May mga gabing nais kong isigaw ang ating katotohanan sa malayang hangin, iparinig sa buong mundo kung paanong ikaw ang pinipili ng aking puso. Ngunit hindi ko magawa. Nilulunok ko ang mga salitang nag-aalimpuyo sa aking dibdib, sapagkat ito ang iyong hiling—ang itago tayo mula sa mga matang marunong humusga at sa mga dila na ginagawang kasalanan ang ating pag-iibigan.
Ngunit kailanma’y hindi sasapat ang mga nakaw na sandaling ating ginagawa sa likod ng kurtina para sa pag-ibig na sa mga tahimik na sulok lamang nakahihinga.
Tayo’y kapwa aninong nagtatago sa gilid ng liwanag, mga pusong marunong magmahal ngunit bawal magpahayag. Sa mundong nakamasid, hindi kita maaaring angkinin, at hindi mo ako maaaring ipangalan na iyo. Ngunit alam ko na may pag-ibig tayo na tila isinilang sa kawalan, isang pagsintang kahit alam ang wakas ay patuloy pa ring lumalaban sa dilim—ito lamang ang tanging pinanghahawakan ko.
Hindi ko kailanman hiniling na mahalin sa ganitong paraan—tinatago sa likod ng anino. Hindi ko hiniling na ang ating pagsinta’y magmistulang babasaging kayang mabiyak sa bigat ng opinyon ng iba.
Gayunman, dahil mahal kita, gagawin kong tahanan ang katahimikan. Papasanin ko ang ating lihim na tila krus na hinulma sa pag-ibig. Igagalang ko ang iyong pasya, kahit mangahulugan iyon ng pagkatutong haplusin ang sarili kong dalamhati na parang sugat na kailangang alagaan upang hindi tuluyang dumugo.
At patuloy parin akong aasa na darating ang araw na kaya mo nang hawakan ang aking mga kamay sa liwanag nang walang takot at pangamba sa kung anong sasabihin ng mga matang nakamasid. Ang araw na ang pag-ibig natin ay hindi na kailangang ikubli sa likod ng mga pintuang sarado, ang araw na maaari na itong huminga nang walang takot na maparusahan.
Hanggang sa sumikat ang umagang iyon, mananatili ako sa iyong tabi—tila baybayin na matiyagang sumasalubong sa alon, kahit paulit-ulit itong tinatalikuran. At kahit masakit, kahit tila walang pag-asa, ang puso ko’y mananatiling iyo—hindi dahil wala akong pagpipilian, kundi dahil sa lahat ng posibilidad sa mundong ito, ikaw pa rin ang pinipili kong mahalin.
Sa mundong tayo lamang ang lumikha—isang daigdig na hinubog ng mga bulong at lihim na ngiti—ikaw ay akin, at ako nama’y sa iyo.



