May kakaibang katahimikan matapos ang huling palakpakan. Nakatayo ka roon, suot ang toga, hawak ang diploma—patunay ng mga puyat, sakripisyo, at pangarap na minsang tila napakalayo. Nakangiti ka sa litrato. Nakangiti ka sa pamilya. Nakangiti ka sa mga kaibigang kasama mo sa paglalakbay.
Ngunit sa likod ng ngiting iyon, may tanong na patuloy na kumakatok:
Ano nga ba ang pagkatapos ng pagtatapos?
Pag-uwi mo, tila nag-iba ang mundo. Nawala ang ingay ng tawanan sa silid-aralan, at ang dating punong iskedyul ay napalitan ng katahimikang hindi ka sanay. Doon mo higit na mararamdaman ang bigat ng tanong. Hindi na ito haka-haka lamang, kundi isang reyalidad na kailangan mong harapin.
Sa paglipas ng mga araw, unti-unting sumisiksik ang pagdududa. Tama ba ang landas na pipiliin mo? Handa ka na ba talaga? Paano kung hindi ka pumasa sa entrance exams? Paano kung sa kalagitnaan ng paglalakbay ay mapagtanto mong hindi pala iyon ang para sa iyo? Walang kasiguraduhan, at iyon ang pinakanakakatakot.
Kasabay nito, napapansin mong nagbabago rin ang mga bagay na dati’y tiyak. Ang mga kaibigan mong araw-araw mong kasama ay unti-unti nang nagkakaniya-kaniya. May lilipat, may mag-aaral sa ibang paaralan, at may mga pagkakataong ang simpleng pagkikita ay kailangan pang pagplanuhan. Nariyan ang mga pangakong hindi mawawala ang samahan, ngunit alam mong hindi na ito magiging katulad ng dati.
Masakit man, bahagi ito ng paglaki. Hindi lahat ng kasama mo ngayon ay makakasabay mo hanggang dulo. May mga taong mananatili na lamang sa alaala, at may ilan na pipiling manatili sa buhay mo—kahit pa magbago ang lahat sa paligid ninyo.
Sa gitna ng takot, pagkalito, at pangungulila, unti-unti mong mauunawaan ang isang mahalagang katotohanan: hindi kailangang malinaw ang lahat sa simula. Ang pagtatapos ay hindi dulo ng kuwento—ito ang simula ng isang bagong yugto, kung saan ikaw na ang pangunahing may-akda ng sarili mong landas.
Hindi mo kailangang magkaroon agad ng lahat ng sagot. Hindi mo kailangang maging sigurado sa bawat hakbang. Ang mahalaga, handa kang sumubok at matuto mula sa bawat tagumpay at bawat pagkakamali.
At balang araw, kapag muli mong binalikan ang tanong na minsan mong kinatakutan, mapapansin mong hindi na ito ganoon kabigat. Hindi dahil naging madali ang lahat, kundi dahil natutunan mong magpatuloy kahit may takot.
Kaya ano nga ba ang pagkatapos ng pagtatapos?
Hindi ito iisang sagot o direksyong agad mong matutukoy. Unang hakbang ito sa hindi tiyak na landas; ang pagpili kahit nagdadalawang-isip, ang pag-usad kahit mabagal, at ang pagtanggap na hindi mo kailangang malaman ang lahat.
Ito ang simula ng iyong sariling kuwento.
At sa istoryang iyon, ikaw ang magsusulat. Ikaw ang lalaban. Ikaw ang magpapatunay na kaya mong magpatuloy.
Kaya sa mga sandaling tila nanghihina ka, piliin mong bumangon—hindi lang muli, kundi mas buo. Sa bawat pagdududa, piliin mong maniwala; hindi sa isang perpektong landas, kundi sa lakas ng loob mong tahakin ito kahit hindi sigurado.
Kapag dumating ang araw na iba na ang direksyong tatahakin mo, na ang dati mong rutang pauwi mula sa eskuwela ay mapapalitan ng bagong daan, bagong sakayan, o bagong destinasyon, alalahanin mong normal ang maligaw sandali. May mga likong hindi mo inaasahan, mga hintuang hindi mo pa kabisado, at mga pagkakataong mapapaisip ka kung tama pa ba ang tinatahak mo. Pero gaya ng bawat paglalakbay, natututuhan din ang daan habang nilalakaran ito.
Magpakatatag ka, hindi dahil wala kang takot, kundi dahil marunong kang magpatuloy sa kabila nito. Dahil sa bawat hakbang, kahit mabagal at hindi tiyak, unti unti mong binubuo ang sarili mong direksyon. At balang araw, mapapangiti ka na lang, dahil ang dating hindi mo alam na daan, iyon pala ang magdadala sa iyo kung saan ka dapat makarating.
Dahil ang tunay na sukatan ng pagtatapos ay hindi kung gaano ka kaganda o kasigurado nagsimula, kundi kung gaano ka katatag na nagpatuloy.



