Pasko na naman, ang bawat pamilya ang nagsasalo-salo sa kanilang hapag-kainan, ang mga bata ay nagsisimula nang mangaroling sa kalsada, at ang mga kabataan ay nagsisimula nang magsimbang gabi. Ang simoy ng hangin ay sing lamig ng yelo sa Antarctica, ang kalsada ay punong-puno ng palamuti, at ang mga tao ay nagliliwanag dahil sa kanilang ngiti na abot tainga na.
Naglalakad ako pauwi sa aming tahanan nang makita ko ang mga pamilya sa isang restaurant na nagsasaya at nagtatawanan na parang wala silang pinoproblema. Hindi ko namamalayan na nakatulala na ako sa kanila habang pumapatak ang mga luha ko sa mga mata ko. Pinunasan ko kaagad ito at nagpatuloy na sa paglalakad pauwi.
Hindi ko maiwasang mainggit sa mga tao, dahil buo ang kanilang pamilya ngayong darating na pasko. Samantala, ang aking pamilya ay watak-watak at wala nang pakialam sa isa't isa. Ang aking ina ay sumama na sa ibang lalaki patungong ibang bansa at may sarili nang pamilya, habang ang aking ama ay nakahanap na ng bagong babae at nakabuo na rin ng pamilya. Habang ako, naiwan sa bahay ng aking lola at binubuhay ang aking sarili mag-isa.
Nang makarating ako sa aking tahanan ay kaagad kong inihanda ang aking handa ngayong pasko. Isang hamon, isang manok, kanin, at juice. Isinabit ko rin ang mga palamuti para sa pasko para maging maganda ang aking tahanan. Sinindihan ko rin ang isang kandila at umupo na, bago ako kumain ay nagdasal muna ako sa panginoon.
Habang kumakain ako, hindi ko namamalayang umiiyak na ako, iyak ng isang inggit na bata. Iyak ng isang nangungulilang anak na hinahanap-hanap ang pagmamahal ng kaniyang mga magulang. Sinusubukan kong pigilan ang aking pag-iyak, ngunit hindi ito tumitigil. Hindi ko na mapigilang umiyak dahil miss na miss ko na ang mga magulang ko.
Bawat araw, bawat buwan, at bawat taon ang lumilipas, hinihiling ko sa mga tala at kalangitan na mabuo muli ang perpekto kong pamilya. Ngunit, alam ko sa sarili ko na kailanman ay hindi na ito mangyayari pa. Naghihintay ang araw-araw, buwan-buwan, at taon-taon na dalawin man lang nila ako o kumustahin—ngunit naghintay lang ako sa wala.
Sinisisi ko ang aking sarili kung bakit nasira ang pamilya ko, sinisisi ko ang sarili ko kung bakit pa ako nabuhay pa. Hinihiling ko na sana isang araw ay kunin na lang ako ng mga bituin upang magpahinga na at hindi na maging malungkot pa. Sana pagkatapos ng pasko na ito, sana, sana, sana mawala na ako, dahil pagod na akong mainggit pa sa mga taong buo ang pamilya, sa mga taong masaya kasama ang kanilang pamilya—habang ako ay nagdurusa sa kalungkutang kailanman ay hindi ko ginusto.



