Sabi nila, libre lang mangarap. Walang bayad ang pagtingala sa langit at walang matrikula ang pagbulong ng salitang “balang araw.” Kaya noong bata pa ako, madali akong naniwala sa mga sabi-sabi. Madali pa lang mangarap kapag hindi mo pa alam ang presyo ng mundo.
Ngunit habang tumatanda, unti-unti kong natutuklasan na ang bawat pangarap ay may kaakibat na halaga—matrikula, pamasahe, at mga gabing pinipili kong maniwala sa kinabukasan kahit hindi sigurado kung maaabot ko ito.
At kahit ganoon, patuloy pa rin akong nangarap.
“Balang araw,” sabi ko sa sarili ko,
babalik ako sa kinalakihan kong pamayanan—
hindi na batang nangangarap, kundi doktor na may paninindigan.
Magtatayo ako ng klinikang bukás sa bawat karamdaman,
walang hinihinging kapalit at walang itinatanging pangalan.
Libre ang konsulta, hindi dahil sa labis na kayamanan, kundi dahil sa pusong marunong lumingon sa pinagmulan. Hindi upang ipagmalaki ang aking narating, kundi upang suklian ang mga dasal na minsan ako ang may tangan at tinig na sabay.
Ngunit kung ganito kaganda ang aking imahinasyon, bakit tila may katapat itong bayarin sa bawat ambisyon? Bakit parang may resibo ang bawat pangarap?
Habang lumalaki ako, lumalaki rin ang mga pangarap ko. Gusto kong maging doktor. Nais ko ring maging artista, maging guro balang araw, maging chef, at minsan ay maging stewardess. Marami akong gustong marating dahil sabi nga nila, libre lang mangarap. Kaya nangangarap ako nang marami—sapagkat pinaniwala akong wala itong bayad.
Ngunit habang binabagtas ko ang panahon at unti-unting namumulat sa realidad ng mundo, may isang bagay akong natutunan: mahirap maging mahirap, at mahal ang mangarap.
Ngayon, malapit na akong mag-kolehiyo—huling hakbang upang tuluyang maabot ang pangarap. Ngunit sa mga kursong pinili ko, wala ni isa ang tunay na konektado sa mga pangarap kong minsang sinigaw ng puso. Pinili ko ang praktikalidad. Pinili ko ang kursong hindi gaanong magastos. Pinili ko ang landas na mas kayang tustusan ng aming bulsa, kahit malayo ito sa kung sino sana ang gusto kong maging.
Dito ko napagtanto ang isang bagay na hindi tinuturo sa mga bata: libre raw ang mangarap, pero hindi libre ang tuition fee. Hindi libre ang baon. Hindi libre ang pamasahe.
Kaya minsan napapaisip ako—
bakit ang mahal mangarap?
Ang taas-taas ng pangarap ko, hindi dahil para sa sarili ko lamang. Mataas ito dahil marami ang kasama kong aakyat. Isa lang ang lalaban, ngunit buong pamilya ang mananalo.
At sa mundong ito, iisa ang landas na madalas itinuturo upang makaahon—ang edukasyon.
Kaya sa bawat pagpasok ko sa paaralan, hindi lang libro ang bitbit ko. Bitbit ko rin ang presyo ng ambisyon—ang halaga ng pagiging “gusto kong maging.” Sapagkat sa dulo ng lahat ng pag-aaral na ito ay ang pangarap na makapasok sa isang pamantasang magbubukas ng mas maraming pagkakataon.
May mga pamantasang kumikislap sa pangarap ng bawat estudyante—malalaki, prestihiyoso, at puno ng pangakong kinabukasan; mga institusyong may kumpletong pasilidad, may koneksyon sa industriya, at may reputasyong tila nagsisilbing pintuan ng oportunidad para sa mga makapagtatapos dito.
Ngunit kadalasan, ang pintuang iyon ay may presyo—
isang presyong hindi kayang bayaran ng bawat pamilyang nangangarap lamang.
Kaya sinasabi nila, “May state universities naman. Libre pa.” Totoo, libre ang matrikula. Ngunit ang makapasok doon ay parang pakikipagsapalaran sa dagat na puno ng alon. Libo-libong estudyante ang sabay-sabay na sumisid sa parehong pagkakataon—parehong matatalino, parehong masisipag, at parehong may pamilyang umaasang sila ang magiging susi sa mas magandang bukas.
Sa isang upuan sa silid-aralan, daan-daang pangarap ang nag-aagawan. At sa gitna ng laban na iyon, may mga estudyanteng hindi lang talino ang puhunan kundi pati ang pribilehiyong matagal nang nasa kanilang panig.
Habang ang iba’y nag-aaral sa mga paaralang may kumpletong laboratoryo, may pribadong tutor, may review center, at may oras na ilaan lamang sa pag-aaral—may mga katulad kong nagre-review sa pagitan ng gawaing bahay, sa ilalim ng ilaw na halos kumukurap, sa pagitan ng pagod at pag-asa.
Habang ang iba’y umaakyat sa hagdang marmol ng pamantasan na tila escalator ang daan, may mga katulad kong naglalakad sa batong mainit at magaspang. Hindi dahil mas maliit ang pangarap namin. Kundi dahil mas mabigat ang dala naming realidad.
Bawat hakbang ay may katumbas na sakripisyong hindi nakikita ninuman.
Bawat asignatura’y kapalit ang pawis ng magulang sa bawat magdamagan.
Bawat proyekto’y may kasamang pagod na hindi na mabigyan ng pangalan.
Minsan naiisip ko: kung libre mangarap, bakit ang sakit sa bulsa ng realidad?
Ang diploma ay hindi lang papel. Para sa amin, ito ay tiket palabas sa siklo ng “sapat na.” Ito ang tulay mula sa maliit na tahanan patungo sa mas malawak na mundo. Ngunit ang tulay na iyon ay may toll gate—at hindi lahat may barya.
May mga gabing mas mabigat ang calculator kaysa sa libro. Mas maraming kinukuwenta ang gastusin kaysa formula. Mas inuuna ang “kaya ba?” kaysa “kakayanin.” At doon mo mararamdaman ang hindi pagkakapantay-pantay ng mundo. May mga estudyanteng pinipili lamang kung saang unibersidad sila papasok, samantalang may mga tulad naming nagdarasal muna kung may unibersidad pa bang kayang pasukan.
Ngunit kahit ganoon, nangangarap pa rin. Dahil ang pangarap ay hindi lang luho—ito ang liwanag sa loob ng madilim na kwarto. Ito ang hangin sa dibdib ng pamilyang kapos ngunit umaasa. Ito ang tahimik na pangako ng isang anak na balang araw babalik siya, hindi para manghiram, kundi para magbigay.
Oo, hindi libre mangarap. May presyo. May sakripisyo. May mga luhang nakatago sa likod ng ngiti sa graduation picture. Ngunit may isang bagay na mas mahal pa kaysa sa pangarap—ang hindi mangarap. Dahil kung ang pangarap ay may bayad, ang pagsuko ay may mas mabigat na halaga: ang habambuhay na “paano kung.”
Kaya kahit mataas ang tuition, mas mataas pa rin ang tingin ko sa kinabukasan. Kahit mahal ang matrikula, mas mahal ko ang pangarap ko. At kung kailangan ko itong bayaran sa pawis, pagod, at pasensya—babayaran ko.
Dahil sa mundong may presyo ang edukasyon,
ang pangarap ko ang aking rebolusyon.



