Gabi na nang mapagpasyahan naming maglakad-lakad sa ilalim ng maliwanag na buwan.
Ang kalsada ay tila walang katapusang kadiliman.
Ang mga poste ng kuryente ang tanging nagbibigay ilaw sa daan.
Tahimik ang paligid at malayo sa ingay ng kalsadang siksikan ng sasakyan.
Maririnig mo ang himig ng sariwang hangin at huni ng mga insekto.
Mararamdaman mo ang malamig na hampas nito na lumalamon sa katawan mo.
Sa bawat pagyapak namin, maririnig mo ang tunog ng aming mga paa sa kalsadang sementado.
Ang buwan ang tanging liwanag at ang mga bituin sa langit ang kumikislap kasama nito.
Naglakad kami nang malumanay.
Nagkwekwentuhan kami ng samu’t saring kwento ng nakaraan, tungkol sa mga taong masarap pag-usapan.
Naabot na namin ang isang destinasyon at binalak nang bumalik kung saan kami nagsimula.
Patuloy ang aming paglakad, walang takot at walang pag-aalala, puno ng mahinang tawanan.
Ngunit sa kalagitnaan ng aming paglalakad, napansin namin sa malayo—aninong kasing dilim ng gabi, hindi makita ang mukha, bahagyang naiilawan ang hugis ng mukha pero hindi makilala, mataas—isang lalaki.
Tiningnan namin nang walang pagdududa.
Akala namin tao lang na nagpapalipas-oras sa gabi para maibsan ang kanyang mga problema.
Ngunit nang malapit na kami, bigla siyang umupo sa likod ng damuhan,
sa ilalim ng poste ng ilaw na hindi malawak ang naiilawan.
Hindi namin siya pinansin at nagpatuloy sa paglakad.
Biglang may tumunog.
Isang sitsit.
Pamilyar, parang paraan sa pagtawag at pang-akit sa ibon.
Nanginig ang aking katawan.
“Ano to?” tanong ko sa kaibigan ko nang mahinang boses.
“Dasiga euta ki…” sagot niya.
At inulit niya ang sitsit—dalawang beses.
Nanlamig ang aking mga kamay.
Tumigas ang aking mga binti. Tahimik kaming naglakad, bawat hakbang ay puno ng kaba at pag-aalinlangan na baka sa oras na lumapit siya kami ay masasaktan nang walang kalaban-laban.
Naisip naming magmadali para makalayo ngunit nanatiling kalmado.
“Tan-awa abi sa likod kung gasunod,” bulong ko sa kaibigan ko habang inaalala ang nangyari.
Patuloy kaming tumitingin sa likod, nag-aalangan kung sumusunod ba ang taong sumitsit sa amin.
“Dasiga eon it tikang,” sabi ng kaibigan ko.
Natigil ang aming pagkukwento. Pinalitan ng takot at pangamba.
Bago pa kami makarating sa bahay ng kaibigan ko, humawak kami nang mahigpit sa isa’t isa.
Ramdam ko ang kaba niya at ramdam ko rin ang takot sa sarili ko.
Doon napagtanto naming hindi na ligtas ang kalsada sa gabi.
Ngayon ko lang ito naranasan, at ngayon lang din ako natakot sa gabi,
Na sa matataas pala na damo ay may mga nagtatago—
hindi aso, hindi multo, kundi tao.
Hindi namin mawari kung ano ang intensiyon sa amin ng kasama ko.
Ikinuwento namin iyon sa mga kaibigan.
Natakot din sila.
Natakot din silang lumabas muli.
Nang pauwi na ako, tiningnan ko muli ang bahay kung saan siya nagtago.
Wala na siya. Wala palang upuan sa likod ng damuhan na kaniyang pinagtaguan, wala na ang anino.
Pagkatapos noon, ang simpleng gabi ng paglalakad para magpahinga ay naging paalala sa amin: minsan, kahit sa pamilyar na daan, may mga bagay na hindi natin kontrolado.
At doon ko naintindihan—hindi pala lahat ng sitsit ay para sa ibon.



