"Anak, kumusta na?"
Kasabay ng mahigpit na pagkakahawak ko sa hulugang cellphone na kasalukuyan kong idinidikit malapit sa aking tainga, bigla na lamang akong nakaramdam ng bigat sa puso nang itanong sa akin ni Inay ang katagang iyan. Iyong totoo, kumusta na nga ba talaga ako?
Sa loob ng silid-aralan, kilala ako bilang estudyanteng palatawa. Na ultimo simpleng biro lang ay tatawa na ako. Minsan pa nga, kahit na bagsak ako sa mga pagsusulit, idinadaan ko na lamang sa tawa sapagkat ang prinsipyo ko; walang magbabago kahit umiyak pa ako nang magdamag. Marami rin akong kaibigan, at halos kilala nila ako bilang madaldal na tao. Oo, madaldal ako na kahit walang kabuluhang paksa ay pag-uusapan para lamang hindi mapalitan ng nakabibinging katahimikan ang nasa pagitan naming magkakaibigan.
Sa madaling salita, sa harap ng nakararami, isa ako sa mga itinuturing nilang taong walang problema. Isang ordinaryong estudyante na kayang lampasan ang anumang pagsubok nang may ngiti sa labi. Subalit lingid sa kanilang kaalaman, ang mga halakhak at kwento ko'y nagtatago ng isang pusong sugatan, naghahanap ng lunas sa mga pasakit na hindi kayang maibahagi kaninuman.
Kapag tapos na ang klase namin, didiretso na agad ako sa boarding house at doon ay makikipagkwentuhan sa mga ka-boardmate ko tungkol sa mga nangyari sa akin ngayong araw. Madalas ko pa ngang kalimutang mag-review dahil mas natutuwa ako kapag may kasama ako. Minsan pa nga, ako na rin ang nag-aaya sa kanila na lumabas at gumala dahil naniniwala akong mas gagaan ang aking pakiramdam kung lagi akong lumalabas ng may kasama.
Ngunit sa likod ng mga ngiti at tawanan, may isang reyalidad na pilit kong tinatakasan. Sa pagbabalik sa aking kwarto matapos ang galaan, nagsisimula na naman ang pagbibilang ng mga barya, ang pagtantiya kung paano pagkakasyahin ang natitirang pera hanggang sa susunod na linggo. "Hindi bale na kung magutom, malaki naman ang katawan ko." Wika ko sa sarili. Kaya't sa halip na pagkain, tubig na lamang ang aking sasandalan, umaasang mapupuno nito ang kumakalam na sikmura at ang nagugutom na puso.
Sa paglipas ng mga oras, kasabay ng paghimbing ng mundo, ang mga maskarang itinago ko sa buong araw ay isa-isang nalalagas. Sa katahimikan ng gabi, kung saan walang ibang naririnig kundi ang tibok ng sariling puso, doon ko lamang pinahihintulutang lumabas ang tunay na ako. Nakatitig na lamang ako sa kawalan habang ang mga alalahanin na pilit kong ibinabaon sa limot ay isa-isa nang umaahon, nagdudulot ng mas mabigat na paghinga. Grades na kailangang habulin, gastusin na tila walang katapusan, pamilyang malayo na sabik nang makita, at mga proyekto sa eskwela na parang mga multong humahabol sa akin.
Ang bigat sa dibdib ay hindi na maitago, na tila ba'y may isang malaking bato na nakadagan sa aking puso. Bawat paghinga ay nagiging isang paghihirap. Ang mga luha'y nagbabadyang kumawala, ngunit pinipigilan ko. Hindi ako pwedeng magpakita ng kahinaan. Kailangan kong maging matatag para sa sarili ko, para sa pamilya ko. Ngunit sa loob-loob ko, unti-unti na akong nawawasak.
Sobrang hirap isipin na akala ko'y kaya ko, na ayos lang ako, ngunit sa totoo lang, hindi pala. Na sa likod ng mga ngiti at tawanan, may isang pusong nagdurusa at naghahanap ng kahit kaunting pag-asa. Grabe 'no? Ang hirap palang magpanggap na masaya, iyong tipong walang problema 'pagkat ang nakikita lang nila ay ang bahaghari pagkatapos ng ulan, hindi ang bagyong sinuong mo para lang malampasan ang hagupit ng problema.
Oo, mga ngiti na nakikita mo ay peke lamang, hindi lahat totoo. Minsan, isa lang ‘yang maskara upang itago ang mga luhang gustong kumawala. Dahil sa mundong ito, mas madaling tanggapin ang taong nagpapatawa kaysa sa taong naglalabas ng kan’yang hinaing.
....
"...Anak? Hello? Naririnig mo ba ako?"
Nabalik ako sa reyalidad nang marinig muli sa kabilang linya ang tinig ng aking Inay. Bigla na lamang bumuhos ang aking luhang pilit kong pinipigilan. Nais kong sabihing hindi na ako ayos, na wasak na wasak na ako, ngunit walang lumabas na salita sa aking bibig.
"Anak, kumusta ka na ba? Magsabi ka lang ah? Nandito kami palagi! Mahal ka namin. Kaya mo iya—" at namatay na ang tawag. Tinignan ko mabuti, naubos na pala ang load ko kaya hindi na natuloy ni Inay ang sasabihin niya sana.
"Inay, salamat." Nasabi ko na lamang kahit batid kong hindi niya maririnig ang aking tugon. Agaran kong pinunasan ang mga luhang patuloy pa ring umaagos sa pisngi ko. Buti na lamang, kinumusta ako ng aking Inay.
"Hoy bata! Bumaba ka diyan! Delikado diyan!" Napalingon ako sa aking likod nang marinig ko ang boses ng isang guwardiya na nagagalit. Ngumiti na lamang ako na may halong pait at bumaba na sa may dulo ng rooftop, hindi na itinuloy ang binabalak na pagtalon.
Ikaw, kumusta ka na ba?



