Sa pulitika, bihirang diretsahang sinasabi ang taktika. Madalas, ito'y nakabalot sa bawat ngiti, tarpaulin, at paulit-ulit na pagbanggit ng isang pangalan—hanggang tila makasanayan na ng publiko, at sa kalaunan, maniwala. Mga taktikang huwad na, sa oras na ang maskara’y kanilang hinubad—lantad ang sandamakmak na latak ng kanilang tunay na pakay na kailanman ay hindi angkla sa kung ano ang sigaw at hinanakit ng masa.
Isa ang edukasyon sa pinakaepektibong larangan ng pulitikal na taktika. Ayon sa PISA, nananatiling 80% ng mga Pilipinong nasa edad sa 15-anyos ang hindi nakaabot sa pinakamababang antas ng kasanayan sa pagbasa. Sa kabila ng malinaw na pangangailangan para sa dekalidad na edukasyon, ginagamit ng ilang politiko ang kakulangan sa silid-aralan, upuan, at guro bilang pagkakataon upang ipakita ang kanilang “tulong.” Ang pamamahagi ng tulong—kasama ang tarpaulin, pangalan, at pasasalamat—ay madalas pansamantala lamang, na para bang sila mismo ang pinagmumulan ng pondo, imbes na bahagi lamang ng mas malaking sistema.
Bukod sa kakulangan sa kagamitan, malala rin ang backlog sa bawat silid-aralan: humigit-kumulang 165,000 kung titingnan. Kung susundin natin ang kasalukuyang bilis ng pagtatayo, maaaring abutin ng higit sa kalahating siglo bago tuluyang masolusyunan ang problemang ito. Sa ganitong kalagayan, nagiging taktika ang edukasyon: mas binibigyang-diin ang pagkakakilala at imahe ng politiko kaysa sa pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng pasilidad at kalidad ng pagkatuto. Ang mga estudyante at guro ay nagiging bahagi ng entablado ng pulitika, sa halip na sentro ng tunay na pagbabago.
Makikita rin ang isang matalinong taktika sa umuugong ngayon na isyu ukol sa Department of Tourism (DOT). Kung saan ayon sa isang maniniyot na si “Max”, walang saysay ang mahigit 236,000 na litrato at 6,500 video materials na inutos sa kanilang kuhanan mula Region 1 hanggang Region 13 kung mukha lamang pala ni Secretary Christina Frasco ang gagamitin sa mga materyales. Matatandaan din na siya ay iniluklok mula sa rekomendasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Nakakabastos na imbes mukha ng magagandang tanawin sa Pilipinas ang gamitin—siya ang nagsisilbing perlas sa mga magasin. Hindi ‘yon basta larawan, kundi isa ring taktika ng pag-papabango ng pangalan at mukha upang makilala sa halalan.
Kung tayo ay mag-aanalisa, si Secretary Christina Frasco ay nagsilbing kagamitan ni Pangulong Ferdinand Marcos upang mabuo ang kanyang taktika. Dahil si Christina Frasco ay mula rin sa dinastiyang Garcia-Frasco sa Cebu. Isa ang Cebu sa may pinakamalaking numero ng botante sa Pilipinas at sa pangakong siya ay itatalaga ni Marcos sa posisyong sekretarya sa Turismo, pinagtibay na ni Marcos ang kanyang lungga sa Cebu at nakita naman ito sa tagumpay ng boto sa partido ni Marcos sa Cebu noong 2022. Hindi na base sa kakahayan kung paano mapapangasiwa ang turismo sa bansa, kundi nakabase na sa pulitikal na hangarin at sariling interes na lamang.
Hindi lamang sa edukasyon at turismo makikita ang taktika, dahil basta makahanap sila ng oportunidad upang makakuha ng benepisyo sa panahon ng halalan—hindi nila ito papalagpasin. Ganyan ang mukha ng pulitika sa Pilipinas, huwad, mapagkunwari, at ligaw sa tunay na hangarin ng masa—ang pagbabago at pulidong pamumuno na ikinukubli sa likod ng maduming pamamalakad ng mga pumasok sa pulitika dulot ng pansariling sarap lamang. Kaya’t nananatiling tanong kung hanggang kailan papayag ang mamamayan na gawing dekorasyon lamang sa entablado ng kapangyarihan—ginagamit tuwing halalan at nililimot pagkatapos—sapagkat hangga’t hindi hinahamon ang mga huwad na taktikang ito, mananatiling normal ang pansamantalang tulong, ang pamumunong mas inuuna ang pangalan kaysa patakaran, at ang serbisyong may mukha ngunit walang ugat; ang tunay na pagbabago ay hindi kailanman nagmumula sa tarpaulin at pangako, kundi sa tahimik, tuloy-tuloy, at makataong pamamalakad na hindi humihingi ng papuri, kundi naglilingkod dahil iyon ang nararapat.
Sa kabilang banda, hindi natin nararamdaman ang mga taktikang ito—hindi rin naririnig. Ngunit, hindi tayo bulag upang hindi ito masaksihan at mabungkal sa likod ng kanilang matalinong galaw. Mas nangingibabaw pa rin ang katalinuhan ng mamamayan. At sa pagdating ng araw, mapapanis din ang mga taktikang ilang taon tayong ginapos, pinaikot, at ginawang mangmang sa loob ng sistema na hanggang sa ngayon ay pilit inaayos. Maraming paa na ang pumapadyak sa kalsada para sa pagbabago at sa pagdami ng mga yapak ay siyang kasabay sa pagdurog ng kanilang taktikang lubos na sa panggigipit at pangmamaliit sa masa.
Panahon nang ihinto ang palakpak sa bawat ngiting may pangalan at simulang singilin ang mga nakaluklok sa kapangyarihan—hindi sa dami ng tarpaulin, kundi sa kongkretong patakarang may pangmatagalang saysay; sapagkat kung patuloy tayong mananatiling tahimik, manonood, at kuntento sa sulok ng sistemang bulok na tayo rin ang nagpopondo, tayo mismo ang magiging kasabwat sa pagpapatuloy ng huwad na pulitika—kaya ngayon ang sandali na pumili: manatiling dekorasyon sa kanilang palabas, o maging tinig na wawasak sa mga taktikang matagal nang pumipigil sa tunay na pagbabago.



