Habang mainit ang bangayan sa Senado, may isa pang mas tahimik na diskusyon na paulit-ulit kong naririnig sa iba’t ibang sulok ng bansa. Hindi ito napapanood sa telebisyon, walang mikropono, at walang palakpakan. Pero ito ang usapan na mas ramdam ko bilang ordinaryong Pilipino.
“Paano naman pagkakasyahin ang budget hanggang sa susunod na sweldo?”
Sa amin, mas mabigat pa minsan ang usapang tungkol sa presyo ng bigas kaysa sa pangalan ng mga politiko na nag-aaway. Habang abala ang mga nasa itaas sa pagtuturo kung sino dapat ang managot, may mga pamilya namang abala sa pag-compute kung alin ang pwedeng bawasan: pamasahe ba, ulam, o bayad sa kuryente.
Sa umaga, araw-araw kong nakikita ang siksikan sa jeep at bus. Barya ang hawak ng karamihan, pero doble ang pag-iingat sa pag gastos. May mga estudyanteng pinipiling hindi na bumili ng meryenda para may dagdag sa pamasahe kinabukasan. May mga empleyadong kahit may trabaho, kinakapos pa rin dahil halos kasabay ng sahod ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Bago lang nag barilan sa Senado, pero sa karinderya sa kanto, may isang inang tahimik na nag padagdag ng sabaw para lang magkasya ang budget nilang mag-anak.
At iyon ang klase ng eksenang mas tumatatak sa akin.
Ito ang mga tagpong hindi kadalasang napag-uusapan sa malalaking debate. Walang privilege speech tungkol sa estudyanteng naglalakad pauwi para makatipid. Walang committee hearing tungkol sa manggagawang overtime nang overtime pero kulang pa rin ang sahod para sa renta at gamot.
Habang nagtatalo ang mga politiko kung sino ang tama, pakiramdam ko marami nang Pilipino ang wala nang oras mamili ng panig dahil mas mahalaga muna ang maitawid ang pang araw-araw na pakikipagsapalaran. Sa bahay, mas mainit pa minsan ang usapan tungkol sa tuition fee, utang sa tindahan, at kung paano pagkakasyahin ang natitirang pera hanggang sa susunod na sweldo.
At marahil ito ang pinakamabigat na bahagi ng lahat: nasasanay na tayo.
Nasasanay sa pagtaas ng presyo. Nasasanay sa kulang na tulog dahil sa mahabang biyahe. Nasasanay sa pagsasabing “okay lang” kahit hindi naman talaga. Unti-unti, nagiging normal ang pagod.
Pero sa kabila nito, patuloy ko pa ring nakikita kung paano bumabangon ang mga Pilipino araw-araw. May estudyanteng pumapasok kahit kulang ang baon dahil may pangarap. May magulang na patuloy na naghahanap buhay kahit pagod na pagod na. May mga pamilyang kahit kapos, pilit pa ring nagsasalo sa hapag sa pagtatapos ng araw.
At marahil, dito nagsisimula ang tunay na solusyon—hindi sa mas malakas na sigawan, kundi sa mas malinaw na pagtingin sa tunay na pinagdaanan ng bawat tao. Kailangan ng mga polisiyang hindi lang maganda pakinggan sa talumpati kundi konkretong nararamdaman sa pang-araw-araw: mas maayos na sahod, abot-kayang bilihin, disenteng transportasyon, at suportang tunay na makakarating sa ordinaryong mamamayan.
Dahil habang umiikot ang politika sa taas, may buhay na kailangang itaguyod sa ibaba.
At sa huli, para sa akin, ang tunay na laban ng maraming Pilipino ay hindi tungkol sa kung sino ang mananalo sa Senado—kundi kung paano pa muling magkakaroon ng sapat para ma
itawid ang susunod na araw.



