Bata pa lamang ako, pula na ang mundo ko.
Pula ang laso sa buhok ko, pula ang bag na laging yakap ko, pula rin ang balot ng paborito kong kwaderno, na tila laging handang sumalo sa bawat lihim ng aking mga kwento. Naaalala ko, sabi ni Inay, ang pula ay kulay ng puso. Sabi naman ni Ma’am, ang pula ay para sa pusong handang magmahal at simbolo na ang bawat isa ay may karapatan sa kalayaan. Pinaniwalaan ko iyon, tulad ng paniniwala ko na ang araw ay sisikat tuwing umaga, at ang mundo ay mananatiling payapa.
Ako si Pina.
At noon, madali lang mahalin ang pula.
Sa tuwing pipili ako ng damit, hinahanap ko ang kulay na parang may sariling tibok. Sa tuwing may proyekto, pinipili ko ang krayolang pula, dahil tila iyon ang pinakabuhay sa kahon. Maging sa kendi sa tindahan, pulang balot ang hinahanap ko, sapagkat sa isip ko, mas matamis ang may kulay ng puso. Ang pula ang una kong nakilala, bago pa ang lungkot ng itim at bigat ng abo. Para sa akin, kulang ang mundo kapag wala ito — parang pusong hindi marunong tumibok kung walang pag-ibig dito.
Ngunit habang lumalaki ako, napansin kong may mga kulay palang hindi basta-basta ipinapaliwanag sa mata ng mga bata.
Isang araw, may dumaan na grupo sa kalsada. May hawak silang plakard, at ang tinta nito ay kulay pula — matapang, malinaw, at hindi yumuyuko kahit binabagyo ng sigaw na parang kulog sa paligid. Hindi ko pa lubos na nauunawaan ito, ngunit may init itong haplos sa aking dibdib. Parang ang pula, hindi lang pala nasa krayola. Nasa tinig din. Nasa hakbang. Nasa paninindigan.
“Karapatan!” sigaw nila.
“Kalayaan!” tugon ng hangin.
Naalala ko si Ma’am.
Naalala ko ang kanyang aral.
Ang kalayaan ay karapatan — hindi hinihingi, kundi ipinaglalaban.
Ngunit hindi lahat ng nakarinig ay nakangiti. Para sa kanila, nakakarindi ang boses ng katotohanan — ang boses na nakakakita, nakakaalam, at handang ilantad ang mga bagay na pilit nilang tinatago.
Habang tumatagal, natuto akong makinig sa gilid ng mga kalsada: sa mga kamay na walang laman, sa mga matang pagod ngunit hindi sumusuko, sa mga bibig na nanginginig ngunit patuloy pa ring humihingi ng hustisya. Ang pula ay unti-unting nag-iba ng anyo. Hindi na lang siya kulay ng puso. Kulay na rin siya ng tapang, ng pagtindig, ng paghawak sa sariling boses.
Hanggang sa isang araw, tinawag nila ako.
Hindi sa pangalan ko.
Tinawag nila akong kaaway.
Napatigil ako. Kailan naging kasalanan ang makinig? Kailan naging mali ang makaramdam?
Sabi nila, ang pula ay delikado. Sabi nila, ang pula ay tanda ng laban na hindi dapat sinasalihan.
Ngunit hindi ko naman piniling maging pula.
Ako lang si Pina, na natutong magmahal sa paraang itinuro nila.
“Red-tag,” bulong ng iba.
Parang mantsa na hindi matanggal, kahit ilang beses kong hugasan ang sarili ko ng katahimikan.
Ngunit hindi ako tumahimik.
Sapagkat kung ang katahimikan ay puti, pinili kong maging pula.
Hindi bilang sigaw ng galit — kundi bilang tibok ng paninindigan. Kung kailangan kong pumili sa pagitan ng katahimikan at katotohanan, mas pipiliin kong marinig kahit hindi lahat ay handang makinig. Dahil ang takot ay panandalian lamang, ngunit ang konsensya ay nananatiling gising kahit sa pinakatahimik na gabi.
Hanggang dumating ang gabi na kumatok sila.
Hindi iyon katok ng bisita.
Hindi iyon katok ng pag-anyaya.
Iyon ay katok ng wakas na hindi ko pa alam kung paano sisimulan.
Hinila nila ako palabas. Walang paliwanag, walang salitang nagbibigay-linaw. Ang hangin ay malamig, ngunit ang dibdib ko ay mainit, parang apoy na pilit kong pinipigilan na hindi maging abo.
Sa gitna ng dilim, nakita ko ang unang kulay.
Asul.
Hindi iyon ang asul ng langit na dati kong tinitingala. Ito ay asul na kumikilos — mabigat at malamig. Mga kamay na may suot na asul ang humawak sa aking braso, mariin, walang alinlangan. Tinulak nila ako pasulong. Nawalan ako ng balanse. Ang lupa ay sumalubong sa akin na parang hindi ako kilala.
Hindi ako sumigaw.
Siguro dahil wala ring makakarinig.
Siguro dahil unti-unti nilang kinukuha ang bawat paghinga na para bang wala na akong karapatan mabuhay nang malaya.
“Hindi ba ang asul ay simbolo ng kapayapaan?”
Bakit ito ang unang humawak sa akin ng sakit?
Muli akong naghanap ng sagot sa katahimikan, ngunit wala itong ibinibigay na awa.
Maya-maya, may kumislap na dilaw.
Isang liwanag ang tumama sa aking mukha. Maliwanag, ngunit nakakabulag. Dilaw ng araw sa watawat, dilaw ng bituin na dapat gabay ng pag-asa… ngunit sa sandaling iyon, naging ilaw itong nagbubunyag ng isang kathang isinulat para sa akin nang hindi ako tinanong.
Sa liwanag na iyon, nakita ko ang sarili kong mga kamay at ang mga bagay na pilit nilang nilalagay. Isang bakal na malamig, hindi akin. Pinisil nila ang aking mga daliri, pinahawak sa kasalanang hindi ko ginawa. Parang ang dilaw ay hindi liwanag kundi babala — isang kwentong isinusulat para sa akin, kahit hindi ko inilathala.
Unti-unting lumabo ang paligid.
At nasilayan ko ang puti.
Puting tila tahimik — ngunit hindi kapayapaan ang dala. Ito ay pagitan ng hininga at katahimikan, ng buhay at pagtatapos. Puti ng watawat na dapat simbolo ng kadalisayan, ngunit sa akin, ito ay naging sandaling tinatanong ko ang sarili:
Inosente ba ang isang taong hindi naman pumili ng laban?
Malinis ba ang budhi na pinilit lang tumahak sa landas na hindi niya nilakaran?
Naririnig ko ang tibok ng puso — paulit-ulit, nag-aagawan ng sagot.
Kung mawawala ako, sino ang mananatiling makikinig?
Kung tatahimik ako, may kapayapaan bang darating?
At pagkatapos—
may pumutok.
Hindi kulog.
Hindi selebrasyon.
Kundi tunog na pumuputol ng hininga.
Sa huling pagmulat ng aking paningin, bumalik ang kulay na pula.
Hindi na ito ang pulang laso sa buhok ko.
Hindi na ito ang krayola minsang bumuhay sa mundo ko.
Hindi na ito simpleng kulay ng pagkabata.
Ito ay dumadaloy.
Mainit, mabigat, at tahimik na kumakalat sa lupa na minsan kong inakalang handa akong mahalin habambuhay.
Doon ko naunawaan.
Ang pula ay hindi lang kulay ng puso.
Ito rin pala ang kulay ng katotohanang pilit pinapatahimik.
Kulay ng buhay na inialay kahit hindi piniling mawala.
Ako si Pina.
Pina-ngakuan.
Pina-ibig.
Pina-asa.
Pina-tahimik.
At kung may matitira man sa akin, hindi ito pangalan.
Kundi kulay—
kulay na inialay,
kulay na ipinaglaban,
kulay na patuloy na dadaloy sa alaala ng bayan.
Muli’t muli,
sa bawat pusong patuloy na tumitibok para sa katotohanan,
sa bawat tinig na tumatangging manahimik,
sa bawat buhay na handang manindigan —
ang paborito kong kulay ay pula
sapagkat kahit pinatahimik ang aking tinig, patuloy itong sisigaw sa dugo ng bayan.



