Kung ang ating pulitika ay isang entablado, matagal na akong sawang manood ng parehong palabas. Pare-pareho lamang ang linya, pare-pareho ang galaw, at pare-pareho ang pamamaraan ng pagtatapos—kami ang talo, tayo ang talo. Sa bawat pag-anunsyo ng pagtakbo ng isang panibagong politiko sa mas mataas na posisyon, hindi na ako nakakaramdam ng pag-asa kundi pagkahapo. Alam ko na ang galaw ng mga aktor bago pa bumuka ang kanilang bibig. At kami lamang ay nasa dulo pa rin ng linya, kami pa rin ang bayad sa tiket ng ilusyon—ikaw, ako, tayo.
Ako lamang ang isa sa maraming mamamayang ginawang audience,—hindi kasali sa mga desisyon. Hindi kami props na pwedeng itulak sa gilid kapag tapos na ang eksena. Hindi kami tagasunod na maniniwala na lang sa tuwing may talumpating kulang sa laman. Ang ating bayan ay hindi isang dekorasyon para lamang isuot sa leeg ng mga politiko. Ang bayan natin ay hinulma sa dugo, pawis, at buhay na paulit-ulit tinatapakan.
Nang ideklara ni Vice President Sara Duterte ang pagtakbo niya, hindi ako kinilabutan sa tapang kundi sa pamilyar na yabang. Narinig ko na ang ganitong tono—malakas, palaban, ngunit hungkag. Hindi sapat ang lakas ng boses kung walang katumbas na bigat ang pananagutan at dedikasyon. Hindi sapat ang galit kung walang malinaw na plano. Ang mga salita ay hindi sapat upang palitan ang pamumuno.
Ang banggaan nila ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. ay parang away ng dalawang higante na kami ang nadadaganan. Habang sila’y nagpapalitan ng paratang, kami ang nagbabayad sa buwis, gutom, at kakulangan. Ang serbisyo ng publiko ay nauuwi sa press release. Ang tunay na problema ay napupunta sa ilalim ng mesa. At ang mamamayan ay muling nagiging baon nanaman sa hukay na akala natin ay makakatakas na.
Maagang pagtakbo ang tawag nila rito, pero para sa akin, maaga rin itong pagtakbo sa mga responsibilidad. Ang gutom ay nararamdaman ng lahat, ngunit ang gutom para sa mga politiko ay posisyon, kapangyarihan, at kontrol. Ang tunay na handa ay marunong maghintay at magpatunay. Ang tiwala ay hindi hinihingi—inaani ito sa gawa. Kung wala ang ebidensya, huwag asahan ang palakpak ng madla.
Paulit-ulit ding binabalik ang pangalan ng kanyang ama, si Dating Pangulo Rodrigo Duterte, na para bang pamumuno ay pamana. Ngunit ang apelyido ay hindi dapat nating gawing basehan sa pagbabagong ating hinahanap. Ang alaala ay hindi reporma. Ang nakaraan ay hindi awtomatikong lisensya. Hindi minamana ang kakayahang mamuno—pinaghihirapan ito.
Laging ibinabandera ang krimen at droga bilang panakot. Parang hindi na tayo natuto sa sugat ng kahapon. Ilang beses na tayong sinabihan na ang dahas ang sagot. Ilang beses na rin tayong naiwan na mas takot kaysa ligtas. Hindi ako boboto sa takot na binalot bilang solusyon.
Hindi ako naniniwala sa lider na takot sa tanong. Kapag siningil ng datos, nagagalit. Kapag hinamon ng pananagutan, ay siya namang umiiwas. Ang tunay na lakas ay marunong humarap kahit masakit. At ang tunay na lider ay hindi nagtatago sa palakpak ng mga kaalyado.
Marami sa kanila ay parang buwaya—ngumingiti habang unti-unting kinakagat at nilalamon ang mga mamamayan. Kami ang ginagawang ekstra sa isang pelikulang hindi kami ang may-akda—sa isang pelikulang ayaw naming masangkot. Paulit-ulit ang siklo dahil pinapayagan natin. Pero ngayon, pinipili kong itigil ang siklo, at ihinto ito para sa ating ikakabuti. Hindi na ako papalakpak sa mga taong minsa’y ginawang tagu-taguan ang katotohanan.
Hindi ako boboto sa pulitikang puro bibig. Sawang-sawa na ako sa salitang walang kaakibat na aksyon. Ang pangako ay madali lamang bigkasin, pero mahirap tuparin. Ang serbisyo ay tahimik, pero ramdam. Doon ko ilalagay ang aking tiwala.
May malinaw akong pamantayan bilang botante. Gusto ko ng plano, hindi pananakot. Gusto ko ng datos, hindi drama. Gusto ko ng pananagutan, hindi palusot. At higit sa lahat, gusto ko ng lider na marunong umamin kapag nagkakamali.
Kung may gustong magpangulo, patunayan muna niya sa serbisyo. Harapin niya ang mga tanong bago ang kamera. Ipakita niya na karapat-dapat siya bago mag-anunsyo. Dahil ang pamumuno ay trabaho, hindi titulo. At ang bayan ay hindi laruan na para sirain at buuin kapag gusto.
Hindi na sapat ang panonood na lamang. Hindi puwede ang manahimik na lang at umaasa na may kaunlaran at pagbabagong mangyayari. Panahon na para tayo, ang mga mamamayan, ang gumawa ng hakbang tungo sa pagbabago. Bumoto tayo para sa lider na may gawa, at hindi lamang puro salita. Tanungin natin, hilingin ang ebidensya, at ipaglaban ang pananagutan. Ang boto natin ay makapangyarihan—ito ang ating tiket tungo sa panibagong Pilipinas. Gamitin natin ito para sa tunay na karapat-dapat na tao. Panahon na para ang demokrasya ay maging tunay na mapa-nagutan sa bawat Pilipino. Ang llaban ng isa ay ang laban ng lahat, maging matalino, at maging masinop.



