Panulat na binubusalan ngayon, siya ring salitang nagpalaya sa bayan noon.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang pahayagan sa bansa at taunang pagganap ng National Schools Press Conference, kabilang pa rin ang bansa sa mga hindi ligtas na lugar para sa mga mamamahayag sa buong mundo. Tila ba ay nakakulong na lamang sa mga ito ang kalayaan ng mga mamamahayag sa bansa.
Ayon sa inilabas ng Reporters sans frontières (RSF) o Reporters Without Borders, ika-114 ang Pilipinas sa 2026 World Press Freedom Index. Malayo pa ang bansa sa tunay na malayang pamamahayag, patunay itong nananatili pa ring mapanganib ang buhay ng mga Pilipinong mamamahayag.
Hindi na nakapagtataka kung bakit nananatili pa ring nasa laylayan ang ating bansa sa malayang pamamahayag. Sapagkat, kahit kaliwa’t kanan ang media, maging ang patimpalak na wari’y tinataguyod ang campus journalism, ay kaliwa’t kanan din ang pang-aabuso at pang-aapi sa mga mamamahayag at pahayagan sa ating bansa.
Gawing halimbawa ang pagbaba sa pwesto ng mga patnugot ng the Primum, pahayagan ng University of Mindanao, kung saan nililimitahan diumano ng unibersidad ang kanilang ihinahayag at pinatitigil silang maghayag ng may kinalaman sa politika.
Hindi dahil pangkampus ang mga pahayagang ito ay dapat na lamang silang malimitahan sa mga usaping pang unibersidad. Tungkulin din nilang imulat ang mga mag-aaral sa unibersidad sa mga isyu sa bansa, sapagkat apektado pa rin ang mga estudyante bilang mag-aaral at Pilipino sa bawat problemang ikinahaharap ng bansa, politikal man o ekonomikal.
Gayundin, muling umugong ang red-tagging sa mga mamamahayag matapos makasama ang isang community journalist na si RJ Ledesma sa 19 indibidwal na pinaslang sa gitna ng operasyon ng militar sa Toboso, Negros Occidental nito lamang buwan ng Abril.
Kung itinuturing ng ating estado ang mga mamamahayag bilang mga terorista dahil lamang sa pagsisiwalat ng katotohanan, hindi lamang ang mga mamamahayag ang namamatay kundi pati na rin ang karapatan ng taumbayan sa katotohanan.
Ilan lamang ito sa mga pang-aabuso at panggigipit na nararanasan ng mga mamamahayag sa bansa. Malinaw na kinukulang sa proteksyon at bigong mabigyan ng kalayaan ang mga mamamahayag sa bansa at binubusalan nito ang malayang paglaganap ng katotohanan.
Kung noon ay ginising ng panulat at mga salita ni Dr. Jose Rizal ang diwang makabansa na siyang naging sanhi ng ating paglaya, bakit ngayon ay ipinagkakait natin ang kalayaan sa mga bagong tinig ng katotohanan?
Kaya ngayong World Press Freedom Day, sabay-sabay nating igiit ang kalayaan ng bawat pahayagan at mamamahayag. Manatili tayong nakatindig hangga’t hindi nabibingi ang mga pumipigil sa ating mga tinig, dahil ang malayang pamamahayag ay karapatan natin bilang isang demokratikong bansa. Higit sa lahat, isabuhay natin ang katapangan ni Rizal, sapagkat ang mapaniil na sistemang kanyang tinuligsa noon ay nananatili pa ring banta sa atin na bumoses ngayon.



