Kung ang demokrasya ay may presyo, malinaw na mas mura ito kaysa sa isang bariles ng langis. Sa isang iglap, tinanggal ang isang diktador sa ngalan ng demokrasya at pinalitan ng isang makapangyarihang baboy, este tao na mas sanay sa kontrata kaysa konsensya. Ganito gumalaw ang mundo ni Pangulong Donald Trump. Kapag may krisis, may oportunidad. Kapag may bansa, may presyo. Imbes na mapapa "Sana All" ka nalang sa Venezuela kasi napalaki ng kanilang oil reserves, wag nalang pala.
Simula pa lang, hindi biro ang estruktura ng senaryong ito. May diktadura sa Venezuela na pinipigilan ang kalayaan at karapatan ng kanilang mga mamamayan, habang sabay-sabaysang ginagamit ni Pangulong Donald Trump ang langis ng bansa para sa sariling kapangyarihan at interes ng Estados Unidos. Isang pwersang militar ang ginamit para tanggalin si Nicolás Maduro, at sa halip na ibalik ang kapangyarihan sa mga Venezuelan, idineklarang kontrolado ng US ang bansa at ang langis nito. Ito ay isang malinaw na tanda ng bagong anyo ng imperyalismong nagiging kolonisasyon.
Mali ang diktadura, mali ang pagkitil sa demokrasya at kalayaan ng mamamayan. Ngunit hindi rin tama na gawing pasintabi ang mala-authoritarian na pamahalaan para bigyang daan ang isang banyagang kapangyarihan na papaangkinin ang yaman ng iba. Sa globalisasyon at sa pag-ikot ng ekonomiya sa mundo, napaka-laking bagay ang langis sapagkat ginagamit ito sa araw-araw na transportasyon ng iba’t ibang bagay, pati na rin ng mga tao. Sa madaling salita, ang langis ay katumbas ng kapangyarihan. Napakalaki talaga ng impluwensiya ng langis sa pulitika. Ayon sa datos, ang Venezuela ay may pinakamalaking oil reserves sa mundo na halos 17% ng global reserves, at sa halip na maging lakas ng mga Venezuelan, ang yaman ng lupa ay nagiging dahilan para makontrol ng iba ang politika at ekonomiya nito. Kaya pala habol ng habol ‘yung isa diyan.
Dito pumapasok si Pangulong Trump at ang kanyang MAGA doctrine. Hindi sapat ang ideyang “America First” para itago ang mas malalim na motibong "America Always". Sa halip na tunay na tumulong sa pagpapalakas ng Venezuela, ipinahayag ni Trump na ang US ang mag-didikta kung aling oil companies ang papasok, at sinabi pa niyang ikokontrol niya ang kita ng 30–50 milyong barrels ng langis na ibibigay sa US. Ito ay hindi tugon sa krisis kundi kontrol ng yaman ng ibang bansa para sa sariling kapakinabangan.
Kung pagnilayan, hindi naman kailangan agad ng Venezuela ang pagkuha ng langis ng mga dayuhan upang umunlad. Ang problema ng ekonomiya nila ay bunga ng dekada ng maling pamamahala, embargo, at parusa na pinalala ng mga banyagang interbensiyon. Ang mismong patakarang ipinapatupad ni Trump na blockade, pagkontrol sa export channels, at pagkapit sa oil revenue, ay binago ang langis mula sa instrumentong nagpapaunlad patungo sa isang paninda na minamaneho ng digmaan at geopolitics.
Hindi biro ang inaangkin na “ang oil ay para sa benepisyo ng Venezuelans at Americans.” Ang realidad ay ang pagbalangkas ng mga kontrata at mga kasunduan ay ginagawang biktima ang mamamayan. Ang isa ay nawalan ng kontrol sa likas-yaman, at ang isa ay parang pinapaliguan ang korporasyon sa pera habang binibigyan ito ng proteksyon at subsidiya para lamang makabalik sa Venezuela.
At ang bunga nito? Ang mga malalaking oil companies ay tahimik, may ilan pang nag-iisip pa kung sulit bang bumalik dahil sa mataas na gastos at politikal na hindi tiyak ang klima. Pero ang diskurso ni Trump ay hindi nagbabago. Ito raw ay para “ibalik ang sistema sa ayos at pataasin ang produksyon.” Ngunit ang totoo, ito’y paghahanap ng pagkakataon para sa kapangyarihan at kita, hindi para sa demokrasya o kapakanan ng masa.
Hindi rin malayo ang isyung na ito sa dagat natin sa West Philippine Sea, kung saan ang soberanya ng Pilipinas ay patuloy na sinusubok. Parang Venezuela, may banyagang puwersa na gustong i-angkin ang yaman ng iba sa ngalan ng “security” at “economic interest.” Ang China, sa kanilang malawak na reclamation at militarization, ay nagtutulak sa hangganan ng bansa, habang ang mga lokal na lider ay nagbabantay kung paano maipagtatanggol ang karapatan ng mamamayan. Sa parehong eksena, kitang-kita ang parehong pattern na ang demokrasya at soberanya ay parang dekorasyon lamang at ang tunay na laban ay para sa yaman at impluwensya ng mas makapangyarihan.
Kung iisipin natin ng malalim, ano ang tunay na ibig sabihin ng “Sana All”? Kung sa kultura natin ito ay birong hangarin para makamit ang yaman ng iba. Sa mundo ng geopolitics, hindi ito biro kundi isang mensahe na "kung anong sa'yo ay magiging akin". Hindi pwedeng ipaglaban ang kalayaan habang sinasakal ang soberanya. Kung ang pangarap ay demokrasya ngunit ang puhunan ay langis, malinaw kung bakit nauuwi ito sa Sana Oil, at hindi sa Sana All.



