Hindi ko kabisado ang mga panalangin,
mga salita nito ay banyaga sa akin,
gustuhin ko mang manalangin,
hindi ko alam kung papaano sa tuwing sumasapit ang panahong ipinako ang walang-salang si Hesukristo.
Mahaba ang lakaran sa bawat prusisyong dumaraan,
memoryado ng mga deboto ang mga panalanging wika ay iba,
mga kandilang hawak nila ang tanging nagpapailaw sa daan,
sa likod ng mga hilera ng estatwa na ang anino’y naglalaro sa kalsada.
Ang mga panalangin nila’y iba-iba ang diyalekto,
tanging mga unang linya lamang nila ang nasasambit ko,
hindi ko alam kung paano ako makasasabay,
at unang linya ng Aba Ginoong Maria lamang ang tanging alam ko.
Mata ko’y nakatingin sa mga labi nila,
at tanging ang aking mga kamay ang tahimik na saksi sa lihim kong isinasabi.
Pinipilit kong sumabay sa mga salitang hindi ko lubos maangkin,
bumubulong ng mga tunog na tila walang saysay.
hindi upang marinig, kundi upang maramdaman,
ang debosyong matagal ko nang nais maunawaan.
kahit na hindi ko alam ang panalangin,
alam ng Panginoon na gustong-gusto ko manalangin,
gusto kong pag-aralan kung paano nila iyon sambitin,
at gustong-gusto kong alamin ang mga salitang bago lamang sa akin.
Katahimikan rin ay panalangin,
nanalangin ka rin sa iyong mga isip,
na kahit hindi na lumabas sa iyong mga labi,
panalangin pa rin kung isipan lamang ang tanging sumasambit.
Ang Semana Santa ay hindi lamang para sa mga kabisado ang dasal,
hindi lamang para sa mga bihasa sa pananalangin,
sa bawat kandila, bawat anino ng estatwa, at bawat bulong ng deboto,
hanggang ngayon, hindi ko pa rin kabisa ang manalangin.



