Tila sunod-sunod ang pagbagsak ng bola sa bingo card ng kampo Duterte ngayong taon. Habang kinakaharap ni Vice President Sara Duterte ang impeachment na inihain ng House of Representatives na ngayong umakyat na sa Senado, muling umingay ang pangalan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa warrant na inihain ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Magkaibang kaso at magkaibang institusyon, ngunit kita ang pagkakapareho: ang dating pinakamakapangyarihang political bloc sa bansa ay nasa “defense mode” ngayon sa patong-patong na kasong isinampa, hindi lamang kay Sara at Bato—kundi pati na rin sa iba pang kaalyado nito.
Noong mga nakaraang taon, tila halos hindi matinag ang impluwensya ng Duterte Camp. Malakas ang pangalan nila sa masa, nagdo-dominate sa social media, may malalakas na kaalyado sa gobyerno, at kayang kontrolin ang takbo ng pambansang diskurso. Ngunit bumaliktad ang mundo at nagbago ang klima—hindi na lamang sila nakikipaglaban para sa impluwensya kundi para na rin sa kredibilidad at political survival.
Sa kasong kinakaharap ni Sara Duterte ay hindi lamang isang simpleng bangayan sa politiko, lalo na kung impeachment na ang pinag-uusapan at dalawang beses ng na-impeach ng House of Representatives. Ito ay isang malinaw na senyales na may mga puwersang handang kumwestyon at sumalungat sa dating halos untouchable na pangalan ng Duterte. At ngayong umabot na sa Senado ang naturang kaso na pinaghahandaan na; ibig sabihin, may pagbabagong nangyayari sa balanse ng kapangyarihan.
Samantala, ang usapin naman kay Bato dela Rosa ay nagpapaalala na hindi basta-bastang mawawala o malilimutan ang masalimuot na kontrobersiyang iniwan ng war on drugs. Kahit ilang beses igiit ng mga kaalyado nito sa Senado ang usapin sa soberanya, hindi maikakaila ang patuloy pa ring paghabol ng ICC dahil sa bigat ng alegasyong ginawa nito noon. Ang dating matapang na Bato na walang sinasanto ay tila naging maliit na piraso ng bato na nagtatago dahil internasyonal na ang humahabol dito para sa imbestigasyon.
Kapansin-pansin din na ang dating mga personalidad na dating kilala sa imahe ng “matapang” at “walang uurungan” ay ngayong kailangan protektahan ng mga kaalyado gamit ang mga hindi maayos na paliwanag at institutional defense. Mas lumilinaw na hindi sapat ang popularidad kapag nagsimula ng gumalaw ang mga institusyon—lokal man o internasyonal.
Pero higit sa lahat, ipinapakita ng sitwasyong ito kung gaano kabilis magbago ang politika sa Pilipinas. Ang mga dating nasa tuktok ay maaari ding mapunta sa alanganin. Ang mga dating malalakas manakot sa oposisyon ay maaari ding maharap sa kaparehong pressure na minsan nilang ipinadama sa iba.
Hindi lang ito basta kwentong naririnig sa lansangan, totoong sina Sara Duterte at Bato dela Rosa ay humaharap sa kaso. Ang dating Duterte bloc na “malakas” kuno ay bumibingo sa sunod sunod na kaso. Isang malinaw na mensaheng kahit anong posisyon mo sa gobyerno hahabulin ka ng mga kasong magpapatumba sa'yo.



