Sa simpleng segment ng It’s Showtime, ang daming reaksyon ang umusbong. Isang honor student lang na hindi nasagot ang kahulugan ng DPWH—g na g agad? Alarming, oo, papangit na nang papangit talaga ang sistema ng edukasyon; dito pa lamang, kitang-kita na, pero may isa pang alarming—ang mapanghusgang isipan ng mga Pilipino.
Kamakailan, tinipon ang mga honor students mula sa iba’t ibang paaralan. Dito, nakilahok sila sa larong “Laro Laro Pick” kung saan sasagot sila ng pangmalawakang mga tanong. Pero, may isang estudyante ang hindi nakasagot sa kahulugan ng DPWH. Marami ang nagalit—na tingin ko medyo “OA” na.
Hindi dapat sa estudyante ang sisi—sa sistema dapat. Ang hindi pagsagot ng isang may karangalan na mag-aaral ay isang repleksiyon ng bungi-bunging sistema ng edukasyon. Kaya ika-77 ang Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA). May kulang, may hindi natuturo, may napag-iiwanan.
Kailanman hindi ko talaga maunawaan ang pagiging “bitter” ng ilang Pilipino. Oo, simple lang na malaman natin ang kahulugan ng mga pagdadaglat na iyon. Ngunit simple lang din naman maging mabuti. Kayang-kaya ninyong mambatikos ng estudyante—pero sa mismong sistema ng edukasyon, hindi?
Huwag sabihing sa estudyante nakadepende ang lahat—hindi. Pangit lang talaga ang sistema ng edukasyon noon pa. Ayon sa Education Chief ng United Nations Children’s Funds Akihiro Fushimi, 90℅ ng mga mag-aaral mula Grade 5 ay nahihirapan sa pag-aaral. Dahil daw ito sa kakulangan ng akses sa alternatibong pag-aaral. Dagdag pa ang umusbong Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na sinasabing 24 milyong Pilipino ang “illiterate”, siyempre, dahil na naman sa kakulangan ng pasilidad, akses, at kaalaman.
Ngayon, isisi ninyo ang lahat sa estudyante, ngunit malinaw na may kalawang sa sistema. Kaysa sabihan niyong “bobo” o “tanga”, bakit hindi na lamang natin turuan nang mas maayos? Nang habang binibigyan ng tamang kaalaman ang kailangang maturuan—sabay naman nating ipagsigawan ang mas maayos na sistema?
Hindi makagagawa ng malinaw na libro kung walang magandang makina—ganoon din sa sistema ng edukasyon. Hindi makagagawa ng matatalinong estudyante kung ang mismong tumatakbong sistema ay sira. Ang hindi pagsagot ng isang honor student ay isang tawag para makibaka, maging “informed” pa lalo, at sabay-sabay wakasan ang problema ng edukasyon. Hindi tinik ng salita ang solusyon, kundi ang isip na makakapagbigay ng magandang leksiyon.



