Galit ako sa mga pinagkakautangan ni mama. Sa mga kompanyang palaging naniningil sa telepono, sa mga taong pumupunta sa bahay namin—nagtatanong kung nasaan ang mama ko. Ngunit higit sa lahat, galit ako sa mga utang ni mama.
Galit ako sa mga utang ni mama sapagkat sa tuwing ako'y gumigising nang alas otso ng umaga sa aming bahay na kulang sa mga kwarto at silya para sa mga bisita, naaalala ko ang mga pagkakataong nagigising ako sa tahol ng aming mga aso dahil may mga tao sa labas ng aming maliit na tahanan—nagsisigaw, nag-aamok.
Mahirap maging mahirap sa panahon ngayon—oo, alam ko. Nasaksihan ko na iyan mula noong una ko pang nasabi ang mga salitang “mama ko.” Pero sapat na ba ito para kami ay kumapit sa patalim at mangutang sa mga kakilala o sa mga bangko? Iyan ang hindi ko mawaring maunawaan noong paslit pa lamang ako.
Ngunit ngayon, nagbago na ang bugso ng tubig sa Pasipiko. Marami na akong buhok sa mga lugar na hindi nasisinagan ng araw, marami na akong nakita at nasaksihan dito sa mundong ibabaw: mga hindi makatarungan, mga hindi makataong pang-aapi, at mga hindi tamang gawain.
At sa totoo lang, unti-unti ko nang naiintindihan si mama.
Siguro nga simbolo talaga ng kahirapan ang pangungutang. Kasi kahit ako, ginagawa ko na rin—sa eskwelahan, sa kantina. Halos hindi ko nga masikmura sa tuwing lumalabas sa bibig ko ang mga katagang, “Ate, ipapalista ko na lang muna.”
Kaya ngayong tumatanda na ako, saludo ako sa mga magulang ko. Hindi nila gustong umutang pero sila'y napipilitan. Para may maibayad sa eskwelahan, para may maibili ng gamot o maintenance, para may maihain sa hapag-kainan—ginagawa nila ang lahat maibsan lamang ang sikmurang kumakalam.
At kaya ngayong tumatanda na ako, hindi na ako galit sa mga utang ni mama. Galit ako sa mundong tinutulak siya para gawin ito, at galit ako sa sistemang lalo pang nagpapahirap sa mga pamilyang kagaya ng mayroon ako.
Tahimik man ang mga sakripisyo ni mama—mahirap maunawaan, mahirap kampihan ng mga taong wala namang alam—saludo ako sa kaniya. Sapagkat sa bawat utang ni mama, may katumbas iyong pagmamahal na hindi kailanman mababayaran ng pera.
At kung may utang man ako sa mundong ito, iyon ay ang utang na loob ko sa kaniya.
Para kay mama, inang, inay, mommy, nanay, mamita.



