Isang marangyang dula-dulaan na naman ang napanood natin sa entablado ng Senado noong Miyerkules, May 20, 2026. Kung hindi mo alam na silang mga mambabatas ang may hawak ng kaban at batas ng bansa, iisipin mong nanonood ka ng isang mamahaling serye sa hapon—kumpleto sa iyakan, sumbatan, at mga linyang pang-gawad ng parangal sa pag-arte.
Nagsimula ang lahat nang magpahayag si Senador Risa Hontiveros sa kanyang privilege speech hinggil sa naganap na barilan sa loob mismo ng uniberso ng Senado noong nakaraang linggo, May 13. Binanggit niya ang tila mabilis na pagbabalik sa normal ng institusyon na parang walang nangyari, na tila ba hindi nabastos ang mataas na kapulungan.
Simple. Puna sa sistema, paalala sa integridad ng institusyon.
Ngunit ang tugon ni Senador Pia Cayetano? Biglang naging emosyonal. Sa halip na sagutin ang bitbit na isyu ng seguridad at pananagutan, dinala niya ang buong plenaryo sa isang paglalakbay sa kanyang "trauma." Humagulgol siya sa mikropono, binalikan ang takot na baka kailangan na niyang magpaalam sa kanyang mga anak, at ipinamukha na walang nag-abalang magtanong sa kanilang kalagayan. Biglang umikot ang mundo sa kanyang nararamdaman. Biglang siya ang biktima.
Nakakaaliw na nakakairita ang ganitong antas ng dula-dulaan sa loob ng silid-pambatasan. Habang nagkakapersonalan sa mataas na kapulungan, hindi mo maiwasang mag-isip: para saan nga ba ang ingay na ito? Sino ang pinoprotektahan ng usok at salamin ng dramang ito?
Kung titingnan ang mas malawak na larawan, napakakumbinyente ng timing. Habang abala ang publiko sa panonood ng teleserye nina Pia at Risa, unti-unting lumilinaw ang motibo sa likod ng gabi ng kaguluhan noong May 13. Ang mga putok ng baril sa loob ng bakuran ng Senado ay tila nagsilbing perpektong decoy o pampalito habang si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa ay nasa ilalim ng protective custody. Isang klasikong taktikang politikal: gumawa ng sarswela at armadong eksena sa kaliwa, para makapuslit at makatakas si Bato Dela Rosa mula sa papalapit na galamay ng warrant ng International Criminal Court (ICC).
Ngunit ang pinakamatinding pako sa krus ng tagpong ito ay ang resibo ng mismong gabi ng "trauma." Habang iniiyakan ni Pia ang kawalan umano ng empatiya ng mga kasamahan, tila nakalimutan niya ang sarili nilang palabas. Sa mismong gabi ng insidente, nakakuha pa silang mag-live stream ng kanyang kapatid na si Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa nasabing video, na huling-huli sa akto, makikitang naghahapunan pa sila sa loob ng silid, nagtatawanan, at tila nag-e-enjoy sa harap ng camera habang inanunsyong sila ay "under attack." Nasaan ang paralisong takot? Nasaan ang naghihingalong trauma kung nagagawa ninyong mag-video at humalakhak habang may nginunguya sa loob ng opisina?
Dito tayo napapailing nang malalim.
Sa huli, nagsumamo si Pia sa minority bloc na sana ay kinumusta naman siya. Samantala, ang mga ordinaryong Pilipino ay kasalukuyang nakikipagbuno sa totoong mga labanan araw-araw—labanan sa kakapusan, labanan sa kumakalam na sikmura, labanan sa presyo ng bigas na hindi na bumaba, sa sahod na barya, at sa kinabukasang tila unti-unting ipinagkakait.
Huwag raw sigawan si Padilla, Huwag tatanungin si Dela Rosa, at laging kumustahin si Pia.
Kaya naman Pia, kumusta ka?
Habang ang mga Pilipino'y nakikipagbaka, naghihirap, at nagtitiis sa laylayan, nagagawa niyo pang mag-inarte at maghabol ng simpatiya. Mahiya naman kayo. Harapin ninyo ang gutom at hirap ng taumbayan—dahil sa labas ng inyong de-aircon na sarswela, walang script at walang live stream na makapagliligtas sa taas-kamay na nasa “under attack” na naghihingalong Pilipino.



