Bakasyon na, pero bakit may reviewer pa rin sa mesa?
Akala ko dati, ang ibig sabihin ng bakasyon ay pahinga. Walang takdang-aralin, walang leksyon na kailangan balikan, at walang patong-patong na mga gawain sa mesa. Pero ngayong maga-aral ka na para makapasok sa UP, nag-iba na ang kahulugan nito. Kung dati, bakasyon ay tulog at gala, ngayon ay napapalitan ito ng mga papel na nasa mesa.
Kaya nagiging tanong kung bakasyon pa ba ito o isa na lamang ekstensyon ng pag-aaral, dahil kahit walang pasok, hindi nawawala ang pakiramdam na mayroon akong hinahabol—at sa mga sandaling dapat sana ay pahinga, mas madalas kong nararamdaman ang bigat ng pag-iisip kung nasaan na ba ako sa aking paghahanda at kung sapat na ba ang aking ginagawa. Unti-unting nagiging malabo ang hangganan ng pahinga at paghahanda, dahil ito ay parehong umiiral sa parehong pagkakataon.
Ilang araw nang ganito ang eksena—buklat, basa, at sulat. Minsan, napupunta pa sa social media para maghanap ng online mock exams, para masiguro lang na may patutunguhan ang napag-aralan.
Ganito ba talaga ‘pag UP ang pangarap?
Sa bawat ulit ng ganitong rutina, hindi na lang ito simpleng pagre-review—kundi nagiging paalala na kahit pagod na ako, kailangan ko pa ring magpatuloy, dahil sa bawat sandaling humihinto ako, pakiramdam ko ay may nasasayang na oras na hindi ko na maibabalik. Pilit kong hindi inaalintana ang dagdag na pagpupursige at pagod dahil UP ang pangarap ko—kahit bakasyon ang kapalit.
Ito ang realidad ng libo-libong estudyanteng kagaya ko. Para sa marami, ang makapasok sa UP ang magbubukas ng pintong papunta sa magandang edukasyon, at “mas ayos” na kinabukasan. Kaya kahit walang pasok, may orasan pa rin. May babasahin pa rin. Ang dating Abril at Mayo na para dapat sa pamilya, kasiyahan, at pahinga—unti-unting naging panahon na ng mga pagsusulit, pagsasanay, at pormula. Sa isang bansang kakaunti ang sigurado, ang UP ay pakiramdam ng kasiguruhan.
Ngunit hindi lang UP ang dapat pagtuunan ng pansin—may mga responsibilidad ding kailangang gampanan, at mga inaasahan hindi madaling takasan. Sa ganitong sitwasyon, hindi na lang sarili ang iniisip mo, kundi pati na rin ang mga taong umaasa sa'yo. At doon na nag-iba ang kahulugan ng pagsisikap—hindi na ito basta na lang pagpupursige, kundi pagsunod sa mga inaasahang hindi mo kayang talikuran. Kaya kahit kailangan mong magpahinga, pinipilit mong magpatuloy, dahil sa pakiramdam na ang paghinto ay hindi lang paghinga, kundi pagkukulang.
Habang tumatagal, napapaisip ako kung kailan ba naging sukatan ng pagiging seryoso ang sobrang pagod. Parang mas nagiging karapat-dapat ang pangarap kapag mas malaki ang isinakripisyo. Na kapag hindi ka napuyat, hindi ka nagsumikap nang sapat. Doon nagiging delikado—kapag ang pahinga ay nagiging hadlang, at ang pagod ang nagiging patunay. Hindi dapat kailangang maubos ang sarili para masabing ginagawa mo ang lahat.
Unti-unti, nagiging normal na lang sa maraming estudyante ang isantabi ang pahinga para hindi mapag-iwanan. Kailangang laging may ginagawa, laging hinahabol, at laging may kailangang patunayan. At siguro iyon ang pinakamahirap mapansin—na sa kagustuhan nating maabot ang pangarap, natural na lang ang maubos at maghirap.



