Sanay na sanay ako sa ingay ng masa.
Tirik na tirik man ang init sa siyudad
Nasa gitna man ng mapaminsalang unos
O kaya naman nasa masikip na hanay
Handa akong makibaka para makalaya
Ang mga tsuper at manggagawa.
Sa estadong marahas, at walang pakialam
Sa kanilang kapakanan, at kabutihan
Akala ko noon, ang tunog ng talbog ng bola
Pati ang hiyaw at panawagan ng masa
Ay ang tunog na aking maririnig buong buhay.
Subalit, nag-iba ang ihip ng hangin
Nang bigla akong taniman ng kalibre.
kalibre na hindi ko inakalang tutubo na parang puno
Hanggang sa hindi ko namalayang lumaki
At tuluyan ako nitong ibinalanggo.
Noon talbog ng bola, pati ang hiyaw ng masa
Ang musika sa aking tainga.
Ngunit, tumigil ang tugtog
Nang mapalitan ito ng kalansing ng posas.
Kung dati placard, megaphone, at bola ang aking hinahawakan
Ngayon, rehas na ang aking hinihimas
Sa araw-araw kong pamumuhay sa selda.
Na puno rin ng katulad kong
Tinaniman at pinagkakamalang terorista.
Labing-walo ang ikinulong sa amin
Ngunit, iilan pa lamang
Ang nakakahinga ng sariwang hangin.
Katulad ni Panganiban at Maritess
Na nakakakita na ng sinag ng araw
Nang bitawan ng kanilang kamay
Ang rehas na puno ng kalawang.
Habang may iba pa rin
Na hindi nakakakita ng liwanag.
Katulad ni Demate at Astudillo
Kasama na si Cruz, Banjawan, at Gregorio.
Pangarap ko na makita nila ang puting kalapati
Habang maaga at buhay ang kanilang pamilya
Para mahagkan at makapiling sila muli.
Kailan din kaya namin makakamtan?
Ang gintong paglaya’t tagumpay
Na hindi lamang limitado sa amin
Pati narin ang mga taong pinaglalaban namin.
Balang araw, makikita ko rin ang liwanag.
Na may kasamang bahaghari
At malayang nakakapaglaro ng basketball
Na hindi basta-basta tinataniman at hinuhuli
Ng mga alipores ng estadong mapang-api
Kasama na ang malayang pakikibaka
Pati na rin ang unyon na walang ginawa
Kundi maglingkod sa masa.
Sana hindi matapos ang aming kwento
Sa isang mainit, masikip, at dugyot na selda
Dahil gusto ko pang ituloy ang laro ng bola.
At maglingkod sa mga manggagawa
Kasama ang unyon, at mga katulad kong
hindi pa nakakalaya, dahil hinding-hindi kami
magsasawa maglingkod sa masa’t manggagawa.
Ano kaya iniisip ni Ka Maoj?
Matutuwa kaya siya?
Kung maririnig niyang tinutuloy ko
Ang kaniyang pakikibaka?
Kundi dahil sa kaniyang mga panawagan
Hindi titibay at masasanay ang aking ilong
Sa usok na binubuga ng mga jeepney
Tuwing may matinding rally
Matutuwa kaya si Ka Maoj?
Kung sinabi ko sa kaniya
Na tuluyang umalis ang aking kaba
Sa katawan kong namamawis tuwing may welga
Nung malaman ko ang kaniyang istorya.
Kung hindi dahil sa kaniya
Malamang, hindi ako isang kadena
Sa isang malaking makinarya
Na patuloy lumalaban
Para sa rebolusyonaryong demokrasya
Ako’y nangangarap na balang araw,
Magiging isa akong malupit na taga-organisa
Katulad niya, nung siya ay binata.
Hindi pa nakikita sa personal
Ngunit, marami na siyang tinuro saakin.
Katulad ng kung paano lumaban
Kahit nasa hukay na ang isang paa.
Lalong-lalo na kung paano lumaban
Kahit walang armas na hinahawakan.
Balang araw, makikita ko rin si Maoj.
Hindi man ngayon, pwede rin naman bukas
O kaya naman sa susunod na buwan o dekada.
Hindi ko alam kailan ka makakalaya.
Ngunit, andito ako at ang unyon sa iyong tabi
Magpupunyaging mag-organisa.
Dahil darating din ang panahon
Na kasama na kitang makikibaka
Mapa Mendiola man o Welcome Rotonda
Hindi lang limitado sa ating dalawa
Kung hindi, kasama pa ang ibang unyonista.
Na minimithi kong makalaya
Sa seldang kanilang sinapupunan.



