Apat kaming magkakapatid. Ang pumapangalawa ay maagang nagkapamilya at sumama sa asawa. Ang pangatlo naman ay nalulong sa bawal na gamot kaya ilang taon nang nakakulong. Ang panganay ay palaging wala sa bahay at subsob sa trabaho. Ako naman ang bunso, kaya prinsesa ako ng mga magulang ko.
Palagi nila akong binibilhan ng bagong laruan kahit na kapos na kapos na sila. Ginagawan din nila ng paraan para linggo-linggo kaming tatlong kumain at mamasyal sa labas. Hindi rin ako nauutusan sa gawaing-bahay kahit kinakailangan na nila ng tulong ko. Pero ang pinakapaborito ko sa lahat ay sa tuwing nagsasalo-salo kami sa maliit at marupok naming hapagkainan. Kahit wala madalas si ate.
Sa tuwing nate-tyempuhan naman na kasabay namin siya ay mukhang mas gusto niya na lang matulog. Gayunpaman, labis pa rin akong inaasikaso ng aking mga magulang—mula sa pag-iipis ng tubig hanggang sa paggagayat ng pagkain.
Nagtataka nga ako, eh. Bakit kaya hindi nila pinaghihimay ng hipon si ate?
Noong una, wala pa akong alam. Pero nang maintindihan ko na—ganito pala maging bunso, ‘no? At ganoon pala maging panganay—maging ate.
Kaya pala hindi na pinaghihimay ng hipon si ate kasi maaga siyang tinuruan ng mga magulang namin. Kaya pala tuwing uuwi siyang latang-lata, hindi na mainit na pagkain ang naabutan niya, kundi malamig na katahimikang sana’y may nakakakita ng bigat sa balikat niya. Pero wala. Dahil sa mata ng pamilya, kaya niya ‘yan. Palagi. Si ate ‘yan, eh.
Si ate na nagsusustento pa rin sa iba naming kapatid. Si ate na nagpapalaki ng magulang. Si ate na bumubuhay sa pamilyang dapat siya sana ang binubuhay. Si ate na walang pahinga. Si ate na hindi man lang tinanong kung kumain na ba siya, kumusta ba siya, o kung may natitira pa ba siyang pangarap na hindi isinuko para sa amin. Si ate na nagiging estranghero sa sarili niyang tahanan, hindi dahil hindi niya kami mahal, kundi dahil inuubos siya ng pagmamahal niya sa amin.
Sa bawat bagong laruang nagkakaroon ako, perang dapat ipang-aaral sana ni ate ang nagagasta. Sa bawat lugar na pinupuntahan naming tatlo nina mama at papa, unti-unti na pa lang nawawala sa sarili si ate sa paghahanap ng paraan kung papaano pa kumayod. Sa bawat kainang busog kaming lumalabas, dumaragdag ang isa pang araw na walang laman ang sikmura ni ate. Sa bawat gawaing-bahay na pwede namang iutos sa akin, nababawasan ang kakarampot na pahinga ni ate. Pero kahit kailan, wala kaming narinig na kahit ano galing sa kaniya. Idinaraan niya na lang sa ngiti ang paghihirap, kahit ang ngiting iyon ay minsan nang nanginginig sa bigat. Kasi alam niyang sa oras na bumigay ang katatagang binuo niya, may pamilyang mababasag. Kaya sinasalo niya lahat.
At ngayon, habang lumalaki akong hawak ang mga laruan, ramdam ang mga haplos, at palaging binibigyan ng atensyon na dapat minsan ay para rin sa kanya—roon ko lang naintindihan na ang hirap pala maging panganay. Ang hirap maging ate na ang tingin sa’yo ay haligi kahit ikaw mismo ay marupok at kailangan din ng masasandalan. Ang hirap maging ate kung inaasahan kang maging ilaw kahit nagmimistulan kang kandilang nauupos. Ang hirap maging si ate na hindi naranasang maging bata dahil kailangan. Dahil walang ibang gagawa.
Kaya pala hindi siya pinaghihimay ng hipon.
Kasi matagal na palang hinihimay-himay ng buhay si ate. Hindi dahil kaya niya—kundi dahil masyado na siyang nasanay na walang gagawa noon para sa kanya.
Sorry po, ate. Sorry po kung kailangan mo munang maranasan ang lahat ng sakit bago ko pa maintindihan kung gaano kabigat ang pasan mo. Sorry po kung kailangan mong tumanda nang mabilis para maranasan kong maging bata. Hindi ko po alam. Hindi ko po agad nakita. Pero ngayon, ate, naiintindihan ko na. Kaya hayaan mo pong ako naman ang sumali kahit kaunti.
Ate, kumusta ka na? Magkakampi po tayo rito, ha? Hawakan mo po ulit ang mga pangarap na binitiwan mo para mayakap kami nang buong-buo. Ate, okay lang kami. Ako naman ngayon. Salamat, ate. Mahal ka ng bunso mo.



