaki kaysa sa kinikita, hindi na ito simpleng problema ng pera—kundi problema ng sistema.
Tulad ni Oscar sa Metro Manila, maraming Pilipino rin ang umaasa sa pag-asenso pero mas madalas na nahaharap sa hirap ng buhay-manggagawa. Kaya ngayong Araw ng Paggawa, paalala ito na hindi lang dapat purihin ang mga manggagawa, kundi dapat ding pakinggan at unahin ang tunay nilang kalagayan.



