🛠️ Subscriptions are still under development. Check back soon!
NOW READING:Kung Ingles ang Sukatan, Nasaan ang Katarungan?
— Editorial
Kung Ingles ang Sukatan, Nasaan ang Katarungan?
May isang mapait na realidad sa sistemang ito—kapag matatas ka sa Ingles at hindi gaanong bihasa sa Filipino, itinuturing kang “world-class,” “sosyal,” “magaling.” Ngunit kapag ikaw ay mas mahusay sa Filipino at hirap sa Ingles, madalas kang tawaging “jologs,” “baduy,” “kulang sa exposure.” Isa itong sistematikong pagmamaliit hindi lamang sa wika kundi sa mismong pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Written by The Frontman Staff
August 6, 2025
3 min read
LISTEN TO ARTICLESynthesized Narration • 0:00 / 0:00
Sa bansang mayaman sa wika, kultura, at kasaysayan, isa ang tanong na hindi mawala sa aking isip: Bakit tila ba sa Pilipinas, ang katalinuhan ay kailangang dumaan muna sa banyagang dila bago kilalanin?
Sa araw-araw nating buhay—mula eskuwela hanggang opisina, mula miyda hanggang politika—isang tahimik pero malakas na pamantayan ang nananaig: ang husay sa Ingles ang siyang salamin ng talino, disente, at galing. Hindi mo kailangang sabihin nang diretso, dahil ito’y ramdam sa reaksyon ng mga tao, sa tingin ng lipunan, at sa paraan ng paghusga sa isang tao batay sa kanyang pagsasalita.
Masakit aminin, ngunit totoo: sa sarili nating bayan, sa sarili nating dila, tayo ay dayuhan.
May isang mapait na realidad sa sistemang ito—kapag matatas ka sa Ingles at hindi gaanong bihasa sa Filipino, itinuturing kang “world-class,” “sosyal,” “magaling.” Ngunit kapag ikaw ay mas mahusay sa Filipino at hirap sa Ingles, madalas kang tawaging “jologs,” “baduy,” “kulang sa exposure.” Isa itong sistematikong pagmamaliit hindi lamang sa wika kundi sa mismong pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Ang mas masakit? Madalas, tayo-tayo rin ang nagpapalaganap ng ganitong pananaw. Sa mga paaralan, ang mga estudyanteng mahusay sa Ingles ay mas pinupuri. Sa mga job interview, ang Ingles ang pangunahing batayan ng “professionalism.” Sa social media, kung hindi ka ma-Ingles ay madali kang matawag na “kulang sa aral” o “hindi credible.” At sa mga ordinaryong usapan, kapag nagkakamali ang isang taong hindi bihasa sa Ingles, tila karapat-dapat siyang pagtawanan.
Hindi ba ito kabalintunaan? Sa bansa kung saan tayo pinanganak, kung saan tayo lumaki, kung saan tayo tinuruan ng kasaysayan, bakit tila kailangan pa nating magsuot ng banyagang wika para lang matawag na matalino?
Habang patuloy nating ginagamit ang Ingles bilang sukatan ng talino, pinapatunayan nating hindi pa tayo tunay na malaya. Dahil ang tunay na malaya ay hindi nahihiyang gamitin ang sariling wika sa pagpapahayag ng katalinuhan.
Hindi ito paninira sa Ingles—mahalaga ito. Ito'y susi sa global na komunikasyon, oportunidad, at koneksyon. Pero ang pagkakamali ay kapag ginawa natin itong tanging pamantayan ng katalinuhan at karunungan.
Ang wika, sa kaniyang pinakapayak na anyo, ay tulay. Hindi ito pader. Hindi ito dapat maging hadlang sa pag-angat. Hindi ito dapat maging dahilan ng diskriminasyon. Sa halip, ito’y dapat magpabukas ng isipan, magpaigting ng ugnayan, at magpalaya ng isipan.
Kaya’t kung matalino ka lang kung matatas ka sa Ingles, anong klaseng talino ang ating tinutukoy?
At kung ang mga marunong sa sarili nilang wika ay hindi makahanap ng boses sa lipunang ito, anong klaseng katarungan ang ating isinusulong?
Panahon na. Panahon nang iwaksi ang paniniwalang ang katalinuhan ay may accent, may foreign-sounding tone, o may grammar test na kailangang ipasa. Panahon nang kilalanin ang talino ng mamamayang Pilipino sa lahat ng anyo at wika—Tagalog, Ilocano, Bisaya, Kapampangan, o anumang dila ng lahi.
Dahil ang talino ay hindi wika ng banyaga, kundi wika ng diwang malaya.
At kung tunay tayong matalino, matututo tayong igalang, pakinggan, at mahalin ang sarili nating tinig—kahit pa ito'y sa payak at simpleng Filipino.
Kung Ingles lang ang sukatan ng talino, nasaan ang katarungan para sa sambayanang Pilipinong matalino rin, kahit sa sariling wika naglilingkod?
How did this piece make you feel?
Discussions0
Join the conversation and share your perspectives on this editorial piece.