Madalas, iniisip ko kung ano kaya ang pakiramdam na mahawakan ang asul na langit.
Minsan ko na ring natanong si Nanay kung posible bang mahawakan ang kaitaas-taasan kung sakali mang maakyat ko ito. Pero ang tanging sagot niya lamang ay:
“Walang kahit sino ang kayang makaabot sa itaas. Lahat tayo, kailangan munang ilibing sa lupa bago umakyat.”
Hindi ko naintindihan noong una. Pero habang tumatagal ay nakitaan ko rin ito ng saysay.
Parang buto lang pala tayo. Alam niyo ba ‘yung buto? ‘Yung itinatanim sa lupa tapos nagiging puno.
Ako, isa rin akong buto na itinanim sa mundong ito upang lumaki at mahawakan ang langit.
Ngunit pakiramdam ko, parang hindi naman ako lumalaki. Sabi ni ate, hindi naman daw kasi ganoon kadaling lumaki.
“Bata ka pa masiyado. Huwag kang mag-madaling lumaki’t baka magsisi ka,” sabi niya sa ‘kin.
Lima kaming magkakapatid. Isang sanggol, isang nasa ikatlong baitang, isang patapos na sa sekondarya, at isang magtatapos na sa kolehiyo.
At ako, na nasa gitna nilang lahat.
Araw-araw ay iginagapang namin ang buhay. Si nanay at tatay ay laging wala sa bahay dahil abala sa kanilang hanap-buhay habang ang dalawa naman naming nakatatandang kapatid ay sinusubukang balansehin ang trabaho at pag-aaral.
Hindi naman kasi kami mayaman sa pera. Pero mayaman naman kami sa tiyaga at pagmamaha—
Hindi totoo ‘yun.
Walang ganon.
Walang hanap-buhay sina nanay at tatay. Imbes ay sangkot sila sa isang ilegal na sugal at ngayon ay nasa likod na ng rehas kung saan nila babayaran ang kanilang umaapaw na utang.
Maagang nabuntis ang panganay naming kapatid.
Nalulong sa depresyon ang ikalawa naming kaptid.
Namatay sa sakit ang ikaapat naming kapatid.
At maagang namatay ang bunso naming sanggol.
At ako, ako na lang mag-isa ang natira.
Mabigat man ang karitong itinutulak ko ngayon, mag-isa mang tinatahak ng hubad kong mga paa ang mga kalsadang ito ay hindi ako tumigil sa paglalakad. Dahil kailangan kong igapang mag-isa ang buhay.
Madalas, iniisip ko kung ano kaya ang pakiramdam na mahawakan ang asul na langit.
Minsan ko na ring natanong si Nanay kung posible bang mahawakan ang kaitaas-taasan kung sakali mang maakyat ko ito. Pero ang tanging sagot niya lamang ay:
“Walang kahit sino ang kayang makaabot sa itaas. Lahat tayo, kailangan munang ilibing sa lupa bago umakyat.”
Ako, isa rin akong buto na itinanim sa mundong ito upang lumaki at mahawakan ang langit.
Ngunit pakiramdam ko, hindi naman ako lumalaki.
Baka kasi itinanim lang ako sa maling lupa.



