Sa loob ng paaralan, karaniwan ang mga pangkatang gawain o “group work.” Inaasahan ang partisipasyon ng bawat miyembro. Layunin nitong linangin ang “kolaborasyon” ng bawat isa. Ngunit, sa mapait na realidad, minsa’y isa o dalawang estudyante lang ang bumubuhat ng bigat na dapat sana’y pinapasan ng lahat. Dito makikita kung paano ang “pakikisama” ay nagiging tahimik na pagsasamantala.
Sa bawat pagtakda ng guro ng panibagong pangkatang gawain, hindi lang gawain ang nahahati—pati ang pananagutan. May mga kusang kumikilos, at may mga tahimik na umaasa na may sasalo. Unti-unti, nagiging normal ang ganitong sistema: ang sipag ng iilan ay sinasandalan ng marami, habang ang iba nama’y natutong umiwas sa responsibilidad. Sa ganitong kalakaran, hindi na lamang resulta ang naaapektuhan, kundi pati ang paghubog sa disiplina at malasakit ng bawat mag-aaral.
Pamilyar na ang eksena—ako ang unang naglalatag ng plano, naghahati ng mga gawain, at matiyagang naghihintay ng tugon mula sa iba. Sa simula, may iilang bakas pa ng pagkakaisa, ngunit sa huli ay madalas ding nauuwi sa pagkasawi. May mga sandaling may nagpaparamdam, ngunit mas marami ang nananatiling tahimik.
Hanggang sa, sa harap ng kakulangan ng ambag ng iba, unti-unti kong inaako—hindi dahil iyon ang nais ko, kundi dahil alam kong kailangang may magtatrabaho.
Pananaliksik sa Ingles. Ulat sa Agham. Dulang Filipino na may iskrip at biswal. Sa huli, ako rin ang gumagawa ng halos lahat. Isa-isa kong tinatahi ang bawat bahagi, na parang wala akong grupo—parang proyekto ko lamang ito mula simula hanggang dulo. Doon ko naunawaan na hindi lahat ng pangkatang gawain ay tungkol sa pagtutulungan—minsan, nasusubok lamang nito kung sino ang may tunay na hangaring tumulong at kung sino ang mas komportableng umasa.
Habang papalapit ang takdang oras, hindi lang bigat ng gawain ang dala ko, kundi ang pakiramdam na kahit hindi kumilos ang iba, may sasalo at sasalo—at kadalasan, ako iyon. Napapatanong tuloy ako: kung ganito palagi, natututo pa ba kaming magtulungan, o nasasanay lang ang iba na umasa?
“Panghuling ayos na ‘to,” ang sabi ko sa sarili ko nang paulit-ulit. Hindi dahil gusto ko pang dagdagan, kundi dahil walang ibang gagalaw kung titigil ako.
May mga sandaling gusto kong magsabi, “Puwede bang tumulong naman kayo? Kahit kaunti lang.” Pero hindi ko rin masabi. Hindi lang dahil sa takot na matawag na mapagsarili at magmukhang mali, kundi dahil pinipili kong panatilihin ang maayos na samahan. Sa ganitong paulit-ulit na pagpili, unti-unti kong nakikita kung paano nagiging normal ang hindi patas—at kung paanong ang pakikisama, imbes na maglapit, ay nagiging dahilan para manatiling hindi napapansin ang bigat na pasan ng iilan, hanggang sa dumating ang puntong kahit kaya pa ng katawan, hindi na kaya ng aking kaisipan.
Doon papasok ang pagod na hindi nawawala kahit ilang oras ka pa matutulog. Ang kaba sa tuwing may bagong pangkatang gawain. At ang pakiramdam na parang mag-isa ka—kahit napapaligiran ka ng grupo.
“Mas madali pang gumawa mag-isa kaysa magmakaawa sa mga kagrupong walang ambag.”
Sa una, parang praktikal na desisyon. Iwas gulo at iwas sakit sa ulo. Tapusin na lang.
Pero sa bawat pagkakataong pinipili kong akuin ang lahat, mas lalo nitong pinapatibay ang sistemang hindi patas. Mas lalo nitong tinuturuan ang iba na okay lang hindi tumulong—dahil may sasalo naman.
At mas lalo akong napapagod.
Hindi lahat ng katahimikan ay kapayapaan. Minsan, ito’y anyo ng pagod na hindi masabi—ng takot na hindi maipagtanggol ang sarili.
Hanggang sa, sa kabila ng malinaw na plano at inaasahang paghahati ng gawain, nauuwi pa rin ang lahat sa pamilyar na linya: “Sige, ako na lang bahala.”
At sa dulo, ang tanong:
Hanggang kailan ko kakayanin?



